Tuesday, August 27, 2024

Matthew 23:13-22

NAIS NG DIYOS NA TAYO AY MAGING TULAY NG KALIGTASAN NG BAWAT ISA
Matthew 23:13-22
“Woe to you, blind guides.”
Sa Gospel Reading ayon kay Mateo 23:13-22, binibigyang-diin ni Jesus ang matinding pagkondena sa mga Eskriba at Pariseo dahil sa kanilang pagiging mapagkunwari at bulag na gabay. Makailang beses na binanggit ni Jesus ang mga pariralang "Woe to you."
Ang pariralang "Woe to you" na madalas nating makikita sa mga Ebanghelyo, lalo na sa mga pananalita ni Jesus, ay isang paraan ng pagpapahayag ng matinding babala, paninita, o paghatol. Sa Tagalog, maaaring isalin ito bilang "Kahabag-habag kayo" o "Kaawa-awa kayo." Ito ay isang idiomatic expression na nagpapakita ng matinding pagkadismaya, pagkagalit, o babala tungkol sa darating na kaparusahan o masamang kahihinatnan. Sa context ni Jesus, ang "Woe to you" ay isang malalim at matinding pahayag na nagbabala at naninita, ngunit naglalaman din ng pagpapahayag ng kalungkutan at awa, na nagtuturo sa mga tao na magbago at lumapit sa tamang landas. Sa parehong konteksto, kung hindi magbabago ang isang tao ng kanyang masamang gawain, maaari siyang mabulid sa apoy ng Gehena (Hell) sa oras ng kanyang kamatayan.
Bago tayo tumungo sa pinaka-topic ng ating reflection, kilalanin natin muna ang mga Eskriba at Pariseo.
Ang mga Eskriba ay mga eksperto sa Scripture (Torah) at batas ng mga Hudyo (Mosaic Law). Sila ang nagsusulat, nag-iinterpret, at nagtuturo ng mga batas sa mga tao. Sa madaling salita, sila ang mga scholar o 'abogado' ng batas ng mga Hudyo. Sila rin ang mga tagapagtago ng mga sagradong teksto at mga dokumento, at sila ang responsable sa paggawa ng mga legal na dokumento tulad ng kontrata, kasulatan ng kasal, at iba pa. Dahil sa kanilang malalim na kaalaman sa batas, madalas silang kinukonsulta sa mga usaping legal at pang-relihiyon.
Samantala, ang mga Pariseo naman ay ay nagmula sa salitang Hebreo na "Perushim," na nangangahulugang 'mga hiwalay' dahil ang mga Pariseo ay isang kilusan na religious sect at pampulitika na itinatag noong ikalawang siglo B.C. Sila ay kilala sa kanilang istriktong pagsunod sa batas ng mga Hudyo at sa mga oral na tradisyon na kanilang ipinapasa-pasa. Ang pangunahing layunin ng mga Pariseo ay panatilihin ang kabanalan; at pagiging hiwalay mula sa mga pagano at mga di-Hudyo sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa batas. Sila ay madalas na kinakatawan bilang mga tagapagtanggol ng tradisyon at batas laban sa mga impluwensya ng Hellenismo at Romanong kultura. Maraming Eskriba ang kabilang sa mga Pariseo, ngunit hindi lahat ng Pariseo ay mga Eskriba. Sa madaling salita, maaaring maging Eskriba ang isang Pariseo, ngunit hindi lahat ng Eskriba ay miyembro ng sekta ng mga Pariseo.
Sumakatuwid, ang grupo ng mga Eskriba at Pariseo ay ang mga grupo ng mga Hudyo na maalam tungkol sa usaping relihiyon at batas. Sila ay inaasahan ng mga tao na makakatulong sa kanila upang mas lalo silang maging banal. Subalit iba ang nangyayari, ginagamit nila ang kanilang kaalaman (knowledge) at kasanayan (skills) sa taliwas na kaparaanan.
Sa puntong ito, dumako na tayo sa ating reflection hinggil sa Gospel Reading. Ang mga talatang ito ay nagtuturo ng ilang mahahalagang aral tungkol sa tunay na kahulugan ng pagiging isang tigasunod ng Diyos; at ang masamang dulot ng pagkatisod ng ibang tao dahil sa ating pagkakasala. Sa reflection na ito, ang ibig sabihin ng 'pag-katisod' ay pagkakasala na nagagawa ng isang follower dahil sa pagsunod sa isang leader na corrupted ang asal at gawain.
Una, sinabi ni Jesus, "Kahabag-habag kayo, mga Eskriba at Pariseo, mga mapagkunwari. Ikinukulong ninyo ang Kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumapasok, ni hindi pinahihintulutan ang iba na pumasok." Ipinapakita rito ang kanilang kabiguan bilang mga tagapagturo ng batas at mga pinuno ng relihiyon. Sa halip na magdala ng kaligtasan, sila pa ang nagiging hadlang dito.
Pangalawa, sinabi ni Jesus, "Kahabag-habag kayo, mga Eskriba at Pariseo, mga mapagkunwari. Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang i-convert ang isang tao; at kapag siya'y naging isa na, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno na doble kaysa sa inyo." Ginagawa nila ang lahat upang makakuha ng mga bagong tagasunod, ngunit ang kanilang mga turo ay humahantong lamang sa kapahamakan. Sa halip na magdala ng liwanag, ang kanilang mga turo ay nagdadala ng kadiliman at pagkaligaw.
Pangatlo, tinawag ni Jesus ang mga Eskriba at Pariseo na "mga bulag na taga-akay" at tinuligsa ang kanilang maling pamantayan sa mga panunumpa. Sinabi Niya, "Mga bulag na mangmang! Alin ba ang mas dakila, ang ginto o ang templong nagpapabanal sa ginto?" Binibigyang diin dito ang kanilang pagiging materialistic sa halip na mag-focus sa spiritual na bagay. Ipinapakita rito ang kanilang kabiguan na maunawaan ang tunay na halaga ng mga banal na bagay. Ang kanilang mga panunumpa ay nagiging walang kabuluhan dahil ito ay batay sa mga bagay na walang tunay na kabanalan.
Sa kabuuan, ipinapakita ng Gospel Reading na ito ang seryosong babala laban sa pagiging mapagkunwari (hypocrites) at sa maling pagtuturo ng mga relihiyosong pinuno na nagdudulot ng pagkatisod ng mga sumusunod sa kanila. Lahat tayo ay tinatawagan na maging faithful sa ating pananampalataya at hindi mapag-panggap (deceiving). Dapat nating unawain na ang tunay na kabanalan ay hindi nasusukat sa mga materyal na bagay o sa panlabas na ritwal, kundi sa ating tapat na relationship sa Diyos at sa ating tapat na pagsunod sa kanya. Nais ng Diyos na tayo ay maging “brother’s/sister's keeper” ng bawat isa. Nais Niya na maakay natin ang ating kapwa patungo sa Kanya. As an act of our gratitude natin sa Diyos dahil sa mga biyaya na natamasa natin mula sa Diyos, marapat lamang na maibahagi din natin ang message of salvation ni God sa iba. Sa pagtatapos, nais kong bigyang diin na nais ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay maging tulay ng kaligtasan ng bawat isa.
===
Sanggunian (References):
1.IBreviary (for the Daily Readings)
2.The Jerome Biblical Commentary
3.William Barclay’s Daily Study Bible (Commentary)

#denmar1978 #dailyreflection 

No comments: