Tuesday, August 27, 2024

Luke 1:26-38

HANDA KA BANG MAKI-COOPERATE SA PLANO NG DIYOS?

Luke 1:26-38

Ang pagbasa mula sa Lucas 1:26-38 ay nagsasalaysay ng mahalagang pangyayari sa buhay ng Birheng Maria—ang Anunciation (Announcement) o ang pagbabalita ng anghel Gabriel na siya'y maglilihi at magsisilang sa Anak ng Diyos. Sa okasyong ito, makikita natin ang ilang mahahalagang puntos na maaaring pagnilayan.

Una, ang response ni Maria sa pahayag ng anghel ay nagpapakita ng dakilang pagpapakumbaba at katatagan ng loob. Sa kabila ng kanyang kabataan at kawalang karanasan, si Maria ay tinawag ng Diyos upang gampanan ang isang napakahalagang papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Ang kanyang tugon, "Ako'y alipin ng Panginoon; mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita," ay nagpapakita ng kanyang ganap na pagtitiwala at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang mga katagang ito ay kinikilalang "The Great Fiat of Mary" or ang kanyang dakilang pagtalima sa kahilingan ng Diyos. Ito ay napakadakila sapagkat kung wala ang pagtalima ni Maria ay hindi magaganap ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang cooperation natin sa plano ng Diyos ay isang halimbawa ng kung paano ang pananampalataya (faith) at pagtalima (obedience) sa Diyos ay nagbubunga ng mga dakilang bagay, kahit pa sa tila imposibleng kalagayan at pagkakataon.

Pangalawa, binibigyang-diin ang kahalagahan ng mensahe ng anghel: "Walang imposible sa Diyos." Ang mensaheng ito ay hindi lamang para kay Maria kundi para sa ating lahat na mananampalataya. Sa mga pagkakataong tila napakahirap o imposible ang isang bagay, ang Diyos ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala. Sa case ni Maria, para sa tao, imposibleng magdalang-tao at magkaanak ang isang birhen-- subalit ito ay nagkaroon ng katuparan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos Espirito Santo.

Pangatlo, ang pangako na ang kanyang anak ay "magiging dakila" at "tatawaging Anak ng Kataas-taasan" ay nagpapakita ng katotohanang si Hesus ang katuparan ng mga propesiya at ang tagapagmana ng trono ni David. Mabasa sa mga history books na ang pagdating ni Hesus ay hindi lamang isang pangyayari sa kasaysayan kundi ang simula ng isang bagong panahon ng paghahari ng Diyos sa mundo. Ang Kanyang kaharian ay walang hanggan, at Siya ang magbibigay ng tunay na kaligtasan sa lahat ng mananampalataya.

Sa kabuuan, ang Gospel Reading natin ay isang paanyaya sa atin nupang tularan si Maria sa kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos. Ipinapaalala rin nito na sa kabila ng mga pagsubok at tila imposibleng kalagayan, ang Diyos ay laging may kaparaanan. Tayo ay inaanyayahang manalig at magtiwala sa Kanya, sapagkat walang imposible sa Diyos.

===
Sanggunian (References):
1.IBreviary (for the Daily Readings)
2.The Jerome Biblical Commentary
3.William Barclay’s Daily Study Bible (Commentary)

#denmar1978 #dailyreflection

No comments: