Monday, May 28, 2012

Dukha



Sa tuwing sila ay aking namamasid
Sa kalunus-lunos nilang kalagayan
May kumukurot sa aking puso
Na matinding habag at pagkaawa
Malimit naiisip ko
Na baka sa kalagayan nilang iyon
E, sila pa ang higit na pinagpala
Upang manahin ang kaharian ng Diyos Ama

Sila na hindi nabiyayaan
Nang anumang karangyaan
Na may payak na pagtingin
Sa lahat ng mga bagay-bagay
Nasaksihan ko ang tuwa
Na nag-uumapaw sa kanilang pisngi
Narinig ko silang humalakhak
Sa kabila ng lunggati (kalungkutan, pagdurusa)

Kahit sa pangangalahig (pamumulot) umaasa at nabubuhay
O kahit magpagala-gala 'pagkat walang bubong na matuluyan
Marunong silang magpasalamat sa Dakilang Lumikha
Para sa pagkaing pinulot sa basurahan

Sila na sa aking pagtingin
Na pinagkaitan ng langit at lupa
Ang siyang nakikita kong higit na pinagpala
Nabubuhay ng dalisay at walang agam-agam
Sapagkat nananalig sa Diyos na Lumikha
Nang buong puso at buong kaluluwa

Sila ang mga makabagong martir
Na nagdurusa sa ating panahon
Sapagkat nakikibahagi sila
Sa mga paghihirap ni Kristo
Sila na nilimot nang kanilang kapwa tao
Ay mga buhay na larawan ng pag-ibig ng Diyos
Nagpapa-alala sila sa bawat kapwa tao
Na ating pananagutan sa ating Dyos Ama
Kung saan ang ating lahat ng mga tinatamasa
Ay hindi para sa atin
Kundi para sa ating kapwa...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: