Thursday, January 3, 2013
Sa Langit
Mula sa harapan ng Diyos
Magkakasunod na dumaan
sa harapan ni Manong Jose
Ang tatlong tao na nakilala nya
Umiiyak sila
Kung kaya nagtaka si Mang Jose
kung bakit sila nag-iiyakan
Nabahala si Manong Jose
Kasi yung una e 'scientist'
Yung pangalawa e 'presidente'
Yung pangatlo ay 'teacher'
Natatandaan nya
Lahat sila ay inilibing na marangya
Lahat ng mga ito ay tanyag
Samantalang siya
Isang hindi kilalalang tao
Isang hamak na palaboy sa lansangan
Laging nanlilimahid
Walang permanenteng tirahan
Maliban sa bangketa
Kung saan siya natutulog kapag inabot ng dilim
Walang bubong upang ikubli ang sarili sa hangin o ulan
O kumot upang maipananggalang sa lamok, ipis o daga
Para sa kanya
Wala siyang halaga
Paano walang pinatunguhan ang kanyang buhay
Lumaki sa lansangan
Hindi kilala ang magulang
Hindi nakapag-aral
Walang alam kundi ang magmakaawa
Laging nanlilimos sa harap ng simbahan
Sa simpleng mga utos lamang nakakasunod
Pero itinuturing nyang lubos na kayamanan
Ang tiwala ng iilan
Na sa kanya ay nakikisuyo
Dahil hindi nahahabag kundi itinuturing siyang tao
Hanggang isang araw
Inutusang magkargador
Hindi inaasahan
Bigla siyang nabundol
Sa ospital isinugod
Nalumpo
Pero hindi pa rin siya sumuko
Patuloy pa ring nanlimos
Hanggang sa may mga bata
Na kapwa niya mga palaboy
Ang sa kanya'y animo'y mga tutang sumunod
Nahabag siya
Sapagkat nasubaybayan nya
Kung paano ang mga batang ito
Na ipagtabuyan ng tatlo
Natunaw ang kanyan puso
Nakita nya ang kanyang sarili sa kanila
Alam niya ang pait ng pangungulila
Alam niya ang hirap ng walang makapitan
Wala man siya
Naglakas loob na rin siyang kupkupin ang mga ito
Minahal na parang mga anak kahit walang pera
Ipinanlimos sila upang sila ay mabuhay
Hanggang sa nagkasakit muli siya
Sa ospital... hindi makagalaw
Walang pumapansin kasi mahirap
Matagal ding nagdusa
Subalit pinilit niyang gumaling
Hindi para sa kanyang sarili
Kundi para sa kanyang itinuring na mga anak-anakan
Kaya lang...
Binawian na rin siya ng buhay
Ang kanyang bangkay
Dinala lamang sa hindi kilalang 'morge' (morgue)
Hindi nagawang kunin ng mga inampon
dahil walang pambayad sa serbisyo
Ibinenta na lamang sa eskuwelahan
Hubo't hubad na ibinuyangyang
Sa 'disecting room' na walang dangal
Binulatlat ang kaloob-looban
Na-disect ng paulit-ulit
At nung nanghinawa na at wala nang makatas
Ibinalik sa morge nang mapudpod na ang lamang loob
At nagmukha ng daing na tuyot na tuyot
Dahil sa 'formalin' na ang amoy ay nakakasulasok (stingy)
Inilagay naman siya sa kabaong ngayon
Ang halos naaagnas niyang bangkay
Ay pinaglamayan sa sugalan
Nang mga manlalarong wala sa kanyang pakiaalam
Ginawang negosyo at lubhang inabuso
At saka lamang siya tuluyang isinuko
Nang ang kanyang bangkay ay nangamoy na ng mabaho
Inilibing siya sa limot na libingan
Kasama ng mga tulad niyang nilimot na lipunan
Hindi kilala ng sinoman
Itinuring nang patay nung nabubuhay pa
Umatungal siya ng iyak
Humagulgol
Lumapit sa kanya ang Diyos
Tinanong, "Nakit ka umiiyak?
Hindi ka ba masaya at narito ka?
Narito ka at malapit sa Aking piling
Narito ka, dito sa Aking sariling tahanan."
Sumagot siya, "Kasi po...
Wala naman po akong nagawang magaling
Noong ako po ay nabubuhay pa sa lupa
Wala po akong maibabalik sa Inyo
Hindi tulad ng tatlong nauna sa akin
Na may saysay ang buhay sapagkat magagaling..."
"Kung sila ay may rasong (reason) umiyak
Lalo na siguro po ako
Ako, na walang ginawa kundi ang umasa sa iba
Ako, na hindi man lang natulungan
Maging ang aking sarili..."
Sumagot ang Diyos...
"Anak, doon nga kita minahal
Kung saan sa kawalan mo,
Lagi mo Akong inaalala
Kung saan sa kahirapan mo,
Lagi ka pa ring nagpapasalamat...
Lahat ng pagdurusa mo
Sa aking mo lahat inaalay
Oo, hindi ka nga matalino katulad nila
Pero sa kakitiran ng pag-unawa mo
Ako pa rin ang inibig mo
Hindi mo ako pinagdudahan
Hindi mo ako tinanong
Ni hindi mo nga ako sinubok...
Bagkus nagpakumbaba ka
Inibig mo Ako ng buong-buo
Ikaw na hinusgahan nilang mahina
at hindi pinagpala
Ang nagmahal sa akin ng buong puso
sa kabila ng iyong pagiging kapus-palad (poorness)
Dahil diyan iniibig kita
Hindi lang dahil sa iniibig mo rin Ako
Kundi dahil nanalig ka sa pag-ibig Ko
At dahil ibinahagi mo ang pag-ibig Ko
Sa kapwa mo naghahanap ng pag-ibig sa mundo."
Den Mar
Labels:
death,
Heaven,
Jesus,
Jesus Christ