Thursday, November 17, 2011

Diliryo




Nakita ko... ng aking mga mata
Ang lahat ng mga bagay na makakapag-pasaya sa akin
Lahat ng ito'y aking pinangarap
Pinagsikapang makamit
Hanggang sa mayakap ko
Ang lahat ng tagumpay at kapangyarihan

Naramadaman ko ang nag-uumapaw na kaluwalhatian
Ang sambahin at maging diyos-diyosan sa aking mundong ginagalawan
Kung saan ang aking salita ay ang nagsisilbing buhay sa lahat
At pagdurusa at kamatayan para sa aking kinamumuhian...

Akin lamang lahat ng ito... inangkin ko ng buong-buo
Ako ang nagpakahirap.... ako lamang din ang makikinabang
Sa lahat ng bunga ng aking katalinuhan
Ang lahat ng aking hinagpis at pagpapakasakit
Nais kong ibalik sa lahat ng sa akin ay nakasakit
Wala akong sinuklian ng kabutihang loob
Sapagkat kahit sa Dyos ako ay napoot...

Nakakasilaw ang tagumpay
Akala ko'y walang katapusan
Ang panahon ay mabilis palang lumilipas
Kagaya kong tumatandang mag-isa...

Lahat ng kayamanan ko
Kulang pa upang kabataan ko ay ibalik
Upang igapang ang sumusuko kong katawan
Na nakaratay sa banig ng karamdaman
Akala ko... ang tao'y walang kamatayan
Mananatiling imortal sa kanyang katanyagan
At ang pinakamasakit sa lahat
Ay ang sumbatan ko ang aking sarili
Na nabuhay lamang ng dahil sa galit
At walang minahal kundi ang aking mga ninais...

Sino pa ang makikinig sa aking hinaing
Kung lahat ng nagmamahal sa akin ay aking itinakwil
Sa aking pag-iisa at pangungulila
Naligalig ang aking kaluluwa

Kung maibabalik ko lang sana ang lahat
Na mabilis na lumipas at kumupas
Nais kong humingi sa iyo ng pagpapatawad
Ikaw na nagmahal sa akin at wagas na nagmahal
Na aking nasaktan at nasugatan

Habang ako'y may hininga pa
Sana mapatawad ako ng Diyos
Sapagkat hindi ko naibahagi sa iba
Kanyang kayamanang sa aki'y pinagkatiwala
Aanhin ko ang lahat ng kumikinang na bagay
Kung sa bandang huli ako rin ay papanaw
Ang inani lamang pala ng aking labis na paghahangad
Ay ang kapahamakan sa aking kamatayan...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: