LORD, GAMITIN MO PO AKO BILANG ISANG HAMAK NA INSTRUMENTO NG IYONG KALIGTASAN
Matthew 23:8-12
“Do not be called “'Master”; you have one Master, the Christ.”
Bago ako magpatuloy, mahalaga muna nating maunawaan na ang pagpapa-alala (admonishment) ni Jesus na huwag magpatawag ng "Rabbi," "Ama," o "Guro" ay nag-uugat sa mga maling nakagawian ng mga Pariseo. Nire-required kasi nila na tawagin sila ng madla sa ganitong mga kagalang-galang na titles dahil iniyayabang nila ang kanilang halaga at status sa lipunan. Dahil sa mga titulong ito, mas nagiging angat sila sa kanilang kapwa. Deep inside each one of them, bilib na bilib sila sa kanilang sarili dahil pakiramdam nila ay napakagaling nila samantalang ang iba, ang tinign nila ay napaka-inferior sa kanila. In short, ang kanilang pagkaunawa sa mga titulong ito ay: “Rabbi ako dahil napakagaling ko”, “Ama ako dahil provider ako”, “Guro ako dahil matalino ako.” Puro ako, ako, at ako.
Bagkus ang sinasabi ni Jesus ay makita natin ang ating mga sarili sa point of view ni God: bilang isang humble servant-leader na biniyayaan ng Diyos ng talento upang makapaglingkod sa ating kapwa. Yung sasabihin nating nag-aaral ako, nagpupunyagi, at nagpapakadalubhasa para sa ikararangal ng Diyos at ikabubuti ng aking kapwa. Yung kapag na-achieve na natin ang ating pinakamimithing mga pangarap ay kusa tayong tatawagin ng mga taong pinaglingkuran natin bilang “Sir o Ma’am”, “Teacher,” “Father”, “Doc”, “Engineer”, “Brother or Sister” at kung ano-ano pa hindi lang dahil nakuha natin ang kanilang respeto dahil sa ating angking galing kundi dahil nasaksihan nila kung paano natin naisabuhay ang pagiging isang mabuting Kristiyano. Yung sasabihin nilang, “Sir… Ma’am… naramdaman ko po ang presence ng Diyos mula sa inyo… dahil sa kabila ng iyong mataas na estado sa buhay, heto ka at pinili mong paglingkuran ang isang maralita na katulad ko.”
Ang bilin ni Jesus na, "ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod," ay isang contradiction sa umiiral na worldly values kung saan 'ang lahat ng mga the best belongs only to those who can afford.' Sa halip, binibigyang diin ni Jesus ang heavenly values kung saan ang kadakilaan ay nasusukat sa naibibigay na paglilingkod sa kapwa at hindi sa hawak-hawak na kapangyarihan. Ito ay isang hamon sa societal norms na umiiral nung panahon ni Jesus sa ilalim ng pamumuno ng mga Pariseo na hindi na nga nakakatulong ay nagiging dahilan pa upang ‘matisod’ at malihis ng landas ang kanilang kapwa. Hinahangad ni God na marealize natin na the more na tumataas tayo ay the more na nagse-serve tayo. Ika nga, mas maraming blessings, mas marami ring ibinabalik sa Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating sarili sa ating kapwa.
Si Jesus mismo ang perfect example ng isang mabuting Servant-Leader. Ipinakita ng kanyang pagkapako sa krus ang kanyang ultimate act ng kanyang servant-leadership. Bagamat Siya ang Panginoon, pinili Niyang ialay ang Kanyang buhay para sa iba. Ang kanyang pagbibigay ng Kanyang sarili ay nagsisilbing modelo para sa lahat ng nagnanais sumunod sa Kanya. Ito ay malinaw na nagpapakita na ang exaltation ay hindi nakukuha sa self-promotion kundi sa self-sacrifice.
Sa kabuuan, ang ating Gospel Reading ay nag-aanyaya sa atin na magnilay about sa leadership at sa servanthood sa buhay Kristiyano. Malaking bagay ang ginagampanan ng pagpapakumbaba (humility) upang maisagawa ito sa araw-araw. Ang turo ni Jesus ay humahamon sa mga mananampalataya na ialay natin ang ating mga nakamit na titulo at status sa Diyos; at gamitin ang mga ito upang mapaglingkuran ang ating kapwa.
Sa mata ng Diyos, pare-pareho tayong magkakapatid. Bilang mga magkakapatid, marapat lamang na pagsilbihan at akayin natin ang bawat isa patungo sa kaharian ng Diyos. Katulad nga ng sinasabi ni Jesus, ‘makikilala tayo na Kanyang mga tigasunod dahil sa wagas na pag-ibig natin sa ating kapwa’ (Cf. John 13:35).
Sa ating panalangin, sabihin natin kay God, “Lord, salamat po sa mga biyaya… gamitin mo po ako bilang isang hamak na instrumento ng iyong kaligtasan.”
===
Sanggunian (References):
1.IBreviary (for the Daily Readings)
2.The Jerome Biblical Commentary
3.William Barclay’s Daily Study Bible (Commentary)
No comments:
Post a Comment