Sunday, January 6, 2013

Sakit


Sa buong Linggo ng aking pakikipagsabayan sa buhay
Naroon lagi ang kapagalan
Nais ko...
Sa bawat sandali ang sumuko
Pero hindi ko magawa
Dahil alam kong hinihintay mo ako

Nakakapagod ang pang-araw-araw na aking pagkukumagmag
Wala na halos akong panahon upang huminga
Lagi akong nalulunod sa mga pangamba ng hinaharap
At lagi akong ginagambala ng kawalan ng oras

Sa lahat ng mga hirap na ito
Na aking binabagtas sa tuwina
Kasabay ng aking pagluha sa bawat kasawian
Nananatili akong umaasa
Kahit sa bandang huli
Ay pinapaniwala ko na lamang
Ang gahiblang katinuan
Na nalalabi (left)
Sa aking naguguluminahang pagka-sarili

Kaya patawarin mo ako
Kung sa pagkakataong nagkikita tayo
Na ako ay pagod na pagod
Na halos hindi ko mapagbigyan ang mga nais mo
Dahil sa pagkakataong iyon
Halos magkahiwalay pa rin ang aking pagkatao at kaluluwa
Sa sobrang kapaguran at pagkabahala
Na hindi ko na magawang itatwa
Dahil kulang na lang
Ako mismo ay mamatay sa iyong harapan

Nasasaktan din ako
Na itagubilin ka sa ibang tao
Pero kinakailangan muna tayong magkalayo
Dahil hindi naman isang teleserye o romansa
Ang pagkakaratay sa ospital
Ang realidad (reality) ay nanatiling may buhay ang bawat isa
Na kailangang hindi huminto
Dahil ang totoong buhay
Ay nangangailangan
Nang pambayad sa ospital

Habang buong Linggo akong mamatay-matay sa kapaguran
Ikaw naman ay buong Linggong nakahiga sa banig ng karamdaman
Kapwa natin nadarama ang pangungulila
Subalit hindi maaaring hanapin natin ang mga bagay na wala

Puso ko'y hindi matahimik kapag ikaw ay hindi ko masilayan
Sa bawat sandali ikaw ang laman ng aking isipan
Katulad mo... malamang parehas tayo ng nararamdaman
Pareho tayong naghahangad ng piling ng bawat isa

Subalit kailangan nating magising sa katotohanan
Na ang totoong buhay ay hindi mala-rosas na higaan
Laging may tinik sa bawat pakikibaka na ating daraanan
Na lagi sa ating maglalayo bilang sakit at karamdaman

Marami kang himutok na hindi ko magagawang hilumin
'Pagkat ako ay hindi doktor na alam ang dapat gawin
Ang magagawa ko lamang ay ang makinig sa iyong hikbi
Nang mga paulit-ulit mong litanya ng iyong bawat hinagpis

Alam mo naman kung gaano kita kamahal
Huwag mo na sana akong subukin sapagkat hindi ako makakatiis
Kung maari nga laman ako'y mananatili sa iyong tabi
Kaya lang hindi maaari sapagkat ako ay kailangan ding magpunyagi

Alam mo rin naman
Na kapag araw ng Linggo
Isa lang ang iniisip ko
Kailangang kalimutan ko muna ang lahat
Kailangang iwan ko muna ang aking pagal na sarili
At magbalat-kayong (to appear) malakas ako kahit hindi
Subalit hindi ko na ngayon kayang itago
Ang nagsusumigaw na kahinaan ko
Sapagkat ako mismo
Ay nauupos na rin
Gaya mo ako ay nanghihina
Napapagod at nais na ring sumuko

Isa lang ang aking hiling
Kung magagawa mo lamang sana ito
Ay Kakayanin ko malamang ang lahat ng ito
Ituring mo ako na bilang ikaw
Na mahina rin at nangangailangan
Huwag lang ako sana ang iyong kakapitan (to hold for hope)
Huwag lang sana ako ang iyong aasahan
Iangat mo rin sana ang puso ko
Kahit sa kalagayan mong iyan
Ipagdasal mo rin ako

Wala akong maipapangako kundi ang aking katapatan
Na ako sa iyo ay dadalaw sa tuwing ikaw ay mangailangan
Sa buong Linggo na ako ay nakikipaglaban sa buhay
Ikaw lang din naman ang laging laman ng aking isipan

Katawan mo lang ang naparalisa
Hindi nito nilamon ang katinuan ng iyong isipan
Humawak ka sa katotohanan
Aakayin kita patungo sa liwanag

Kung maiintindihan natin ang himutok ng bawat isa
Lalalim ang ating pagtingin sa ating kinasadlakan
Marahil ang dilim na ito ay magiging kaliwanagan
At matatanggap nating pagsubok lamang
Ang lahat ng kamatayan




Den Mar