Thursday, July 12, 2012
Ang Puno
may isang puno sa gitna ng kagubatan
mahal na mahal siya ng nag-aalaga sa kanya
kung kaya wala sa kanyang nakakalapit
isang araw nung wala ang may-ari
may batang naligaw sa kanyang kinalalagyan
gutom ang bata kung kaya kinuha niya ang mga bunga nito
"ang sarap ng bunga" sabi niya
naglaro siya sa malilim na paligid ng puno
at nung napagod ang bata
natulog siya habang idinuduyan sa malalaking sanga ng puno
dumating ang may ari
nagalit siya ng makita ang bata
pinalayas niya ito at sinabi sa puno
"ayan matahimik ka na uli, wala nang gugulo sa iyo."
umiyak ang puno
tinanong siya ng may-ari kung bakit
sumagot ang puno
malungkot niyang sinabi...
"kasi tinanggalan mo ako ng dahilan
upang ako ay mabuhay ng maligaya..."
====
PART II:
lumipas ang mahabang mga dekada
namatay na may-ari ng puno
wala na sa kanyang nag-alaga
hanggang isang araw
ginambala ang katahimikan ng kagubatan
ng maingay na tunog ng 'chainsaw' at palakol
takot na takot ang ibang puno
subalit hindi ang puno na laging nananabik
na muling makita ang bata
na nagsulat ng kanyang pangalan
sa kanyang malaking sanga
sa matagal na panahon ng kanyang pangungulila
wala na siyang dahilan upang lumigaya
hanggang sa maramdaman niya
ang sobrang sakit ng paghiwa ng lagari sa kanyang tagiliran
hanggang sa huling hininga niya
nakita nya ang kanyang sarili
bumagsak patungo sa kanyang malagim na kamatayan
Isa lang ang dinasal niya
'Sana mayakap ko ang batang nagpasaya sa akin.'
Mula sa kabundukan
Pinadausdos siya patungo sa pampang
Pinaanod siya sa ilog na patungo sa syudad
Hanggang mapasakamay siya ng Dakilang Manlilikha
Narinig ng anluwage (carpenter) ang panalangin ng puno
Bibigyan kita ng bagong buhay ng ayon sa iyong kalooban
Kung saan ang pangalan ng batang iyong inaasam
Ay iyong makakayakap hanggang sa walang hanggan
Siya ay ginawang kabaong ng Dakilang Manlilikha
Kung saan sa kanya inihimlay ang bangkay ng batang pinanabikan niya
Ang batang nagbigay sa kanya ng dahilan upang tumawa
At humalakhak ng buong puso at kaluluwa.
['Dolphy Quizon' ang pangalan na isinulat ng bata sa malaking sanga ng puno]
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Short Stories