Tuesday, August 27, 2024

John 1:45-51

BAGO PA NATIN MAKITA SI GOD AY NAKITA NA NIYA TAYO

John 1:45-51
"Here is a true child of Israel. There is no duplicity in him."
Matutunghayan natin sa Gospel Reading ayon kay John 1:45-51, ang isang natatanging tagpo sa buhay ni Nathanael, isang Israelita na tapat at walang bahid ng pagkukunwari. Ang tagpong ito ay puno ng kahulugan na nagbibigay sa atin ng mas malalim na pagka-unawa sa identity ni Jesus at sa Kanyang paraan ng pag-anyaya sa mga tao na sumunod sa Kanya.
Unang-una, mapapansin natin ang reaksyon ni Nathanael nang marinig niya mula kay Felipe ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Agad na tinanong ni Nathanael, "May mabuti bang manggagaling sa Nazaret?"
Kinakailangangang maunawaan natin ang pinanggagalingan ni Nathanael. Batid ng mga Israelita ang pangako ng Diyos hinggil sa darating na Mesiyas. Ang Mesiyas na ito ang magsisilbing hari ng Israel. Bilang isang hari, ang personal expectation niya ay katulad ng ibang Israelita na ang Mesiyas ay matatagpuan sa isang magara at mala-palasyong lugar. Subalit ibang-iba ang Nazareth, wala ditong mga naging prominenteng tao dahil isang mahirap na bayan ito.
Sa puntong ito, ipinapakita ni Nathanael ang kanyang pagiging matapat—hindi siya nag-alangan na ipahayag ang kanyang mga duda. Ang pagdududang ito ay isang senyales ng pagiging tunay na tao ni Nathanael, na hindi natatakot magtanong o magpahayag ng kanyang tunay na saloobin. Nais niyang kilatisin at suriin ang mga bagay-bagay na kanyang pinaniniwalaan lalo pa yung may kinalaman sa kanyang pananampalataya.
Upang maibsan ang kanyang mga duda, inimbita siya ni Felipe upang personal na makilala si Jesus, "Halika at tingnan mo." Katulad ni Nathanael, hinihikayat tayo na personal nating makilala si Jesus, sapagkat ang tunay na pananampalataya ay bunga ng isang personal na karanasan kapiling niya. Hindi sapat ang makarinig lamang ng mga bali-balita tungkol kay Jesus, kailangan natin Siyang maka-encounter ng personal katulad ng ginawa ni Nathanael sa kabila ng kanyang mga pag-a-alinlangan.
Nang makita ni Jesus si Nathanael, sinabi Nito sa kanya, "Narito ang isang tunay na anak ng Israel. Walang pagkukunwari sa kanya." Ang mga salitang ito ni Jesus ay nagpapakita ng Kanyang kakayahan na makita ang puso ng tao. Alam Niya ang kalooban ni Nathanael dahil palagi siyang nananalangin sa Diyos. Dahil sa magandang relationship niya sa Diyos, batid ni Jesus ang kanyang katapatan at ang kanyang pagiging totoo. Batid ni Jesus na sa kabila ng pagdududa ni Nathanael, siya ay isang tao na naghahanap ng katotohanan.
Sinabi ni Jesus kay Nathanael na bago siya tawagin ni Philip ay nakita na niya ito sa ilalim ng punong Fig Tree. Para kay Nathanael, napakahalaga ng mga katagang ito. Marahil sa yugtong nabanggit ni Jesus, iyon ay ang time na nagdarasal siya sa Diyos. At bahagi ng kanyang dasal ay ang paghahangad na makita niya ang Diyos. Ngunit iba ang kanyang personal expectation, hindi niya akalain na matatagpuan niya ang Diyos sa isang mahirap na bayan. Subalit hindi niya hinayaan na talunin siya ng kanyang personal biases nung marinig niya mula kay Jesus yung naging 'sacred moment' niya with God sa ilalim ng Fig Tree. Kagaya ng isang nawawalang tupa, ay nakilala niya ang boses ng Diyos na kanyang shepherd. Malinaw na malinaw na na-recognized niya ang tinig ng Diyos na kanyang palaging kinakausap kung kaya nasabi niya, "Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel."
Ang mga sinabi ni Nathanael ay ang kanyang naging profession of faith. Yung tagpong ito para kay Nathanael ay mas nagpalalim ng kanyang pagkakakila sa Diyos. Mula sa kanyang expectation na ang Mesiyas ay "dapat" na nasa isang malapalasyong kaharian, na-realize niya na ang Diyos ay mas pinili na manahan at makipamuhay sa atin (Emmanuel). Napahanga siya ng Diyos at naramdaman niya ang kanyang desire na makasalamuha ang lahat ng tao dahil sa nag-uumapaw na pag-ibig niya. Para kaya Nathanael, ito ang naging simula ng mga revelations ni Jesus para sa kanya. For sure, marami pa siyang nasaksihang mga himala mula kay Jesus mula ng siya ay unang naniwala. Kagaya ng sinabi ni Jesus, "Amen, amen, sinasabi ko sa inyo, makikita ninyo ang langit na bukas at ang mga anghel ng Diyos na nagpaparoo't parito sa Anak ng Tao." Hindi ito mangyayari kung patuloy nating ipipilit ang ating mga personal expectations, kung tayo ay mananatiling biased, at hindi natin hahayaang i-reveal sa atin ng Diyos kanyang tunay tunay na sarili.
Sa kabuuan, ang Gospel Reading sa araw na ito ay naglalarawan ng ating paghahanap sa tunay na Diyos. Palagi nating tatandaan na bago pa man natin siya makita ay nakita na niya tayo. Nais ni Jesus na personal natin siyang makilala upang ang lahat ng mga biases natin ay mabigyan ng kalinawan. Nais ni God na ituring natin siya bilang isang kaibigan na kapag meron tayong hindi maintindihan or maunawaan ay mas lalo tayong humahawak at kumakapit sa kanya.
===
Sanggunian (References):
1.IBreviary (for the Daily Readings)
2.The Jerome Biblical Commentary
3.William Barclay’s Daily Study Bible (Commentary)

No comments: