Monday, May 28, 2012
Trahedya
Bakit nga ba
Sa matagal na panahong lumipas
Hindi ko man lamang naisip gawin
Ang bagay na dapat sana
Ay inuna kong gawin
Hindi man lamang kita nakitang lumaki
Nung ako ay umalis
Napakabata mo pa
Ni halos wala ka pang muwang
O ala-ala na ako ang naging tatay mo
Dahil matagal ang panahong lumipas
Nang ako ay muling magbalik
Nung magkita tayong muli
Ikaw na ang lumayo sa akin
Nasanay ka nang walang tinatawag na Ama
Pilit ko mang pasukin ang iyong puso
Nabigo ako
Sapagkat
May sarili ka nang mundo
Na iyong binuo
Na mag-isa
Hanggang sa kailangan ko na muling umalis
Sabi ko sa aking sarili
Babawi ako sa ibang pagkakataon
Marami akong iniwang pangako sa iyo
At hangad kong magawa ko ang lahat ng iyon
Lumipas man ang panahon
Lumipas man ang mga pagkakataon
Alam kong nangungulila ka sa akin
Hindi ka man madalas sumulat
Wala man akong marinig sa iyo
Dahil sa pag-iwas mong sumagot sa telepono
Alam kong minamahal mo ako
Hindi man ako sigurado
Sana magpasalamat ka man lang
Dahil nabibili mo ang iyong gusto
Nakapag-aaral ka sa paaralang nais mo
Naiangat kita
Sa lugar na kung saan ka naroon ngayon
Lumipas ang panahon
Hindi ko nagawang masulyapan lamang
Ang bawat mahahalagang sandali sa buhay mo
Naka-graduate ka
Nag-enroll ka
Ni hindi ko nagawang alamin kung sino ang mga kaibigan mo
O kung ano ang mga lugar na nais mong marating
Kasi
Lagi akong busy
Lagi akong walang panahon
Lagi akong walang oras
Kahit pa
Sa aking sarili
Marami nang nagbago
Na hindi ko na nagawang makilatis isa-isa
Ang alam ko
Napapasaya kita
Sa bawat padala ko
Na tanging ala-ala ng pagiging Ama ko
Sa iyo aking anak
Nung huling dumating ako
Hindi man lang kita nasumpungan sa bahay
Mayroon ka nang sariling buhay
Marahil kaya mo na
Kung kaya hindi ka na sa akin umaasa
Nasaktan ako
Dahil wala na akong koneksyon sa iyo
Ang sabi ko sa aking sarili
Ito na ang aking huling pag-alis
At sa muling pagbalik ko dito
Kahit huli na dahil matanda na ako
Pipilitin kong bumawi
At ibigay sa iyo ang iyong hinahangad
Na pagmamahal ng isang Ama
Sabi ng nanay mo
Tuwang-tuwa ka daw
Marami kang ginawang mga plano
Pinaghandaan mo ang aking pagdating
Naalala ko tuloy nung bata ka pa
Lagi mong hinahatak ang aking mga kamay
Upang samahan kita
Sa lugar na nais mong marating
At tuwang-tuwa kang naglalaro
Sa palaruan
Kasama ng mga kaibigan mo
Ilang buwan na lamang at uuwi na ako
Sabi ko sa aking sarili
Pipilitin kong ibalik ang nawala mong kabataan
Sasamahan na kita mula ngayon at kailanman
Hindi ka na mag-iisa
Meron ka nang tatay sa tuwina
Subalit nagbago ang ihip ng hangin
Sa isang iglap nawala lahat ng ating pangarap
Sa ospital nagising ako matapos mawalan ng malay
Walang pakiramdam
Manhid
At hindi makagalaw
Matapos ang isang aksidente
Na naging bangungot sa ating buhay
Matagal pa bago ako nakauwi
Sa ilang buwang pag-aalala ninyo
Sa aking pag-uwi
Wala akong ibang dala
Kundi ang hukot kong katawan
Nakasadlak lamang at walang lakas
Masahol pa sa isang buhay na patay
Patawarin mo ako
Akala ko
Sapat na ang materyal na bagay
Upang paligayahin kita
Marami akong sandaling inaksaya
Hanggang sa umabot sa ganito
Walang pinatunguhan ang lahat
Kundi sa ating muling paghihiwalay
Kailangan kong manatili sa ospital
Ang inaasam nating pagsasama ay hindi na mangyayari kailanman
Tanging pangarap na lamang ito hanggang sa ating kamatayan
Subalit patuloy pa rin akong aasa sa isang himala
Kagaya noong tayo'y mahirap pa lamang
Nagdidildil ng asin
Subalit laging magkasama
Bakit nga ba masaklap ang ilang pagwawakas
Kailan kaya tayo makakadama ng kaligayahan
Ang tanging hinangad ko lamang ay ang mapaligaya ka
At mapalaki kang hindi salat at kagaya kong mangmang
Itataas ko na lamang ang lahat sa Dyos Ama
Sa mga huling hininga ng buhay ko
Ay mananatili akong umaasa
Idadalangin ko sa bawat sandali
Na mayakap kita
Kagaya ng dati
Noong ikaw ay bata pa...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Hangganan
Matulog ka na aking mahal
Kung ako lang ang iyong dahilan
Kung kaya ayaw mo pang sumuko
Pinapalaya na kita
Masakit man
Kailangan ko itong sabihin
Kailangan mo itong marinig
Upang ikaw ay matiwasay na
Sa kamatayang iyong babathin (patutunguhan)
Luluha man ako
Hindi iyon dahil sa pangungulila
Kundi ang pagkabatid kong
Ayaw mo akong iwang nag-iisa
Gustuhin man kitang manatili
Hindi ko na ito mamamatamisin
Sapat na ang lahat ng pagdurusa ng iyong katawan
Upang tapat kang makapiling
Nadama ko na tinotoo mo
Ang lahat ng iyong mga pangako
Na hindi mo ako kaylan man iiwan
Na magsasama tayo hanggang sa huling sandali
Subalit mas nadudurog ang aking puso
Sa tuwing nakikita kitang nagdurusa
Sa masalimuot mong kalagayan
Nababasag lamang ako at higit na nasasaktan
Sapat na ang lahat ng pag-ibig
Na inialay mo sa akin
Subalit kailangan ding tanggapin
Ang hangganan ng buhay natin
Lumaya ka na aking mahal
Patungo sa paraiso na walang sakit o karamdaman
Umuna ka na sa tahanan ng Dyos Ama
Habang ako ay mananabik sa muli nating pagkikita...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Pagmamahal
naalala ko pa
sabay tayong nangarap
magkahawak kamay tayong lumipad
patungo sa ating ninanais na marating
subalit ang buong akala ko
magiging kuntento ka na
sa lahat ng ating nakamit
hanggang gusto mo nang kumawala
ng malayo sa aking piling
upang madama
ang higit na kalayaan
patungo sa lahat
nang higit mong pinapangarap
ngayon
pinapipili mo ako
kung ikaw ang lalayo
o ako ang aalis
upang walang maging hadlang
sa lahat ng iyong ninanais
patungo sa lahat ng hangad iyong puso
na pinapangarap mong tagumpay
kahit na isakripisyo mo pa
ang pag-ibig mo para sa akin
huwag mo akong papiliin
dahil dalawa lang ang alam kong gawin
ang ibigin ka o ang mahalin kita
kahit iwan mo pa ako
mananatili ako
hindi ako magsasawa
hindi ako magbabago
bumalik ka lang
kapag handa ka na
naririto lang ako
maghihintay ng tapat sa iyo...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Dukha
Sa tuwing sila ay aking namamasid
Sa kalunus-lunos nilang kalagayan
May kumukurot sa aking puso
Na matinding habag at pagkaawa
Malimit naiisip ko
Na baka sa kalagayan nilang iyon
E, sila pa ang higit na pinagpala
Upang manahin ang kaharian ng Diyos Ama
Sila na hindi nabiyayaan
Nang anumang karangyaan
Na may payak na pagtingin
Sa lahat ng mga bagay-bagay
Nasaksihan ko ang tuwa
Na nag-uumapaw sa kanilang pisngi
Narinig ko silang humalakhak
Sa kabila ng lunggati (kalungkutan, pagdurusa)
Kahit sa pangangalahig (pamumulot) umaasa at nabubuhay
O kahit magpagala-gala 'pagkat walang bubong na matuluyan
Marunong silang magpasalamat sa Dakilang Lumikha
Para sa pagkaing pinulot sa basurahan
Sila na sa aking pagtingin
Na pinagkaitan ng langit at lupa
Ang siyang nakikita kong higit na pinagpala
Nabubuhay ng dalisay at walang agam-agam
Sapagkat nananalig sa Diyos na Lumikha
Nang buong puso at buong kaluluwa
Sila ang mga makabagong martir
Na nagdurusa sa ating panahon
Sapagkat nakikibahagi sila
Sa mga paghihirap ni Kristo
Sila na nilimot nang kanilang kapwa tao
Ay mga buhay na larawan ng pag-ibig ng Diyos
Nagpapa-alala sila sa bawat kapwa tao
Na ating pananagutan sa ating Dyos Ama
Kung saan ang ating lahat ng mga tinatamasa
Ay hindi para sa atin
Kundi para sa ating kapwa...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Pagtalikod
Bigla akong nawalan ng lakas
Nang mabatid kong nasa ospital ka
Tila gumuho ang aking mundo
Natunaw lahat ng mga pangarap ko
Sa isang iglap
Dumilim ang lahat sa akin
Sa pag-aalala ko
Tila nawalan agad ako ng dahilan
Upang kumalma at hindi umiyak
Pinilit kong ikaw ay marating
Lubhang akong nag-alala
Kung kaya napahagulgol ako ng iyak
Hindi ko na makontrol
Kusa na lang nangyari
Malamang na-eskandalo ang mga katabing kama mo
Sa maingay kong paghagulgol
Hanggang sa sinabi mo sa akin
Na "okay lang ikaw"
At hanggang ako pa ang iyong inalo-alo
Ako na walang sakit
Ako pa ang tila aatakihin
Hinawakan ko ang iyong kamay
Sabi mo kaya mo ito
Dahil pagsubok lang ito
Subalit hindi ka makagalaw
Paralisado ang iyong buong katawan
Matapos ang aksidente
Nagbago na ang lahat
Hindi na ikaw ang dating masayahin
Na nakilala ko
Na inibig ko
Umasa akong ikaw ay gagaling
Subalit hindi nangyari ang aking mga panalangin
Nakaramdam na ako ng pagod
Nakadama na ako ng pagkainip
Walang pagbabago
Bagkus lumalala pa nga ang iyong sitwasyon
Akala ko kakayanin ko ang pagsubok na ito
Hanggang ako pala ang tuluyang nagbago
Lumipas ang taon
Nawala na ang pananabik kong tumungo sa ospital
Bawat hakbang ko patungo sa iyo
Ay tila mabigat
Ang aking dating pusong nagmamahal
Ay ngayo'y nanlalamig
Walang buhay
Kagaya mo na isang lantang gulay
Patawarin mo ako
Kung malimit hindi na ako sumisipot
Sa ospital na ating naging tipanan
Akala ko ang dahilan nito
Ay ayokong makita ang nakapanlulumo mong sitwasyon
Akala ang dahilan nito
Ay ayokong makita kang naghihirap
Subalit ang buong katotohanan pala
Dahil ako ay hindi na nagmamahal
Halos ipamigay na kita sa palad ng iba
Nasukat ng mga pangyayari ang aking pangakong pag-ibig
Marupok pala ako
At mahina sa anumang pagsubok
Kung kaya marahil hindi tayo pinag-adya ng Diyos
Hanggang nabalitaan ko na lamang
Na ikaw ay namatay na
Ni hindi ko man lamang
Ikaw nasamahan sa iyong paghihirap
Tinakasan kita sa gitna ng iyong pagdurusa
Isang bagay na aking lubhang pinagsisisihan
At ngayon matapos ang mga dekadang lumipas
Ngayong naluoy na rin ang aking kagandahan
Habang mag-isa sa banig ng karamdaman
Hindi makabangon
Ni hindi maka-upo (to sit)
Ramdam ko na ang sinapit mo ng ikaw ay aking iniwan
Mas masakit pala kaysa sa anumang karamdaman
Ang mamatay ng mag-isa
Ang mamatay ng nangungulila
Patawarin mo ako
Ikaw na aking tinalikdan
Na pinangakuan ng pag-ibig
Na kagyat ay kumupas
Dagling nabihag ako ng takot at pangamba
Nang ikaw ay lisanin
At iwanang nag-iisa...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Sunday, May 27, 2012
Pasasalamat
May mga tao pa pala
Na hindi mo kaano-ano
Ang nakahandang magbigay ng buhay
Para sa kanilang kapwa buhay
Sila na handang magsakripisyo
Sa isang tulad kong nangangailangan
Ang samahan ako sa aking pag-iisa
Ang kumutan ako ng habag at pag-asa
Naramdaman ko sa kanila
Mula sa kanilang mga kamay
Na pagod sa maghapong paglilingkod
Ang pagpapala at pagkalinga
Dalangin ko ngayon
Na sila sana ay pagpalain
Nang Dakilang Lumikha
Sa lahat ng kanilang gawa
Wala akong maisu-sukli
Sa kabutihan nila sa akin
Kundi ang wagas na pasasalamat
Nang aking puso at kaluluwa...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Sakripisyo
May mga bagay pala na wala na tayong magagawa
Dahil hindi na natin ito hawak
Wala na sa atin ang pagpapasya
At ang tanging magagawa lamang natin
Ay tanggapin ang buong katotohanan
Nung una ayokong ikaw ay bitiwan
Ang gusto ko palagi lamang ako sa iyong piling
Nais ko kasing iparamdam ang aking pag-ibig
Kung kaya ako ay nananatili sa iyong tabi
Pinili kong ihinto ang aking buhay
Isang matamis na desisyon itong ginawa ko
Inangkin ko nang buong-buo ang iyong mga pait
Kahit hindi ko magawang ariin ang lahat ng iyong sakit
Pinilit kong sabayan kita sa bawat pagdurusa mo
Hindi ako umalis at nanatiling nakahawak sa iyo
Habang ikaw ay tulog nananatili akong gising
Upang bawat tibok ng iyong puso ay aking marinig
Ngayo'y pinipilit tayong paglayuin ng karamdaman
Pati ikaw, nais mong buuin ko muli ang aking buhay
Pakiramdam ko'y ipinagtatabuyan mo ako ng tuluyan
Sa isang katotohanang kailangan kong tanggapin
Masakit... inaamin ko na ako ay makasarili
Ang tanging inisip ko ay maging maligaya sa iyong piling
Hindi ko napagtanto na mayroon pa pala akong dapat unawain
Na mayro'n pa pala sa aking umaasa at dapat ding mahalin
Nagkalayo tayo man tayo subalit ay umaasa
Na darating ang panahon na muli tayong magsasama
Habang ikaw ay patuloy na iginugupo ng iyong karamdaman
Unti-unti ko namang binubuo ang aking buhay na tinalikdan
Lumipas ang panahon hanggang sa ikaw ay pumanaw
Sa huling hininga mo na lamang tayo ay nagkamayaw
Tumimo sa aking puso ang iyong huling mga kataga
Nang muling ibinulong mo sa akin ang iyong pagmamahal
Lumuha ako at ngayon ay nasakatan
Sa iyong pagpanaw isa itong kawalan
Saka ko napagtanto ang pagpapalayo mo sa akin
Upang buuin kong muli ang aking sarili
Salamat at ipinaunawa mo sa akin
Na ang buhay ay hindi napapatid
Nang anumang kabiguan o sakit
Hangga't tayo ay nanatiling umiibig
Walang kamatayan ang sa ati'y makapaghihiwalay
Sapagkat ito ay isang dahilan upang ako'y manatiling umasa
Na kung saan ka naroon ngayon, ako ay paroroon din isang araw
Kung kaylan maipagpapatuloy natin ang ating naunsiyaming ibigan...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Saturday, May 26, 2012
Panalangin sa Pagbabahagi
Tinatanggap ko sa aking mga palad
Ang iyong katawan o Panginoong Hesu-Kristo
Na nasa anyong tinapay
Isang komunyon ng aking pakikipag-isa
Sa iyong puso at diwa
Ibinabahagi ko ito
Lakip ang aking pag-asa at panalangin
Sa lahat ng aking mga mahal sa buhay
Na malayo ngayon sa aking piling
Na nasa bingit nang anumang kapahamakan
Pangungulila at karamdaman...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Panalangin sa Bingit ng Kamatayan
Panginoong Hesus
Ikaw nawa ang aking maging kamay
Upang mahawakan ko
Ang taong minamahal ko
Sapagkat malayo siya sa aking piling
Kung kaya ako ay higit na naliligalig
Huwag mo po siyang iwan
O iwaglit sa iyong paningin
Sa sandali ng kanyang pagdurusa
Samahan mo siya sa kanyang pangungulila
Hayaan mo ang iyong mga anghel
Ang mamalagi sa kanyang tabi
Upang sa bawat saglit
Kanyang takot ay hindi manaig
Mahal na Inang Maria
Sa aming pangungulila
Ikaw nawa ang aming maging Ina
Inang mapagkandili
Inang mapagmahal
Huwag mo kaming iiwan
Hanggang sa aming kamatayan...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Makasarili
Minsan kapag tayo ay nagmahal
Ang minamahal pala natin sa ating kapwa
Ay ang ang repleksyon (reflection) ng ating sarili lamang
At kapag napukaw ito
Naglalaho na rin ang pagmamahal
Sa isang iglap ng kabalintunaan...
Hindi tayo nanghihinayang
Sa pag-ibig na dalisay na sa atin ay inialay
Na ating isinusuko
Dahil lamang sa ating pagkamaka-sarili
Sayang ang mga luhang sa atin ay inii-iyak
Kung ang ating puso ay hindi tapat
Kaylan man ay hindi tayo nararapat mahalin
Sapagkat hindi tayo marunong umibig...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Pagpaparaya
"Sa isang iglap
Naglahong parang bula
Ang lahat nang ating mga pangarap...
Nang ikaw ay magkasakit
Hindi kita magawang dalawin man lang
Dahil heto ako
Nakalugmok
Hindi matanggap ang katotohanan..."
Marami nang nagbago
Mula ng ikaw ay agawin sa akin ng karamdaman
Akala ko madaling magtiis
Nakakapagod pala
Laging binabasag ang aking puso
Ramdam kong pumupunit ito sa aking kaluluwa
Wala akong magawa
Kung kaya
Lagi akong nanalik-luhod
Laging nagmamakaawa
Mula sa Dakilang Lumikha
Na magkaroon ng himala
Upang ikaw ay gumaling
Upang ituloy natin
Ang ating naunsyaming pag-ibig
Subalit hindi ito nangyari
Matagal na panahon na ang lumipas
Kumupas man ang ating halakhakan
Na nauwi sa walang katapusang kalungkutan
Pag-iyak nang ating mga kalooban
Sa walang salitaan nating titigan
Sa tuwing ako ay mamamaalam
Sa iyong kinasasadlakang higaan
Sa ospital (hospital) na iyong naging tahanan
Na naglayo sa atin
Upang tahakin natin ang ating kanya-kanyang buhay
Na hindi ko magawa
Dahil hindi kayang isuko
Dahil mahal na mahal kita
Sa tuwing tayo ay magkakahiwalay
Nais nang puso kong muli kang balikan
Subalit kailangan mong magpahinga
Habang ako ay nananabik
Na ikaw ay muling makapiling
Akala ko
Madaling tanggapin ang mga bagay na ito
Subalit kapag nakikita ko ang iyong mga mata
Na nagsusumamo sa tuwing ako ay darating
At maluha-luhang nakatitig sa aking pag-alis
Patuloy na dinudurog ang aking puso
Dahil wala akong magawa
O maitulong
Upang ibsan
Ang pait na iyong nadarama
Marami pa naman akong pangarap na binuo
Nung tayo ay unang magkalayo
Pinanabikan ko ang ating muling pagsasama
Sa bawat taon at panahong lumilipas
Inakala kong matutuwa ka
Dahil kung nanatili ako nang ako ay iyong iniwan
Upang sa iyong pagdating
Ay maipagpatuloy natin
Ang ating mga pangarap
Na nais buuin
Subalit ako ang nabigla
Dahil ikaw pala ang nagbago
Dahil wala na ang mga yakap
Na nais kong muling madama mula sa iyong piling
Wala ang matatamis na halakhak
Na nagmumula sa iyong malambing na tinig
Dahil ang lahat ng ito
Ay iginupo
Nang iyong sakit
Na hindi na maitago
Nang iyong kahinaan
Nang iyong lugmok na katawan
Ayaw kitang isuko
Ayaw kitang bitiwan
Maraming takot sa aking puso
Na ikaw sa akin ay mawala
Kahit wala ka nang lakas
Nais kong ako ang iyong maging lakas
Subalit nakikita kong napapagod ka na
Kung kaya kailangan ko ring magparaya
Masakit
Mahirap ang mawalan
Subalit kung ito ang kinakailangan
Gagawin ko ito dahil sa pagmamahal
Humimbing ka na aking mahal
Huwag kang maawa sa aking pag-iisa
Mananatili akong tapat
Saan ka man mapunta
Lagi kong papangarapin
Na muli tayong magkasama
Mauuna kang lumisan
Sa paraiso kung nasaan ang kaligayahan
Kung saan ang lahat ng mga naunsiyaming pagmamahalan
Ay maitutuloy nang walang patlang
Kung saan ang paghilom ay ganap
Mula sa ating sakit na nararamdaman
Kung kailan wala nang dahilan
Upang manghina ang ating katawan
Manahan ka sa lugar ng kapahingahan
Kung saan ang liwanag ay walang hanggan
Habang ako ay maiiwan
Sa mundo ng kapanglawan
Hindi ako magbabago
Mananatili akong tapat
Sa isang pangako ng pagmamahalan
Na tanging sa iyo inialay
Ngayon ay may dahilan na ako
Upang ang kamatayan ay tawaging pagpapala
Kung saan tayo ay magiging malaya
Sa sakit nang anumang karamdaman
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Paralisado
Iyon pala ang pinakamahirap sa lahat
Iyong mabatid mo
Na hindi mo na hawak
Ang iyong sariling buhay
Dahil wala nang lakas
Ang mga kamay at paa
Namamanhid at hindi maiangat
Habang ang buong katawan
Ay nilalagnat
Dahil iginugupo na nang karamdaman
Nang impeksyon (infection) buhat sa mga sugat
Na makirot at wala nang kagalingan
Ni hindi maaaring itayo ang sarili
Na nakahandusay na lamang
Sa isang tabi
Habang binabangaw
At nangangalingasaw na lamang
Sa sariling ihi at dumi
Wala nang maaaring gawin
Kundi ang sumuko
At umasa
Na hayaan na lamang ang walang labang katawan
Sa kamay nang iba
Upang kalingain
Upang mahalin
Pinagpala ang mga kamay
Na humagod sa aking nananakit na katawan
Mga kamay na nagpaligo
Mga kamay na dumampot ng aking dumi sa katawan
Dahil nadama ko na ako ay tao
Kahit sa huling sandali ng aking hininga
Bago ako tuluyang pumanaw
Hindi ko man masambit
Sapagkat wala nang tinig mula sa aking bibig
Ang pagpaparaya ko na lamang
At mga hikbi mula sa aking sumusukong katawan
Ang tanging bumulong
Nang aking nag-uumapaw na pagpapasalamat...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Thursday, May 24, 2012
Pagkapit
Wala na akong kakapitan
Kundi ang iyong mga kamay
O, Panginoon ko
Ang aking Dakilang Tagapag-pagaling
Nang nanghihina kong katawan
At nangungulilang kaluluwa...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Paglilingkod Dahil sa Pag-ibig
Nakakapagod...
Ang tanging pahinga ko na lamang
Ay ang magmahal
At wala nang iba...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Panalangin sa Kawalang Pag-asa
Panginoon...
Sa panahong ako ay nanghihina
Bigyan mo po ako ng kalakasan
Tunawin nawa ng iyong pagmamahal
Ang lahat takot at agam-agam
Na nananahan sa aking kalooban
Bigyan mo ako ng pag-asa
Sa sitwasyong hindi ko makita ang kaliwanagan
Patatagin mo ang aking pusong nalulumbay
Upang patuloy na lumaban sa hamon ng buhay
Hayaan mong umiyak ako sa iyong harapan
Gaya ng isang batang takot na takot kapag nahihirapan
Upang maibulalas ng aking puso ang lahat ng aking hinagpis
Ang lahat ng aking hinaing
Ang lahat ng aking mga daing
Ikaw nawa ang aking maging lakas
Ang bawat hakbang ko'y maging hakbang mo na rin
Huwag mo akong iwan
Mga kamay ko ay iyong hawakan
Dahil sa iyong mga palad
Kumakapit ang aking mga kamay
Hipuin mo Panginoon
Ang mga pusong nais kong katukin
Turuan mo silang maging bukas-palad
Sa gaya kong nangangailangan
Nawa'y ang kanilang habag
Ay maging pag-ibig na dalisay
Na lundayan (pinagbubukalan) ng iyong pagpapala
Sa isang kapwa...
Sa isang buhay...
Ipaunawa mo sa akin
Ang mga bagay na hindi ko maunawaan
Sa kabila ng aking karamdaman
Kanlungin mo ako at iduyan
Ibalik mo sa aking pisngi
Ang ngiti at kaligayahan
Sa pagkakatanto ko ng higit na kayamanan
Nang niyakap ko ang iyong krus
Nang binalikat ko ang aking karamdaman...
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Wednesday, May 2, 2012
Bokasyon
Naalala ko pa
Natatakot akong humakbang
Upang sumunod sa iyong mga yapak
Panginoong Hesukristo
Mahirap kasing iwan
Ang lahat ng aking minahal
Ang lahat ng aking hinangad
Ang lahat ng aking pinagtagumpayan
Sapagkat ang iyong landas na binaybay
Ay matinik at masalimuot
Puno ng kapanglawan
Puno ng paghihirap
Puno ng pagdurusa
Subalit nangibabaw ang iyong tinig
Ang iyong pag-anyaya
Sa akin upang sundan ko ang iyong mga bakas
Hinawakan mo ang aking kamay
Upang ang aking takot
Ay tuluyang maibsan
Ipinangko mo mula sa aking balikat
Ang lahat ng aking alalahanin
Inari mo ang lahat ng aking kasawian
Pinakinggan ang aking mga pagluha
At tinawag mo pa rin akong kapatid
Pinatuloy mo ako sa Iyong tahanan
At mula noon
Hindi mo na kaylan man hiniwalayan
Hindi na iwinaglit sa iyong paningin
Kahit saan ako padparin ng hangin
Sa bawat pagsunod sa Iyo
Ramdam ko ang iyong mga kamay
Na laging nakahawak
Na laging nakasubaybay
Sa bawat landas na lalakaran
Sa bawat sandali ng aking paglalakbay...
===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
God's Plan,
Love of God,
Mission,
Self-givingTrust,
Vocation
Tuesday, May 1, 2012
Paaralan
ang paaralan ay ang totoong buhay
ang apat na sulok ng lansangang ating ginagalawan
kung saan tayo, bilang bahagi ng sangkatauhan
ay tinatawag upang maging ka-hininga ng ating kapwa buhay
Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Learning,
Life,
School Life,
Self-givingTrust,
Social Awareness,
Society
Subscribe to:
Posts (Atom)