Monday, May 28, 2012
Trahedya
Bakit nga ba
Sa matagal na panahong lumipas
Hindi ko man lamang naisip gawin
Ang bagay na dapat sana
Ay inuna kong gawin
Hindi man lamang kita nakitang lumaki
Nung ako ay umalis
Napakabata mo pa
Ni halos wala ka pang muwang
O ala-ala na ako ang naging tatay mo
Dahil matagal ang panahong lumipas
Nang ako ay muling magbalik
Nung magkita tayong muli
Ikaw na ang lumayo sa akin
Nasanay ka nang walang tinatawag na Ama
Pilit ko mang pasukin ang iyong puso
Nabigo ako
Sapagkat
May sarili ka nang mundo
Na iyong binuo
Na mag-isa
Hanggang sa kailangan ko na muling umalis
Sabi ko sa aking sarili
Babawi ako sa ibang pagkakataon
Marami akong iniwang pangako sa iyo
At hangad kong magawa ko ang lahat ng iyon
Lumipas man ang panahon
Lumipas man ang mga pagkakataon
Alam kong nangungulila ka sa akin
Hindi ka man madalas sumulat
Wala man akong marinig sa iyo
Dahil sa pag-iwas mong sumagot sa telepono
Alam kong minamahal mo ako
Hindi man ako sigurado
Sana magpasalamat ka man lang
Dahil nabibili mo ang iyong gusto
Nakapag-aaral ka sa paaralang nais mo
Naiangat kita
Sa lugar na kung saan ka naroon ngayon
Lumipas ang panahon
Hindi ko nagawang masulyapan lamang
Ang bawat mahahalagang sandali sa buhay mo
Naka-graduate ka
Nag-enroll ka
Ni hindi ko nagawang alamin kung sino ang mga kaibigan mo
O kung ano ang mga lugar na nais mong marating
Kasi
Lagi akong busy
Lagi akong walang panahon
Lagi akong walang oras
Kahit pa
Sa aking sarili
Marami nang nagbago
Na hindi ko na nagawang makilatis isa-isa
Ang alam ko
Napapasaya kita
Sa bawat padala ko
Na tanging ala-ala ng pagiging Ama ko
Sa iyo aking anak
Nung huling dumating ako
Hindi man lang kita nasumpungan sa bahay
Mayroon ka nang sariling buhay
Marahil kaya mo na
Kung kaya hindi ka na sa akin umaasa
Nasaktan ako
Dahil wala na akong koneksyon sa iyo
Ang sabi ko sa aking sarili
Ito na ang aking huling pag-alis
At sa muling pagbalik ko dito
Kahit huli na dahil matanda na ako
Pipilitin kong bumawi
At ibigay sa iyo ang iyong hinahangad
Na pagmamahal ng isang Ama
Sabi ng nanay mo
Tuwang-tuwa ka daw
Marami kang ginawang mga plano
Pinaghandaan mo ang aking pagdating
Naalala ko tuloy nung bata ka pa
Lagi mong hinahatak ang aking mga kamay
Upang samahan kita
Sa lugar na nais mong marating
At tuwang-tuwa kang naglalaro
Sa palaruan
Kasama ng mga kaibigan mo
Ilang buwan na lamang at uuwi na ako
Sabi ko sa aking sarili
Pipilitin kong ibalik ang nawala mong kabataan
Sasamahan na kita mula ngayon at kailanman
Hindi ka na mag-iisa
Meron ka nang tatay sa tuwina
Subalit nagbago ang ihip ng hangin
Sa isang iglap nawala lahat ng ating pangarap
Sa ospital nagising ako matapos mawalan ng malay
Walang pakiramdam
Manhid
At hindi makagalaw
Matapos ang isang aksidente
Na naging bangungot sa ating buhay
Matagal pa bago ako nakauwi
Sa ilang buwang pag-aalala ninyo
Sa aking pag-uwi
Wala akong ibang dala
Kundi ang hukot kong katawan
Nakasadlak lamang at walang lakas
Masahol pa sa isang buhay na patay
Patawarin mo ako
Akala ko
Sapat na ang materyal na bagay
Upang paligayahin kita
Marami akong sandaling inaksaya
Hanggang sa umabot sa ganito
Walang pinatunguhan ang lahat
Kundi sa ating muling paghihiwalay
Kailangan kong manatili sa ospital
Ang inaasam nating pagsasama ay hindi na mangyayari kailanman
Tanging pangarap na lamang ito hanggang sa ating kamatayan
Subalit patuloy pa rin akong aasa sa isang himala
Kagaya noong tayo'y mahirap pa lamang
Nagdidildil ng asin
Subalit laging magkasama
Bakit nga ba masaklap ang ilang pagwawakas
Kailan kaya tayo makakadama ng kaligayahan
Ang tanging hinangad ko lamang ay ang mapaligaya ka
At mapalaki kang hindi salat at kagaya kong mangmang
Itataas ko na lamang ang lahat sa Dyos Ama
Sa mga huling hininga ng buhay ko
Ay mananatili akong umaasa
Idadalangin ko sa bawat sandali
Na mayakap kita
Kagaya ng dati
Noong ikaw ay bata pa...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Family,
Father,
Love,
Overseas Worker,
Son
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment