Friday, June 1, 2012
Kabiguan
Marami na akong nadanas na kabiguan at tagumpay
Ngunit sa pagkakataong ito
Masaklap ang aking nadamang kabiguan
Tila pinagsakluban ako ng langit at lupa
Kung kaya halos gumuho
Ang mundong aking ginagalawan
Marahil...
Naging arogante (arrogant) ako
Masyadong mapagmalaki
Dangang ipagmagaling ko ang aking sarili
Nakita kong angat at pinagpala ako sa iba
Kung kaya ginamit ko ito
Upang manlamang sa aking kapwa
Akala ko...
Akin lahat ang mga bagay na ito
Nabuhay akong tila wala akong kamatayan
Inubos ko ang aking oras upang libakin ang buhay ng iba
At ang lahat ng aking lakas
Upang agawan ang aking kapwa
Dahas ang aking naging sandata
Karangalan ko ang katakutan ng aking kapwa
Kung kailan sa kawalang katarungan
Ako lamang ang naghahari
Ang tanging makapangyarihang diyos-diyosan ng aking kapwa
Subalit sa pagkakataong ito
Natambad sa akin ang aking kamalian
Kung kailan huli na
Kung kailan ako'y nasa banig na nang karamdaman
Ito pala ang pinakamatindi kong kabiguan
Na ang maunawaan ko na hindi ako isang imortal
Na ang lahat ng aking pinag-ubusan ng lakas
Ay pawang paimbabaw at walang patutunguhan
Kasabay ko marahil
Na kapag ako ay pumanaw
Ang maiiwan kong ala-ala
Ay isang aninong kasumpa-sumpa
Na kung mababanggit ang aking namayapang pangalan
Mumurahin ako ng bawat maka-alala...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
death,
Reflection
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment