Saturday, July 7, 2012
Misyon
Lahat naman tayo
Ay may gustong gawin
Sa mundong ating ginagalawan
Ang misyong ito
Na bahagi ng ating buhay
Ang nagiging dahilan natin
Upang tayo ay mabuhay
Gaano man ito kahirap
O sabihin na lang natin
Gaano may ito ka-simple
Sa mata ng ibang tumitingin
Ito iyong niyakap natin
Dahil ito ang pinaniniwalaan natin
Ito ang pagkaunawa natin
Sa kahulugan ng buhay
Karangalan ang ating pamantayan
Kakayanan ang ating sukatan
Kayamanan ang ating pinanghahawakan
Kung kaya buong buhay natin
Ito ang ating inaasam
Ito ang ginawa nating dahilan
Upang magpunyagi
Upang manatiling buhay
Subalit kailangang harapin ang katotohanan
Na hindi tayo mabubuhay kailanman
Na kailangan ding dumating tayo sa pagkakataon
Na kailangan nating isuko ang ating buhay
Na gaano man kalaki ang ating salapi
Ang lahat ng ating mga nakamit na karangalan
Ay iiwan din natin sa dingding na ating pinagpakuan
Hindi natin masisisi ang ating sarili
Kung bakit tayo ganito
Kung bakit lagi tayo ay punung-puno ng pag-aalala
Kung bakit tayo ay laging binabalot ng takot
Sapagkat ito ang naging pagkakakilala natin sa mundo
Kung saan nag-uugat ang lahat ng ito
Mula sa ating nakaraan
Na maaaring mapait
Na ayaw nating bitiwan
Mula sa nakaraang
Masasabi nating madilim
Na hindi natin matakas-takasan
Subalit hindi naman lahat
Mula sa ating nakaraan
Ay malagim at nakakarimarim
Hindi naman lahat sa atin ay nagdamot
Hindi naman buhat sa ating nakaraan
Ay nagdulot sa atin ng kapighatian
Dahil mayroon din naman sa ating nagmalasakit
Mula sa mga ordinaryong tao na ating nakasalamuha
Na hindi naghangad ng kapalit
Sa kanilang pagmamahal at pagbibigay
Buong buhay natin
Pinangarap nating maghiganti
Sa pamamagitan ng pagkamit ng mga bagay
Na ating pinanabikan
At nung makuha natin ito
Hindi pa rin tayo nasiyahan
Dangang agawin pa rin natin
Ang natitirang bahagi para sa ating kapwa
Dahil nakaramdam tayo ng kaligayahan
Mula sa kawalan ng iba
Mula sa pagkaganid
Natuto nating yakapin ang kapangyarihan
Na nakakalasing
Na nakakabulag
Na nakakahibang
Ang ating pangamba ay napalitan ng pagkamuhi
Pagkamuhing balikan ang ating nakaraan
Kung kaya nais nating ikubli ito
Sa kapangyarihang kinakapitan natin
Akala natin
Ito ang kahulugan ng buhay
Akala natin
Ito ang pamantayan ng buhay
Akala natin
Ito ang patutunguhan ng buhay
Dahil ito ang niyakap nating misyon
Dahil ito ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan
Nang katuwaan
Nang lakas
Nang dahilan
Upang makatakas
Sa kahinaan ng ating pagkatao
At kalungkutan ng ating kaluluwa
Na ating ikinukubli
Sa ating mga pinanghahawakan
Wala tayong panahon sa iba
Dahil wala tayong minahal
Kundi ang ating mga sarili
Mula sa ating natamasa
Sinukat natin ang ating kapwa
Wala tayong kinakapitang iba
Dahil akala natin
Habang buhay tayong malakas
Hanggang isang araw
Makikita natin ang ating mga sarili
Na malulugmok sa banig ng karamdaman
Lahat ng ating pinagsikapan
Kulang pa palang panduktong ng ating buhay
Mababatid natin
Na may mga bagay pala
Na hindi kayang bilhin ang pera
Maaaring kapag tayo ay nagkasakit
Mao-ospital tayo sa pinakamagandang institusyon
Pero aalagaan tayo
Hindi dahil sa pagmamahal
Kundi dahil sa ating ibabayad
Maaring nabili natin
Ang pinakamaganda at pinakamamahaling ataul (coffin)
Mabayaran natin ang pinakamahal na serbisyo
Nang alinmang sikat na punerarya (funeral parlor)
Subalit ano ang mayroon
Sa pagkatapos ng ating kamatayan?
Dahil hindi ito ang wakas
Dahil ito ang simula lamang
Saan patutungo ang ating kaluluwa?
Nagbabagang apoy lamang ba ang lalamon dito
Ano ang ihaharap natin sa Dakilang Lumikha
Kung wala tayong naibahagi sa ating kapwa
Mula sa pagpapalang ipinagkaloob niya
Kung iisipin natin
Habang tayo ay pinagpapala
Lumalalaki rin ang pananagutan natin
Sa Dyos na nagbigay sa atin ng lahat ng ito
Kung paano natin ginamit ang ating talino
Kakayanan, lakas at kabataan
Kung paano natin ito naunawaan
Ay ganun din ang ating pagkakakilala
Sa Dyos na nagbigay sa atin ng lahat ng ito
Na maaari nating hindi pinahalagahan
Ating kinalimutan
O tuluyang itinatwa
Kinakailangan pa ba
Na mamatay tayo
Upang maniwala tayo
Sa mga bagay na hindi natin kayang tanggapin?
Kung kailan mabubunyag sa atin
Doon sa kabilang buhay
Na may Diyos na buhay na mangingibig
Na una sa ating nagmahal?
Dahil sa kabilang buhay
Mabubunyag sa atin ang lahat ng katotohanan
Na pawang kasagutan
Sa lahat ng katanungan
Kung saan natin inuubos
Ang lahat ng ating lakas
Kung kailan mauunawaan natin
Na ang ating pinagkakaabalahan
Na naglayo sa tao upang umibig sa Dyos
Ay mga kabulaanan
Na ating pinapatotohanan
Pinilit kasi nating isipin ang lahat ng bagay
Itinampok natin
Ang ating pag-iisip bilang tao
Sa kapamaraanan ng Panginoon
Na nagbigay sa atin ng katwiran
Upang itaas natin ang ating sarili
At hangaan tayo ng sangkatauhan
Ang ating inaakalang talino
Bilang diyos-diyosan
Na kasamba-samba
Ginamit natin ang ating talino
Upang gumawa ng himig at musika
Na magtuturo ng galit sa tao laban sa Dyos
Ginamit natin ang ating pamimilosopiya
Upang pabulaanan na may umiiral na Dyos
Na nagmamahal at namamatnubay
Ginamit natin ang ating kapangyarihan
Upang gutumin at apihin
Ang mga mababang (poor) inibig ng Panginoon
At kahit na makamit natin ang lahat ng ito
Sa bandang huli
Sa dulo ng ating kawalang kasiyahan
Nabatid natin na tayo ay mag-isa pa rin
Na wala palang kasiyahan
Sa mga pinanghahawakan natin
Kung kailan natanggap natin
Na ang niyakap natin ay hindi ang kahulugan ng buhay
Matapos nating abusuhin ang biyayang ating nakamtan
Saka natin sasabihin
Na tayo ay pinabayaan ng Dyos
Na tayo ay iniwan ng Dyos
Na hindi tayo inibig ng Dyos
Makikita natin na mas mapala pa pala
Ang mga ipinagtabuyan nating mahihirap
Sila na nagdurusa mula sa mga pang-aapi at ating panlilibak
Sila na may mga ordinaryong buhay
Na kahit walang masilungang bubong
Ay palaging nakukuhang magpasalamat
Sa kakarampot na biyaya
Na napupulot nila
Mula sa iyong mapag-imbot na basurahan
Matatanaw mo mula sa iyong mamahaling bintana
Sila na kahabag-habag
Na sa kabila ng pagtulog kahit na kumakalam ang sikmura
Sa isang bangketa na walang kumot o maging bubong
Habang dinadaan-daanan ng iba't-ibang magagarang sasakyan
Naroon ang anghel ng Dyos
Kapiling nya
Ipinaghehele siya
Habang siya ay natutulog
Subalit...
Mahal din ng Diyos ang gaya nating makasalanan
Walang dahilan upang isipin nating iniwan tayo ng Dyos
Dahil ang bawat araw na ipinagkakaloob Niya sa atin
Ay ang mga araw na magbibigay sa atin ng pagkakataon
Upang magsisi at magbago
Buhat sa ating mga pagkukulang
Buhat sa ating mga pagkakamali
Ang Diyos ay mapagpatawad
Wala tayong dahilan upang mangamba
Ano man ang ating nagawa
Kapag tayo ay nagbalik-loob
At isinuko natin ang ating buhay sa kanya
Makakasa tayo
Na tayo ay mamamahalin Nya
Nang buong puso at pagpapatawad
Hayaan natin Siyang maghari sa ating mga puso
Gamitin natin ang ating mga natitirang sandali
Upang makita natin ang Diyos sa ating mga nangangailangang kapwa
Mula sa atin
Ibahagi natin ang Diyos na ating nasilayan
Isang Diyos na mapagbigay
Isang Diyos na mapagpala
Isang Diyos na mapagpatawad
Tayo ay minahal
Ang ating pangalan
Ay hindi kaylan man nawaglit sa palad ng Ama
Kasa-kasama natin Siya sa buhay natin bawat saglit
Kung kaya alam Niya
Kung gaano tayo nasasaktan
Mayroon pang panahon upang magbago
Hindi pa huli ang lahat
Mula sa kadilimang ating binabagtas
Paroroon din tayo isang araw
Sa kaliwanagang
Dyos ang patutunguhan
Kung saan mauunawaan natin
Mula sa ating pagbibigay sa ating kapwa
At pagbabahagi ng ating buhay sa kanila
Naroon pala ang tunay na kabuluhan ng buhay
Mula sa kanila na kapus-palad
Mapupuno tayo ng pagmamahal
Na nagmumula
Sa Dakilang Lumikha
Ito ang ariin nating misyon
Kung saan hindi na natin kailangan pang lumayo
Upang hanapin ang Dyos
Dahil narito na sa ating harapan Dyos
Kumakatok sa ating harapan
Nanghihingi ng kaunting habag
Nanlilimos kahit na karampot na pagmamahal.
Br. Dennis DC. Marquez