Saturday, May 26, 2012

Pagpaparaya



"Sa isang iglap
Naglahong parang bula
Ang lahat nang ating mga pangarap...
Nang ikaw ay magkasakit
Hindi kita magawang dalawin man lang
Dahil heto ako
Nakalugmok
Hindi matanggap ang katotohanan..."


Marami nang nagbago
Mula ng ikaw ay agawin sa akin ng karamdaman
Akala ko madaling magtiis
Nakakapagod pala
Laging binabasag ang aking puso
Ramdam kong pumupunit ito sa aking kaluluwa
Wala akong magawa
Kung kaya
Lagi akong nanalik-luhod
Laging nagmamakaawa
Mula sa Dakilang Lumikha
Na magkaroon ng himala
Upang ikaw ay gumaling
Upang ituloy natin
Ang ating naunsyaming pag-ibig

Subalit hindi ito nangyari
Matagal na panahon na ang lumipas
Kumupas man ang ating halakhakan
Na nauwi sa walang katapusang kalungkutan
Pag-iyak nang ating mga kalooban
Sa walang salitaan nating titigan
Sa tuwing ako ay mamamaalam
Sa iyong kinasasadlakang higaan
Sa ospital (hospital) na iyong naging tahanan
Na naglayo sa atin
Upang tahakin natin ang ating kanya-kanyang buhay
Na hindi ko magawa
Dahil hindi kayang isuko
Dahil mahal na mahal kita

Sa tuwing tayo ay magkakahiwalay
Nais nang puso kong muli kang balikan
Subalit kailangan mong magpahinga
Habang ako ay nananabik
Na ikaw ay muling makapiling
Akala ko
Madaling tanggapin ang mga bagay na ito
Subalit kapag nakikita ko ang iyong mga mata
Na nagsusumamo sa tuwing ako ay darating
At maluha-luhang nakatitig sa aking pag-alis
Patuloy na dinudurog ang aking puso
Dahil wala akong magawa
O maitulong
Upang ibsan
Ang pait na iyong nadarama

Marami pa naman akong pangarap na binuo
Nung tayo ay unang magkalayo
Pinanabikan ko ang ating muling pagsasama
Sa bawat taon at panahong lumilipas
Inakala kong matutuwa ka
Dahil kung nanatili ako nang ako ay iyong iniwan
Upang sa iyong pagdating
Ay maipagpatuloy natin
Ang ating mga pangarap
Na nais buuin

Subalit ako ang nabigla
Dahil ikaw pala ang nagbago
Dahil wala na ang mga yakap
Na nais kong muling madama mula sa iyong piling
Wala ang matatamis na halakhak
Na nagmumula sa iyong malambing na tinig
Dahil ang lahat ng ito
Ay iginupo
Nang iyong sakit
Na hindi na maitago
Nang iyong kahinaan
Nang iyong lugmok na katawan

Ayaw kitang isuko
Ayaw kitang bitiwan
Maraming takot sa aking puso
Na ikaw sa akin ay mawala
Kahit wala ka nang lakas
Nais kong ako ang iyong maging lakas
Subalit nakikita kong napapagod ka na
Kung kaya kailangan ko ring magparaya
Masakit
Mahirap ang mawalan
Subalit kung ito ang kinakailangan
Gagawin ko ito dahil sa pagmamahal

Humimbing ka na aking mahal
Huwag kang maawa sa aking pag-iisa
Mananatili akong tapat
Saan ka man mapunta
Lagi kong papangarapin
Na muli tayong magkasama
Mauuna kang lumisan
Sa paraiso kung nasaan ang kaligayahan
Kung saan ang lahat ng mga naunsiyaming pagmamahalan
Ay maitutuloy nang walang patlang

Kung saan ang paghilom ay ganap
Mula sa ating sakit na nararamdaman
Kung kailan wala nang dahilan
Upang manghina ang ating katawan
Manahan ka sa lugar ng kapahingahan
Kung saan ang liwanag ay walang hanggan
Habang ako ay maiiwan
Sa mundo ng kapanglawan

Hindi ako magbabago
Mananatili akong tapat
Sa isang pangako ng pagmamahalan
Na tanging sa iyo inialay
Ngayon ay may dahilan na ako
Upang ang kamatayan ay tawaging pagpapala
Kung saan tayo ay magiging malaya
Sa sakit nang anumang karamdaman




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: