MAHALIN MO ANG DIYOS AT ANG IYONG KAPWA
Matthew 22:34-40
Sa Gospel Reading na ito, nagtanong ang isang Pariseo kay Jesus tungkol sa pinakamahalagang utos sa batas na kanilang kinikilala, ang Mosaic Law. Ang Mosaic Law ay binubuo ng 613 na mga batas na hinango mula sa iba't-ibang aklat ng Pentateuch (particularly sa 10 commandments mula sa Exodus 20:2-17) na pinaniniwalaang isinulat sa pangunguna ni Moises. Mula sa tagpong ito, may mga bagay tayo na mauunawaan na magpapakilala kay Jesus bilang isang maalam at maibiging Diyos; at sa tunay na intensyon ng Pariseo.
Una, ang tanong ng Pariseo ay hindi simpleng paghahanap ng sagot kundi isang pagsubok kay Jesus. Sa dami ng mga batas at utos sa Lumang Tipan, ang pagpili ng isang "pinakamahalaga" ay isang mapanubok na tanong. Ngunit sa halip na pumasok sa technical na diskusyon, si Jesus ay nagbigay ng isang sagot na naglalagom sa buod ng buong batas: ang pag-ibig: pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.
Pangalawa, binibigyang-diin na ang utos na "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso, kaluluwa, at isip" (Deuteronomy 6:5). Ang pag-ibig sa Diyos ay hindi isang emosyon lamang kundi ang conviction ng ating buong pagkatao—puso, kaluluwa, at isip. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay nangangahulugan ng isang relasyon sa Diyos na naka-center sa tiwala, pagsunod, at pananampalataya.
Pangatlo, ang pangalawang utos na binanggit ni Jesus ay "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili" (Leviticus 19:18). Ang pag-ibig sa kapwa ay isang natural tendency na resulta ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Hindi maaaring ibigin ang Diyos nang hindi iniibig ang kapwa. Hiindi magiging malalim ang ating pananampalataya sa Diyos kung hindi natin maibabahagi ang kanyang pagmamahal sa ating kapwa. Kung ang Diyos na hindi nakikita ay minamahal natin, nararapat lamang natin na mahalin din ang ating kapwa na ating nakakasalamuha sapagkat ang bawat isa ay ang perpektong larawan ng Diyos na hindi nakikita. Ang pag-ibig na ito ay hindi limitado sa emosyonal na damdamin na nakadepende lamang sa ating mood kundi sa pag-ibig na ating naranasan mula sa Diyos na nag-i-inspire sa atin upang kumilos at gumawa ng kabutihan para sa ating kapwa.
Ang dalawang utos na ito ay pinag-bigkis ni Jesus upang ipakita na ang kabuuan ng batas (Mosaic Law) at ang mga aral ng mga Propeta ay nakabatay sa mga ito. Ang lahat ng moralidad at batas ay nagmumula sa prinsipyong ito ng pag-ibig—ang una sa Diyos at ang pangalawa sa kapwa-tao.
Sa aklat na isinulat ni Pope Francis na pinamagatang "The Name of God is Mercy," binanggit niya na ipinapakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa atin bilang isang Diyos na maawain at mahabagin (merciful and compassionate). Sa kadahilanang sa halip na magalit ang Diyos nung magkasala sina Adan at Eba dahil sa pagsuway sa kanyang utos na nagbulid sa atin sa pagkakasala (state of original sin), nanatiling maawain at mahabagin ang Diyos upang mula sa ating pagkakasala ay ialay niya ang kanyang sarili upang tubusin tayo. Gayundin, bilang isang tao, malimit ay naa-awa tayo tuwing nakakakita tayo ng isang tao na nangangailangan ng ating tulong. Malimit, may ginagawa tayo upang makatulong . Pinakasimple mang gawin ang dasal, nananatili itong isa sa mga pinaka-effective na pwede nating gawin para sa ating kapwa. Dahil sa ating nadaramang habag, ginagawa natin ang ating buong makakaya upang kahit paano ay maibsan ang iniindang sakit ng ating kapwa.
Sa batas ng tao na umiiral, tayo ay obligado na magbayad ng ating buwis sa pamahalaan at dahil dito hindi na tayo obligado na gumawa pa ng voluntary service sa ating kapwa. Subalit, bilang mga Kristiyano, ang pag-ibig ng Diyos na patuloy niyang ibinibigay sa atin sa bawat araw ang bumabago sa ating puso upang magkaroon ng awa at habag (mercy and compassion) sa ating nagdurusang kapwa. Ito ang humihikayat sa atin upang sa sarili nating effort ay pakainin, bihisan, gamutin, bisitahin, at paglingkuran natin ang ating kapwa na nangangailangan. Kalimitan, ang mga taong tinutulungan natin ay ang mga taong nae-encounter natin.
Sa ating sariling buhay, ang ebanghelyo ay nagtuturo sa atin na ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pag-ibig. Hinihikayat tayo na suriin ang ating pakikipag-relasyon sa Diyos at sa ating kapwa. Nararapat lamang na tanungin natin ang ating mga sarili kung ang genuine na pag-ibig ba ang nagiging gabay natin sa ating mga kilos at desisyon. Ang genuine na pag-ibig ay hindi kumukunsinti ng mali ng ating kapwa bagkus ito ay life-giving dahil binabago nito ang bawat isa patungo sa kabutihan. Kapag life-giving ang ating mga actions, tayo ay nagiging mas malapit sa Diyos. Sa genuine na pag-ibig na ito, makikita natin ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa Diyos. Hindi man ganun kadali dahil kinakailangan natin mag-sacrifice, subalit fulfilling sa pakiramdam dahil alam natin na sa pamamagitan ng ating ginagawa ay napapasaya natin ang Diyos.
===
Sanggunian (References):
1.IBreviary (for the Daily Readings)
2.The Jerome Biblical Commentary
3.William Barclay’s Daily Study Bible (Commentary)
No comments:
Post a Comment