Sunday, May 27, 2012
Sakripisyo
May mga bagay pala na wala na tayong magagawa
Dahil hindi na natin ito hawak
Wala na sa atin ang pagpapasya
At ang tanging magagawa lamang natin
Ay tanggapin ang buong katotohanan
Nung una ayokong ikaw ay bitiwan
Ang gusto ko palagi lamang ako sa iyong piling
Nais ko kasing iparamdam ang aking pag-ibig
Kung kaya ako ay nananatili sa iyong tabi
Pinili kong ihinto ang aking buhay
Isang matamis na desisyon itong ginawa ko
Inangkin ko nang buong-buo ang iyong mga pait
Kahit hindi ko magawang ariin ang lahat ng iyong sakit
Pinilit kong sabayan kita sa bawat pagdurusa mo
Hindi ako umalis at nanatiling nakahawak sa iyo
Habang ikaw ay tulog nananatili akong gising
Upang bawat tibok ng iyong puso ay aking marinig
Ngayo'y pinipilit tayong paglayuin ng karamdaman
Pati ikaw, nais mong buuin ko muli ang aking buhay
Pakiramdam ko'y ipinagtatabuyan mo ako ng tuluyan
Sa isang katotohanang kailangan kong tanggapin
Masakit... inaamin ko na ako ay makasarili
Ang tanging inisip ko ay maging maligaya sa iyong piling
Hindi ko napagtanto na mayroon pa pala akong dapat unawain
Na mayro'n pa pala sa aking umaasa at dapat ding mahalin
Nagkalayo tayo man tayo subalit ay umaasa
Na darating ang panahon na muli tayong magsasama
Habang ikaw ay patuloy na iginugupo ng iyong karamdaman
Unti-unti ko namang binubuo ang aking buhay na tinalikdan
Lumipas ang panahon hanggang sa ikaw ay pumanaw
Sa huling hininga mo na lamang tayo ay nagkamayaw
Tumimo sa aking puso ang iyong huling mga kataga
Nang muling ibinulong mo sa akin ang iyong pagmamahal
Lumuha ako at ngayon ay nasakatan
Sa iyong pagpanaw isa itong kawalan
Saka ko napagtanto ang pagpapalayo mo sa akin
Upang buuin kong muli ang aking sarili
Salamat at ipinaunawa mo sa akin
Na ang buhay ay hindi napapatid
Nang anumang kabiguan o sakit
Hangga't tayo ay nanatiling umiibig
Walang kamatayan ang sa ati'y makapaghihiwalay
Sapagkat ito ay isang dahilan upang ako'y manatiling umasa
Na kung saan ka naroon ngayon, ako ay paroroon din isang araw
Kung kaylan maipagpapatuloy natin ang ating naunsiyaming ibigan...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment