Sunday, March 4, 2012

Immersion



Immersion...
Eto yung experience
Nang pakikibahagi sa ating kapwa
Yung sinasabing "come and see"
Yun bang nakikipamuhay ka
Sa buhay ng may buhay
Habang hinahayaan mo rin silang
Pumasok sa iyong sariling buhay...



Pakikituloy (foster family)...
Nang ako ay kumatok
Sa isang giray-giray na tahanan
Sa pusod ng isang squatters' area
Buong galak akong pinagbuksan ng pinto
Nang isang lola (lola Helen)
At bukas-kamay (generously) akong tinanggap
Upang patuluyin
Upang magpalipas ng magdamag
Sa kanyang halos dalawang dipang
Payak na tahanan



Ang bahay ni lola...
Mababa ang kisame
May kainitan
Walang palikuran
Salat sa karangyaan
Walang kagamit-gamit
Sahig ang upuan
Subalit ramdam ko ang pagmamahal
Na nag-uumapaw mula sa matandang ito
Na mula sa karukhaan nya
Nasabi kong nakita ko
Ang mukha ni Kristo
Sa kanyang walang karekla-reklamong ngiti
Dito sa tahanan nya
Naramdaman kong
Pinagpala ako dahil sa kanya



Palagayang loob (kwentuhan)...
Buong puso nya akong ipinagsandok ng kanin
Pati ang ulam na kakainin pa sana nang kanyang anak
Ay ibinigay na rin nya sa akin
Sa mahabang oras ng aming palagayan ng loob
Naunawaan ko ang kanyang simpleng pagtingin sa buhay--
Tatlumpung taon man siyang biyuda
Subalit ang pag-aalaga ng kanyang napakaraming apo
Ang naging bahagi na nang kanyang buhay
Sa kabila ng halos walumpung taon
Hindi niya ipinagdamot ang kanyang sarili
Upang maglingkod sa kanyang mahal sa buhay
Sa kabila ng kanyang nararamdamang katandaan
Heto pa rin siya
Nanatiling matatag
Hindi nakakalimot sa Diyos
Bukas-palad sa kanyang kapwa...



Tulugan (Sleeping Time)...
Malalim na ang gabi
Subalit nanatili siyang gising
Hinintay nya ako
Mula maghapong
Pagbisita ko sa mga lugar ng kanilang parokya
Sa parehong sahig nang kanyang bahay
Kung saan natutulog na ang kanyang isang anak at dalawang apo
Ipinaglaan nya ako ng isang sulok kung saan ako matutulog
At dahil sa pagod
Pagkahiga ko pa lamang
Basta pagkasabi ko pa lang ng "good night po lola"
Ayun na
Sa sobrang pagod
Madali akong nakatulog
Ni hindi man lang ako namahay
Dahil siguro
Pakiramdam ko
Itinuring na rin niya akong
Isa sa kanyang mga anak...



Alas sais ng umaga, gisingan...
Ginising na niya ako
Merong kape
At pandesal
Naghanda na siya ng agahan
Sinabayan nya ako ng kwento
Sa lakas ng boses ko
Para sa isang maliit na kwartong iyon
Ay nagising na rin
Ang kanyang mga natutulog na kaanak
'Kwentuhan kami
Madaling nakapag-palagayan ng loob
Nag-usap ng mga lugar na aming narating
Nang mga pangyayaring may ningning sa aming buhay
Hanggang naramdaman naming
Nagtatawanan na kami
At napapa-iyak
Sa aming pagbabahagi
Nang mga buhay-buhay namin
Sa isa't-isa


Pamamaalam...
Nung nagpaalam ako kay lola
Niyakap ko siya
Nagpasalamat
Sa isang magdamag
At maghapong pakikituloy sa kanyang maliit na dampa
Ang pamamaalam na ito ay tila kakaiba
Kasi may kirot
Dahil pakiramdam ko
Lilisanin ko ang isang tahanan
Na natutunan ko nang mahalin
Na lilisanin ko
Ang maliit na bahay na iyon
Kung saan natagpuan ko
Ang isang mumunting pugad
Nang isang nakapangyayaring pag-ibig
Kung saan nananahan
Ang mga mumunting buhay
Na may maririkit na kwento
Na nagbigay ng inspirasyon
Sa puso kong
Malimit na dumaraing
Habang ako ay papalayo
Hinabol ako ng habilin ni lola
Tila nakukulangan pa siya
Sa aking maikling panahong pamamalagi
Napangiti ako
Dahil kahit ako
Kung maaari lang
Nais kong ring ipagpabukas na
Ang aking pag-alis
Tumigil ako sa aking paglalakad
At muling lumingon sa kanya
Siya na may ari ng garalgal at masayahing tinig
Ay humahabol ng kamay sa akin
Humahabol ng mga huling habilin
Kung sakaling ako ay mag-alanganing bumalik
Muli nya akong iniimbita
Sa mga susunod na panahon
Na ako ay muling tumuloy sa kanyang tahanan
Kapag ako ay muling magawi
Sa kanilang dukha at abang lugar
Kung kaylan...
Ay hindi ko pa alam
Pero ang sinasabi ng tibok nang aking puso
Sabik na sabik na muli akong
Magkita kaming muli...






Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: