Saturday, November 19, 2011
Pangungulila
Anak...
Marami sana akong nais sabihin
Na matagal ko nang kinikimkim sa aking damdamin
Subalit lagi akong napangungunahan ng galit
Kung kaya ang aking puso ay nauuumid...
Bata ka pa noong ikaw ay aking iniwang nag-iisa
Dahil gusto kong takasan ang aking pagiging ama
Mas ninais kong hangarin ang aking pansariling kalayaan
Habang ikaw ay nangungulila sa piling ko't nag-iisa
Hindi ko nasilayan ang iyong mga unang hakbang
O narinig ang iyong unang kataga na sumisigaw ng 'tatay'
Nagbingi-bingihan ako tuwing gabi kapag ikaw ay umiiyak
Kahit gutom o basa ang lampin mo... ikaw ay aking pinabayaan
Hanggang sa masanay kang mag-isa at wala ako sa iyong piling
Binaybay mo ang buhay kahit wala sa iyong nagmamalasakit
Nakabuo ka ng sarili mong mundo mula sa iyong hinanakit
Hanggang mga pangarap mo'y iyong maluwalhating nakamit
Lumipas ang mahabang panahon...
Tuluyan nang hindi nag-krus ang ating mga landas
Nung ikaw ay mag-asawa na... wala akong kaalam-alam
Balita ko... sumusunod ka raw sa aking mga yapak
Isang iresponasable at isang pabayang ama...
Patawarin mo ako anak kung hindi kita naturuang mag-mahal
Biktima din ako ng aking mapait na nakaraan
Kung maaari lang... huwag mo nang ulitin ang aking kakulangan
Upang wala nang mga munting kaluluwa ang magpasakit at magdusa...
Matamis na tatanggapin ko ang lahat ng iyong mga sumbat
Wala na akong hahangarin kundi ang iyong mahigpit na yakap
Sa huling sandali ng aking nanghihina at umaandap na buhay
Tanging mailap na sulyap mo na lamang ang aking hinihintay
Patawarin mo ako aking anak...
Nais din sana kitang dalhin sa mga lugar na narating ko
Subalit wala akong panahon upang upang yayain ka
Kahit na nagmamakaawa ka't nagpupumilit sa aking sumama
Lagi akong tumatanggi at sa iyong hiling ay nagmamatigas
Kung maibabalik ko lamang sana ang mabilis na lumipas na kahapon
Nais kong magbago at maging isang mas mabuting ama mo
Subalit huli na... mga salita ko'y hindi mo na mauunawaan
Sapagkat tuluyang ginugupo na ako ng panghihina at karamdaman...
Anak....
Patawarin mo ako sapagkat ikaw ay nasaktan ko...
Nadurog kong ganap ang iyong nabasag mong puso
Mamamatay akong nagsisisi sa aking kapabayaan
Subalit nais kong maituro sa iyo ang halaga ng pagpapatawad
Tanggap kong wala akong karapatang sabihin ito sa iyo
Subalit ayaw kong masaktan ka sa huling sandali ng iyong buhay
Dahil ang pinakamasakit palang yugto ng pagiging ama
Ay nu'ng makita ko sa iyo ang sarili kong hindi nagmamahal...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Abandonment,
Being Alone,
Broken Relationship,
Challenges,
Faith,
Father,
Parenthood,
Reflection,
Regrets,
Separation,
Waiting
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment