Tuesday, November 22, 2011
Maka-sarili
Napapagod na ako sa iyo
Marami kang reklamo sa buong mundo
Nais mo nang katahimikan
Subalit kapag tayo ang magkasama
Ang katahimikan ng aking kaluluwa
Ay binabasag mo ng walang patumangga
Nang walang preno
Nang walang katapusan
Nang mga sari-saring kwento
Na kumukulo sa galit at paninisi
Na umaalingawngaw mula sa kaibuturan ng iyong puso
Na inari mong kaligayahan
Ang isang umaalingasaw na aroma
Nang iyong makasariling pagkatao
Sapagkat may matiyagang nakikinig na katulad ko
Anumang oras na ikaw ay mag-tantrums
Gaya ng isang batang umiiyak ng walang dahilan...
Subalit kapag ako na ang nagsasalita
Umiiwas ka
Ipinipilit mong ipasok muli ang iyong dinadaldal
Hinahawakan mo ang aking kamay
Sinasabing mamamaya na lang ako
Upang hindi maputol
Ang buong litanya ng iyong nginunguyngoy (nirereklamo)
Ayaw mong makinig sa akin
Ibinabaling mo sa iba ang iyong pandinig
Ipinagdadamot mo sa akin ang iyong oras
Itinutuon sa mga bagay na nakakapag-pasiya lamang sa iyo
Ang iyong atensyon
Dahil wala na sa iyong mas mahalaga
Kundi ang sarili mo...
Sabi mo... ayaw mo nang naiingayan
Naghahangad ka ng katahimikan
Subalit marahil hindi mo naririnig ang iyong sarili
Na malakas na nagsasalita at humahalakhak
Nasanay kang sinasang-ayunan ka
Gaya ng isang batang nagmamaktol
Na kapag hindi napagbigyan
Ay hindi na kikibo...
Nagta-'tantrums' ika nga
Nagmamaktol sa madaling salita...
Marami kang sinasabi sa laban akin
Marahil kagaya ng mga inirereklamo mo rin sa iba
Sa tuwing maghihinga ka lang ng iyong problema
Tuwing nasa panahon ka na kailangan mo ng karamay
Kung saan sa palagay mo ay hindi mo na kaya
Na dalhin ang bigat ng iyong problema
Heto ako, hahatakin mo sa isang tabi
Halos utusan na makinig
At sa sandaling maaliwalas na sa iyo ang lahat
Heto na naman.... hindi mo na naman ako kilala
Naglalakbay na naman tayo sa kanya-kanyang planeta
Walang 'ni-ho o ni-ha'
Walang kibuan
Walang paki-alaman
Parang walang nangyari
Parang walang namagitan
Sa madaling salita
Ginamit mo lang ako
Upang pasayahin mo
Ang iyong sarili
Na tanging inibig mo...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment