Saturday, July 7, 2012
Obrero
May mga tao
Na nag-uubos ng lakas…
Ng kabataan
Ng talino
At buong kakayahan
Para lamang
Sa isang pagawaan
Na hindi nagmamalasakit
O rumerespeto
Sa kanya
Wala na kasing matakbuhan
Kung kaya
Hinahayaan na lamang nya ang kanyang sarili
Na gamitin na parang makinang de-susi
Kahit na inaabuso na
Ang kanyang karapatan
Na ituring siyang tao
At ngayon
Matapos ang matagal na panahon
Kagaya ng isang bateryang diskargado
O isang pyesa ng sasakyang tumirik na
Kinakailangan na siyang kalasin
Sa sistemang natutunan nyang mahalin
At itapon ng walang pakundangan
Sa basurahan
Kung saan sinasabi sa kanya
Na siya ay wala nang silbi
Kung saan
Lahat sa kanya ay wala na
Sapagkat bago siya pakawalan
Sinaid muna ang lahat ng kanyang lakas
Hanggang sa pinahuli-hulihang patak ng dugo
Na nagsilbing langis na nagpapaandar
Sa lahat ng makina ng dambuhalang industriya
Bagkus ang itinira sa kanya
Ay ang lupaypay nyang katawan
Mga namamagang kalamnan
Na binugbog ng sobrang pagod
Mga nagsabugang ugat
At katawang hindi na makuhang igalaw
Pagkat manhid na at laspag na laspag
Pinabaunan siya sa huli ng limos
Na sapat lamang upang maigapang
Ang ilang araw na gamutan
Sa sakit na wala nang kagalingan
Sakit na nagmula sa usok ng turbina
Na dumaloy na parang nakakasulasok na lason
Sa baga at himaymay ng kalamnan
Walang pagmamalasakit
Walang pagmamahal
Kung mayron mang magtapon ng pansin
Sa pobreng ordinaryong obrero
Ang kanyang talambuhay
Ay pagkakakitaan pa rin
At aabusuhin ng paulit-ulit
Hanggang sa kanyang kamatayan
Ililibing ng walang dangal
Hanggang sa malimot
Ng industriya at nang sangkatauhan.
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS