Tuesday, August 27, 2024

John 1:45-51

TUMUNGO KAY JESUS, SIYA ANG SALITA NG BUHAY
John 6:60-69
“To whom shall we go? You have the words of eternal life.”
Sa Gospel Reading ayon kay Juan 6:60-69, matutunghayan na marami sa kanyang mga alagad ang nahirapang tanggapin ang Kanyang mga turo. Sa sandalling ito ay masasabing dumating na sa point kung saan ang maraming tiga-sunod ni Jesus ay nasubok ang hangganan ng kanilang pananampalataya.
Kalimitan, ang mga aral ni Jesus ay madalas na sumasalungat sa makamundong kaparaanan. Ang Kanyang mga turo ay palaging may dalang challenges at iniri-require ang kanyang mananampalataya na lumabas sa kani-kanilang comfort zones. Bagamat ang mga aral na Jesus ay nagde-demand ng personal na pagbabago, mahalaga ang mga ito upang makamit ang spiritual growth ng isang tao.
Nang marinig ni Jesus ang kanilang mga reklamo, tinanong Niya sila, "Ito ba'y nakakagulat sa inyo?" Ipinapakita sa tagpong ito na si Jesus na hindi Niya isinasantabi at ipinagwawalang bahala ang ating mga pag-aalinlangan at mga tanong. Hindi din Siya natatakot sagutin ang ating mga feedbacks at kahit pa ang ating mga criticisms. Nais Niya tayong gabayan sa dinadaanan nating learning process ngunit ito ay nangangailangan ng ating bukas na puso at kaisipan.
Para sa isang baguhang mananampalataya, mahirap nga namang arukin ang kahulugan sa mga sinabi ni Jesus, "Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; ang laman ay walang kabuluhan." Subalit sadyang may ugali tayong mga tao na may pagka-mainipin. Mas gusto natin ang mga instant na kasagutan sa ating mga pagsubok sa buhay. Kapag hindi natin maintindihan ang mga bagay-bagay ay madali tayong bumibitaw at napakadali din nating sumuko. Subalit si Jesus ay hindi katulad natin, hindi Niya tayo sinusukuan. Mas hinahabaan Niya ang Kanyang pasensya upang maipaliwanag sa kanyang mga alagad na nako-confused at nag-a-alinlangan na ang tunay na buhay ay hindi matatagpuan sa mga materyal na bagay o sa mga bagay na pangkatawan lamang, kundi sa pamamagitan ng Espiritu.
Sa kabila ng mga paliwanag na ito, marami pa rin sa mga alagad ang bumalik sa kanilang dating buhay at hindi na sumunod kay Jesus. Hanggang sa ang natira na lamang ay ang labindalawa. Tinanong sila ni Jesus, "Kayo rin ba ay aalis?" Mababakas sa tapat na katanungang ito ang pangamba dahil batid Niyang maraming tao ang tatalikod sa Kanya, subalit patuloy pa rin Siyang nag-aanyaya sa mga nananatili.
Ang tugon ni Simon Pedro ay isa sa mga pinakamahalagang pahayag ng pananampalataya (profession of faith) sa buong Ebanghelyo: "Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan." Ang mga salitang ito ay naglalaman ng dalawang pangunahing katotohanan. Una, kinikilala ni Pedro na si Jesus lamang ang may taglay ng mga salita ng buhay na walang hanggan—na walang iba na makapagliligtas at makapagbibigay ng tunay na kahulugan sa buhay. Pangalawa, ipinapahayag ni Pedro ang kanyang paniniwala na si Jesus ay ang Banal ng Diyos, ang tunay na pinagmumulan ng kaligtasan.
Sa kabuuan, ang bahaging ito ng Ebanghelyo ay nag-aanyaya sa atin na magtiwala kay Jesus kahit sa mga sandaling mahirap tanggapin ang Kanyang mga ipinapangaral dahil labag ito sa ating nakagisnang paniniwala at nagre-require sa atin na magbago. Sa halip na umalis ay manatili tayong humahawak at kumakapit sa Kanya. Habang patuloy tayong nakiki-cooperate sa Kanyang banal na plano, patuloy tayong manalig na tutulungan Niya tayong magbago at pabanalin. Nais ng Diyos na tayo ay manatiling tapat sa kanya upang mas makilala pa natin siya at upang maipaunawa Niya ng buong linaw ang Kanyang banal na plano para sa atin. Ang mga winika ni Pedro, “Saan kami pupunta… nasa sa Iyo na ang salita ng walang hanggang buhay,” ay nagpapaalala sa atin na kay Jesus lamang matatagpuan ang tunay na buhay na walang hanggan. Malinaw na mababanaag sa mga katagang ito ang banal ng plano ng Diyos para sa ating lahat-- dito sa lupa at maging sa kabilang buhay na walang hanggan.
===
Sanggunian (References):
1.IBreviary (for the Daily Readings)
2.The Jerome Biblical Commentary
3.William Barclay’s Daily Study Bible (Commentary)

No comments: