Friday, November 18, 2011

Pagpapanggap



Sa kabilang linya
Naroon ang iyong totoong pagkatao
Lingid sa mundong iyong nilikha
At ipinakilala sa 'internet'
Naroon ang totoong ikaw
Na taliwas sa kanilang inaakala
Sa tuwing nagla-LIKE o nagpo-POKE
Nagko-COMMENT Sa FB
O kapag nagtu-TWEET sa Twitter
Sa 'cyber space' kapag ikaw ay na-search
Isang kagalang-galang ka na tao
Ang kanilang masasaksihan...
Isang malakas at puno ng pangarap
Matipuno at maganda sa paningin ng madla
Tila dyos o dyosa na kasamba-samba

Subalit sa kabilang linya...
Kung saan ka naroon
Ang totoo mong palasyo
Ay kathang isip mula sa kawalan
Hinabi mula sa mga bula ng iyong mga pinapangarap
Kung saan ang panaginip mo ay ang ginawa mong katotohanan
Teknolohiya na lamang pala ang bumubuhay sa iyo
Ang naaagnas mo nang pagkatao ay ini-edit na lamang
Kagaya ng iyong karanasang walang narating at patutunguhan

Ano nga ba ngayon ang katotohanan?
Sa isang 'cyber space' na syudad ng teknolohiya
Kung saan ang ating atensyon ay nilalamon ng pagkagumon
Sa isang pakikipag-mabutihang wala nang direksyon
Pangungulila ba ang dahilan ng iyong pagpapanggap
O isang pagkabulag na iyong minatamis na ariing kalayaan?
Nabilanggo ka na sa isang kasinungalingan
Maging ang sarili mo'y hindi mo na makilala...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: