Tuesday, August 27, 2024

Luke 7:11-17

TAHAN NA

Luke 7:11-17
Ang Gospel Reading mula sa Lucas 7:11-17 ay patungkol sa ginawang himala ni Jesus sa bayan ng Nain kung saan muli niyang binuhay ang anak ng isang balo. Dahil sa pagkamatay ng kanyang anak, ang balo ay magiging ganap na ulilang-lubos na (Anawim); at wala nang susuporta at aagapay sa kanya. Ipinapakita ng kwentong ito ang malalim na habag ni Jesus sa mga ulilang lubos (Anawim) bunga ng kamatayan ng kanilang tigapag-taguyod; at ang Kanyang kapangyarihan laban sa kamatayan.
Ang "anawim" ay isang termino sa Hebreo na tumutukoy sa mga "dukha," "mahihirap," o "nasa laylayan" ng lipunan—mga taong walang ibang maaasahan kundi ang Diyos. Sa konteksto ng Bibliya, kasama sa "anawim" ang mga balo, ulila, at mga dayuhan, sapagkat sila ang mga walang kapangyarihan o proteksyon sa lipunan. Sa yugtong ito, maituturing natin ang balo bilang isang "anawim" na tumatanggap ng habag at biyaya mula kay Jesus, na siyang nagbibigay ng bagong buhay at pag-asa sa kanya.
Sa kabilang dako, ang Nain naman ay isang maliit na bayan na malapit sa Nazareth. Hindi ito well-known kung kaya masasabing ang pagsadya ni Jesus dito ay nagpapakita ng Kanyang malasakit hindi lamang sa mga nasa lungsod kundi pati na rin sa mga nasa maliliit na komunidad.
Ngayon ay bumalik na uli tayo sa main topic natin. Nung papasok na si Jesus sa bayan ng Nain, nasalubong niya ang isang balo ang nakatakdang ilibing ang kanyang kaisa-isang anak, na siyang huling pag-asa niya sa buhay. Magkakatuwang ang mga taong nakikiramay sa balo sa pagpasan sa “coffin” ng kanyang anak.
Ang "coffin" na binabanggit sa Ebanghelyo ay hindi katulad ng ataul na ginagamit natin sa modernong panahon ngayon. Sa konteksto ng panahon ni Jesus, ang "coffin" ay mas malapit sa isang pangkaraniwang stretcher o platform na tinatawag na mittah (מִטָּה) sa Hebreo (bier naman sa English). Ang bangkay ay inihihiga dito at karaniwang nakabalot lamang sa puting tela na tinatawag na tachrichim (תכריכים) sa Hebreo (shroud naman sa English). Ayon sa tradisyong Hudyo, ang bawat tao, anuman ang kanilang yaman o katayuan, ay nililibing na nakabalot sa tachrichim, na sumasagisag sa pagkakapantay-pantay ng lahat sa harap ng Diyos.
Nang mabatid ni Jesus ang kalagayan ng balo, siya ay nahabag. Bilang anak ni Maria (na balo na din ng panahong iyon mula sa kanyang asawang si Joseph), batid Niya ang kahalagahan ng isang tagapagtaguyod na anak. Nung lumapit si Jesus sa balo, sinabi niya sa kanya, “Tahan na.” At nang hinawakan ni Jesus ang miṭṭāh kung nasaan nakapatong ang bangkay ng anak ng balo, sinabi ni Jesus, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!” Sa Kanyang utos, ang binata ay muling nabuhay.
Masasalamin na ang pagpapakita ni Jesus sa oras ng kalungkutan ng balo ay nagpapahayag na si Jesus ay naroon sa ating mga pinakamahirap na sandali na handang magbigay ng kaginhawaan (comfort) at pag-asa. Ang actions ni Jesus ay puno ng habag. Ang habag na ito ay ang pangunahing puwersa sa likod ng mga himala ni Jesus. Hindi Niya matiis ang pagdurusa ng iba, lalo na ang isang balo na nawalan na ng lahat. Ang pagkahabag ni Jesus ay isa pang patunay ng pagiging tao Niya. Nadarama niya ang hinagpis ng ating kalooban dahil bilang Diyos na maawain ay nagmamalasakit Siya sa atin. Ang response ni Jesus ay hindi lamang isang simpleng himala kundi isang pahayag na Siya ang Panginoon ng buhay at kamatayan. Sa Kanyang salita, ang patay ay muling nabuhay. Dito, makikita natin ang kapangyarihan ni Jesus. Ang himala ay isang patunay ng pagbabalik ng buhay mula sa kamatayan, isang pahiwatig ng darating na pagkabuhay ni Jesus.
Dahil sa nasaksihang himala, ang takot at pagsamba na ipinakita ng mga tao ay isang natural na reaksyon sa kamangha-manghang kapangyarihan ni Jesus. Ang kanilang pagkilala kay Jesus bilang "dakilang propeta" ay nagpapakita sa kanila ng direct sign na tunay na "binisita sila ng Diyos." Ang hamak na bayan ng Nain na hindi kilala, ngayon ay napabantog dahil sa himala na ginawa ni Jesus sa kanyang pagbisita. Kumalat ang balita tungkol sa ginawang himala ni Jesus sa Nain na nagsilbing isang paraan upang ipakilala ang kapangyarihan ni Jesus sa mas nakararaming mga tao sa paligid ng Judea na noong panahong iyon ay isang mahalagang rehiyon sa ancient Near East bilang sentro ng pananampalatayang Hudyo na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Imperyong Romano.
Sa kabuuan, ang Gospel Reading ay nagpapahayag ng dalawang mahalagang aral. Una, ang habag ni Jesus ay walang hanggan, at Siya ay laging naroroon para sa atin, lalo na sa ating mga panahon ng kalungkutan at pagdurusa. Pangalawa, ipinakikita Niya ang Kanyang kapangyarihan bilang Panginoon ng buhay at kamatayan, na nagbibigay ng pag-asa sa bawat isa sa atin dahil Siya ay makapangyarihan at maaasahan. Naway ang Gospel Reading na ito ay magsilbing paalala sa atin na tunay na mahabagin ang ating Diyos. Sa bawat pagsubok, si Jesus ay naroroon upang buhaying muli ang ating mga pag-asa at pananampalataya. Sa lahat ng pinagdadaanan nating pagsubok at idinadaing na pagdurusa, palaging karamay natin si Jesus na nagsasabi sa atin na, "Tahan na, narito na ako."
===
Sanggunian (References):
1.IBreviary (for the Daily Readings)
2.The Jerome Biblical Commentary
3.William Barclay’s Daily Study Bible (Commentary)

No comments: