Monday, May 28, 2012
Pagtalikod
Bigla akong nawalan ng lakas
Nang mabatid kong nasa ospital ka
Tila gumuho ang aking mundo
Natunaw lahat ng mga pangarap ko
Sa isang iglap
Dumilim ang lahat sa akin
Sa pag-aalala ko
Tila nawalan agad ako ng dahilan
Upang kumalma at hindi umiyak
Pinilit kong ikaw ay marating
Lubhang akong nag-alala
Kung kaya napahagulgol ako ng iyak
Hindi ko na makontrol
Kusa na lang nangyari
Malamang na-eskandalo ang mga katabing kama mo
Sa maingay kong paghagulgol
Hanggang sa sinabi mo sa akin
Na "okay lang ikaw"
At hanggang ako pa ang iyong inalo-alo
Ako na walang sakit
Ako pa ang tila aatakihin
Hinawakan ko ang iyong kamay
Sabi mo kaya mo ito
Dahil pagsubok lang ito
Subalit hindi ka makagalaw
Paralisado ang iyong buong katawan
Matapos ang aksidente
Nagbago na ang lahat
Hindi na ikaw ang dating masayahin
Na nakilala ko
Na inibig ko
Umasa akong ikaw ay gagaling
Subalit hindi nangyari ang aking mga panalangin
Nakaramdam na ako ng pagod
Nakadama na ako ng pagkainip
Walang pagbabago
Bagkus lumalala pa nga ang iyong sitwasyon
Akala ko kakayanin ko ang pagsubok na ito
Hanggang ako pala ang tuluyang nagbago
Lumipas ang taon
Nawala na ang pananabik kong tumungo sa ospital
Bawat hakbang ko patungo sa iyo
Ay tila mabigat
Ang aking dating pusong nagmamahal
Ay ngayo'y nanlalamig
Walang buhay
Kagaya mo na isang lantang gulay
Patawarin mo ako
Kung malimit hindi na ako sumisipot
Sa ospital na ating naging tipanan
Akala ko ang dahilan nito
Ay ayokong makita ang nakapanlulumo mong sitwasyon
Akala ang dahilan nito
Ay ayokong makita kang naghihirap
Subalit ang buong katotohanan pala
Dahil ako ay hindi na nagmamahal
Halos ipamigay na kita sa palad ng iba
Nasukat ng mga pangyayari ang aking pangakong pag-ibig
Marupok pala ako
At mahina sa anumang pagsubok
Kung kaya marahil hindi tayo pinag-adya ng Diyos
Hanggang nabalitaan ko na lamang
Na ikaw ay namatay na
Ni hindi ko man lamang
Ikaw nasamahan sa iyong paghihirap
Tinakasan kita sa gitna ng iyong pagdurusa
Isang bagay na aking lubhang pinagsisisihan
At ngayon matapos ang mga dekadang lumipas
Ngayong naluoy na rin ang aking kagandahan
Habang mag-isa sa banig ng karamdaman
Hindi makabangon
Ni hindi maka-upo (to sit)
Ramdam ko na ang sinapit mo ng ikaw ay aking iniwan
Mas masakit pala kaysa sa anumang karamdaman
Ang mamatay ng mag-isa
Ang mamatay ng nangungulila
Patawarin mo ako
Ikaw na aking tinalikdan
Na pinangakuan ng pag-ibig
Na kagyat ay kumupas
Dagling nabihag ako ng takot at pangamba
Nang ikaw ay lisanin
At iwanang nag-iisa...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Life,
Sorrow,
Unfaithfulness
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment