Monday, November 21, 2011
Pagsisisi
Ngayon...sa edad kong ito...
Gustuhin ko mang gawin ang mga nais ko
Hindi ko na magawa....
Iginugupo na ako ng pagod
Hinihingal na sa kaunting pag-galaw
At ang sakit na nagpapahirap sa akin
Ay nagsisilbing anino kong laging nakasunod sa akin...
Tapos na ang panahon ng aking paghahari-harian
Kung kelan yabag ng aking mga yapak ay sapat na upang sila'y kilabutan
Kung saan tila dagat na nahahati ang aking dinaraanan
At ang bawat hininga ay humihinto sa aking paggalaw
Hindi ko man sila diktahan
Naroon ang takot sa kanilang puso
Na aking ipinunla sa pagkamit ng aking tagumpay
Ang maselan kong panlasa ang batas na makapangyayari
Ang pamantayan ng katarungan ay ang aking paghusga
Walang namamagitang pagmamahal maliban sa pera na aking sukatan
Lahat ay aking tinutuos hanggang sa pinakahuling barya
Wala akong kasiyahan...
Ninais ko ng mas maraming tagumpay
Lahat ay aking ninais na makamit
Kahit ang mang-agaw pa ng kaligayahan ng iba...
Ginawa kong umaga ang gabi
Nagsakripisyo ako ng maraming bagay
Maraming nagmamahal na puso akong sinugatan
Maraming buhay akong sinaktan at sinira
Ngayong akoy nakalugmok at nag-iisa
Sa isang sulok ng aking daigdig kahit kapiling ko ang aking kayamanan
Na aking ipinagdamot... ipinagkait sa nangangailangan
Aanhin ko pala ang lahat ng ito kung ito'y hindi ko rin madadala
Sa kabilang buhay kung saan kaluluwa ko'y tatahak
Aanhin ko nga ba ang mga bagay na ipinundar ko
Na hindi ako magawang patahanin at mayakap
Sa sandaling ako'y nangungulila gaya ngayon na nag-iisa
Habang nakaratay at naghihintay ng kamatayan...
Kapag ikaw ay tumanda na
Dadalhin ka sa lugar na ayaw mo
Pakakainin ka ng mga pagkaing ayaw mo
Mamamaga ang kalamnan mo sa maraming tusok ng karayom
Hanggang sa maisip mong walang halaga pala ang kayamanan
Kapag nakita mo ang iyong sariling walang magawa
Sa sandaling maihi at matae ka sa sariling salawal
Sa tulad kong hindi nagmahal at iniwan ng lahat
Kung hindi ka magbabayad... hindi ka pagsisilbihan
Sinayang ko ang pagkakataon upang gamitin ko ang aking mga biyaya
Sa halip ako'y naging gahaman sa lahat ng aking tinamasa
Ngayon ko nabatid na mga pulubi sa lansangan ay higit na dakila
Sapagkat ang biyaya ng Diyos ay nananahan sa kanila
Kahit sa gabi walang bubong na masisilungan
Umaawit ang kanilang puso ng himig ng pasasalamat
Kahit sa araw walang laman ang kanilang mga sikmura
Nakukuha pa rin nilang ngumiti at magbahagi ng pagmamahal
Maraming dusa at sakit pala ang hinihilom ng totoong pagpapakasakit
Na kahit sa kanilang pagdarahop nananatili silang umiibig
Ibinuhos ko ang aking buong lakas sa isang bagay na inibig ko
Iyon ay ang aking sarili na sinamba ng aking pagkatao....
Anong iiwan ko sa mabilis na nagbabagong mundo
Isang ala-ala ng kasakimang ipinunla ko sa bawat puso
Kung saan ipinangaral ko na ang tanging sukatan ng tagumpay
Ay ang kaligayahan lamang ng makasariling kaluluwa...
Mamaalam ako sa daigdig na nag-iisa at nangungulila
Wala nang magagawa pa ang aking mga pagluha
Katawang kong lumalaban ay dumating na sa hangganan
Upang makaramdam ng pagkapagod at masidhing pagdurusa
Dumarating din pala ang panahon sa iyong buhay
Upang isuko mo na ang lahat ng iyong dahilan upang mabuhay
Sapagkat hindi pala mapagtataguan habang buhay ang iyong kamatayan
Gaya ng aking ginagawa gamit ang aking kayamanan...
Marahil...wala nang magagawa ang salapi at kayamanan
Upang isalba sa kamatayan ang aking makasalanang kaluluwa
Magsisi man ako... maaaring huli na
Nakasakit na ako ng damdamin ng iba
Pagsisisi ko'y nilakip ko sa aking mga huling hininga
Nagbabakasakaling patawarin ng Dakilang Lumikha...
Tanging habilin ko na lamang sa kanyang dakilang habag
Ay ang aking hangad na ang iba'y huwag mapanganyayaya...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Abandonment,
Being Alone,
Pains
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment