Thursday, November 24, 2011

Mula sa mga Wala



Akala ko...habang buhay na akong magiging masaya
Kung lahat ng mga bagay na aking aking hinangad
At kinasasabikan mula ng aking pagkabata
Ay makakamit ko bilang katuparan ng aking mga pinapangarap

Dati nagagalit ako kapag may mga bagay na wala
Dahil ipinanganak akong mahirap
Nung ako ay nagkaroon ng kakayanan
Halos isumpa ko na ang mga panahong ako ay walang-wala
Hindi naman ako naghahangad ng sobra-sobra
Kaya lang...
Ramdam ko ang awa ko sa aking sarili
Kapag wala akong mga bagay-bagay
Na makakapagpasaya sa akin
Mula sa kaibuturan ng aking pagkatao
Na naghahangad na makasabay
Sa ating kasalukuyang panahon

Kaiga-igaya sa paningin
Ang mga kumikinang na bagay
Mala-kristal na ayaw ko halos madungisan
Na halos aking ipagkait na mahawakan
Kahit na sa aking sarili
Inangkin ko ang mga bagay na tulad nito
Bilang tropeo ko sa lahat ng aking pagsusumikap
Upang maiangat ko ang aking sarili
Mula sa pagdaralitang aking nakagisnan...

Hanggang lahat ng aking mga hinangad
At kinasasabikan mula ng aking pagkabata
Ay aking nakamit bilang katuparan ng aking mga pangarap
Mula sa mga mamahaling damit
Hanggang sa mga pagkain at inuming hindi ko natikman
Mga kasangkapan at ari-arian
Na sobra-sobra pa sa aking pangangailangan
Ay halos naging pangkaraniwan na lang
Na pangitain at gawain ko sa araw-araw na buhay

Nawala na ang mahika (magic) na tulad nang dati kong nararamdaman
Na nagpapamangha sa akin sa tuwing may mga bagay-bagay
Akong nasasaksihan at nakakamit
At nagpapangiti sa akin
Mula sa kaibuturan ng aking puso at kaluluwa...

Bahagi ba ito ng aking kabataan
Na aking nais balik-balikan
O isang pagkabilanggo at pagka-alipin
Sa mga bagay-bagay na makikinang?

Ngayong ako ay nagkaka-edad na
Aking napagtanto...
Na mula sa mga bagay na wala
Ay nagkakaroon ang isang tao
Ang mga bagay na wala
At nagpapa-galaw sa kanya upang mangarap at umasa
At upang magbahagi ng pagmamahal

Ang kawalan ay nakakabasag ng pagkatao
Nakakapunit ng kaluluwa at nakakadurog ng puso
Subalit mula sa mga mapapait na bagay na ito
Iniluwal ng aking mga karanasan sa mundong ibabaw
Ang bagong ako na nagsusumikap sa buhay...

Marahil kung hindi ako nagtiis
Kung ako ay sumuko sa tinatawag na laban ng buhay
Maaaring hindi ko narating ang mga bagay na ninais kong puntahan
O makuha ang ang mga bagay-bagay na aking hinangad

Subalit napagtanto ko...
Paano naman ang iba na hindi nabiyayaan ng kapangyarihan makapag-isip
O ng kakayahang tulungan ang kanyang sarili
Anong hustisya ang maibabahagi ko
Sa mundong ito na umaaari sa lahat ng bagay bilang 'akin'

Sa malalim na pagbubulay-bulay...
Mula't-mula... lahat pala tayo ay dukha
Ang lahat ng meron tayo ay sa Dyos lamang nagmula
Kahit na sa kaliit-liitang bagay tulad ng ating hininga

Ito ay mga biyaya mula sa Panginoon
Lahat ay mayroon nito
Mula sa mga makapangyarihan at naaapi
Nananahan ang biyaya ng Dyos

Nasa ating paggamit na lamang ng mga biyayang ito
O sa pagtanggap at pagbabahagi sa kapwa ang maaaring ipagkaiba ng bawat isa
Kung saan nakikita natin ang kahalagahan ng bawat isa
Sa isang malaking larawan Dyos ng pakikipagkapwa

Kung hindi nabasag ng kawalan ang aking sarili
Malamang hindi ko mauunawaan--
Ang mas mahalagang mga bagay sa daigdig
Na may dalisay na pag-ibig pala na umiiral sa lahat ng nilikha
Na tumatawag sa atin upang laging umasa
Na tumatawag sa atin upang magbahagi
Na tumatawag sa atin upang magmahal
Na tumatawag sa atin upang magbalik-loob at magpatawad...

Mula sa kawalan matututunan nating magtiwala
At umasang ganap sa kamay ng nilikha
Kung saan hindi na mapupukaw ang isang malalim na kaligayahan
Na aking nasilayan sa lilim ng kanyang habag...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: