Friday, July 13, 2012

Pagbabalik Tanaw


Sa ilang taon ko sa formation, masasabi ko na ang bawat bokasyon ay espesyal. Kahit na masasabi kong masalimuot ang aking vocation story dahil puno ito ng kalungkutan at pagkabigo, hindi ko maaari itong ikumpara sa vocation story ng iba na puno ng kasiyahan at puno ng kulay. Ang simpleng sagot lamang sa mga bagay na hindi ko maunawaan e ang katagang “Dyos na ang bahala.” Nung tinawag nya ako, “Siya na ang bahala.” Nang tumugon ako sa kanya, “Siya na ang bahala.”`Kapag may problema sa formation… magmula sa issue ko sa aking buhay, mga problema sa aking pamilya, hanggang sa mga exam na hindi ko masagot-sagutan sa pag-aaral, lagi ko na lang sinasabi ang katagang, “Bahala na ang Dyos.” “May awa din ang Dyos.” “Dyos na ang bahala.”

Basta ginagawa ko ang buo kong makakaya at kung ano ang hindi ko magagawa e "Diyos na ang bahala."

Malimit:
Sinasabi ng isip ko
na pagod na ako
Subalit sinasabi ng puso ko
Na kailangan kong magmahal

Sa matagal ko nang pakikipag-ulayaw sa Banal na Sakramento, maraming bagay akong napag-tanto. Ito yung mga bagay-bagay na naging malinaw para sa akin upang maunawaan ko ang aking ngayon. Naunawaan ko na kailangan palang mayroon akong isuko upang makilala ko ang Dyos. Na kailangang mayroon akong iwan upang mapalapit ako sa Diyos. At kailangang yakapin ko ang Diyos ng buong-buo upang ibigin ko ang Dyos.

Ang Diyos ang una sa aking nagmahal. Kung nasaktan man ako, nasaktan din Siya ng ialay Nya ang kanyang sarili para sa aking mga kasalanan. Hindi lang ako ang sugatan, maging si Hesus ay nasugatan at nasaktan.

Sa kinalalagyan at katatayuan ko, malinaw sa akin na ang lahat ng ito ay pagbabakasakali lamang. Malimit, maraming pagsubok at maraming pagkabasag ng pagkatao. Subalit sa dulo ng lahat ng ito, hindi ko man lubos na maunawaan sa ngayon ang mga bagay na nangyayari akin ay nasasalamin ko sa mga pangyayari ang aking dalisay na pananalig. Pananalig na may magandang mangyayari matapos ng mga pagsubok sa aking buhay, pananalig na mayroong mangyayaring biyaya matapos ang mga kabiguan na aking kinakasadlakan at pananalig na mayroong pagpapala na kung hindi man maipagkaloob sa akin ang mga hinihiling ng aking puso ay laging mayroon mas magandang kalooban para sa akin ang Diyos. Nagbabakasakali man ako, nanalig ako na mayroong magandang mangyayari ayon sa ninanasa ng Dyos.

Naunawaan ko na kinakailangang bitiwan ko ng buong pagtitiwala ang lahat ng mga dala-dalahin ko sa aking buhay upang ganap akong makakapit sa Dakilang Lumikha. Kung saan man patutungo ang aking paglalakbay, hahayaan ko lamang ang kamay ng Diyos Ama ang gumabay sa akin. Katulad ng mga ibon sa himpapawid, mananalig ako ng buong puso. Mananatili ako kung saan Niya ako tawagin. Pipilitin kong manatiling tapat sa kabila ng unos at ligalig.

Bilang isang ordinaryong tao, aaminin ko, sa edad kong ito, napapagod din ako. Subalit sa piling ng Diyos, ang nagiging kapahingahan ko ay ang magmahal at wala nang iba.





===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS