Wednesday, January 30, 2013
Kamatayan
Malaya ka na aking mahal...
Mula sa pait ng kahapon
Kirot ng bawat ngayon
At takot na namumuo
Sa kinabukasang walang paghilom
Saksi ako sa mga pagdurusa mo
Subalit hindi kita nasaluhan
Sa bawat paghihirap
Na tinitiis mo habang nag-iisa
Sa bawat gabi at umaga
Na hindi mo nagawang magpahinga
Dahil ang kirot na iyong nararamdaman
Ay nanunuot sa bawat himaymay
Nang iyong sumusukong kalamnan
Mula sa sugat na walang kagalingan (cancer)
Naririnig ko ang iyong mga ungol...
Tuwing ako ay nagigising
Mula sa aking pagkakahimbing
Naroon ka at nagtitiis
Sa isang sulok nangungunyapit
Tiim-bagang (gnashing) humihikbi
Upang balutin ng dilim
Lahat ng iyong tinitiis
Na pawang iyong tinik
Nang walang humpay na hapdi
Wala akong magawa kundi ang yakapin ka
Sa tuwing ikaw ay umiiyak na parang bata
Sa panahong nais mo nang sumuko at bumigay
Dahil sa kawalang pag-asa at kawalan
At panluluoy ng iyong nagdurusang kaluluwa
Para kang nauupos na kandila
Hindi na kita halos makilala
Ang iyong anyo ay ibang-iba na
Kasabay ng paglisan ng tuwa
Sa iyong pisngi ang iyong pananamlay
Ang iyong katawan ay pigang-piga na
Halos wala nang maibubugang lakas
Matapos ang laksang saksak ng hiringgilya
Ng pagsasalin ng dugo na tila walang katapusan
At dialysis na paulit-ulit at nakakasawa na
Nais mo nang sumuko
Pero ayaw ko pang ikaw ay huminto
Sabi ko tutuparin natin ang mga pangarap mo
Na isang araw ikaw ay gumaling kahit paano
Mula sa iyong karamdaman ikaw ay mahango
Pero hindi ko pala dapat piitin ka
Dahil iba ang pakiramdam ng nagdurusa
Kailangang tanggapin ko ang buong katotohanan
Na mayroong hangganan ang ating buhay
Na may paghilom din ang lahat ng bagay
Kailangang palayain na kita...
Dahil ang kagalingang hinahanap mo
Ay wala sa akin o dito sa mundo
Sapat na ang pagtitiis mo upang makasama ako
Panahon na upang tayo ay magkalayo
Paalam na aking mahal...
Lumaya ka na aking mahal
Baunin mo ang aking matatamis na alala
Sa sinapupunan ng magulong daigdig
Pumayapa ka sa iyong paghimbing...
xxx
Malaya ka na aking mahal...
Saksi ako sa mga pagdurusa mo
Naririnig ko ang iyong bawat pag-ungol...
Wala akong magawa kundi ang yakapin ka lamang
Para kang nauupos na umaandap na kandila
Ang iyong butuhang katawan ay pigang-piga na
Nais mo nang sumuko at bumigay
Pero hindi ko pala dapat piitin ka
Kailangang palayain na kita...
Paalam na aking mahal...
Pumaroon ka na sa Diyos Ama na Lumikha
Humimbing ka na sa iyong pamamahinga
Baunin mo ang aking matatamis na alala
Baunin mo ang aking wagas na pagmamahal...
Den Mar
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment