Wednesday, January 2, 2013

Trahedya


Naniniwala ako
Ikaw ay bigay sa akin ng Dakilang Lumikha
Subalit hindi natin maaaring angkinin
O ariin ang bawat isa
Dahil lagi at lagi na lang
May pagitan sa ating magkaibang daigdig

Laging may hangganan ang lahat para sa atin
Laging may wakas
at laging walang patutunguhan
ang bawat naisin nating simula

Maaaring nagmahalan tayo sa maling panahon
Hindi natin hawak ngayon ang pagkakataon
Paulit-ulit na tayong sumubok at nasaktan
Subalit laging mailap pa rin sa atin ang tadhana

Sapagkat kung babasahin at uunawain natin ang bawat pangyayari
Ang ating pag-iibigan ay laging hinihirati ng paghihiwalay at pait
Sapat na marahil ang ating mga pakikipaglaban
Kailangan na marahil nating palayain ang ating mga pusong nasugatan

Mananabik ako sa mga yakap mo
Kung maaari nga lamang
susundan ko ang bawat yapak mo
Nais kong pumaroon ako upang ikaw ay aking samahan
At nang sa dilim ikaw ay aking kumutan
Kung saan babantayan kita sa bawat pagtulog mo
At mananatiling nakatanod sa iyong bawat paghimbing

At ngayon tayo ay kinakailangang magkalayo
Dalawang kaluluwa tayo na binasag ng lunggati (sadness)
Ala-ala mo'y mamamalagi sa aking isip
Hindi bilang nakaraan kundi bilang kasalukuyan.




Den Mar