Thursday, March 22, 2012

Ngayon na ang Panahon



Sana ay magawa natin
Yung mga maliliit at mumunting bagay
Na maaaari nating magawa ngayon
At sana hindi na natin ito ipagpabukas
Dahil maaaaring maging huli na
Ang araw na iyon
Para sa isang layunin
Na nakalaan para sa oras na ito

May mga landas sa ating buhay
Na minsan lang nating babaybayin
Gusto man nating balikan
May pagkakataong hindi na maaari
Sapagkat maaaaring
Hindi na ipahintulot ito ng panahon
Dahil hindi natin hawak sa ating mga kamay
Ang nakatakdang tadhana ng ating buhay

May mga mukha
Na maaaring hindi na natin maaaring muling makita
May mga tinig
Na maaaring hindi na muling marinig
May mga galaw
Na hindi na maaaring gawin
May mga bahagi sa ating buhay
Ang maaaring hindi na nating muling masilayan
May mga pangako ng muling pagbabalik
Ang tuluyang malimot ng panahon at hindi na maisakatuparan
Dahil maraming maaaring mangyari
Upang tuluyang mag-iba
Ang ating mga tinatahak sa buhay

Sa pagkakataong lisanin natin ang bawat isa
Ating landas ay tuwiran nang magsa-sanga (part away)
Maaaring paghiwalayin ng kanya-kanyang kapalaran
Nang tuluyang paglayo o nang kalungkutan o nang kamatayan
Ang pagkakataon ang siyang magiging saksi
Kung saan ang lahat ay maaari na lamang balik-balikan
Sa ating gunita... sa ating pag-iisa
Ang mga matatamis na nakaraan...
May kalungkutan man o may kasiyahan...

Tayo ay kapwa manlalakbay sa buhay na ito
Mga misyonero ng Diyos na Dakilang Manlilikha
Sa pamamagitan ng ating mga kamay
Inaabot natin ang bahaging ilang(wilderness)
Upang marating ang ating kapwa buhay

Sa ating pagtahak patungo sa kanila
Ang ating dala-dala ay hindi lamang ang ating mga sarili
Kundi tangan-tangan natin mula kaibuturan ng ating mga puso
Ang Kristo na natanggap natin at minahal
Na ating ibinabahagi rin sa ating kapwa

Malimit...
Hindi natin nakikilala
Ang mga Kristo ng ating kapanahunan
Hindi natin sila namamalayan
Pagkat hindi natin sila minahal
Ang mga abang pulubi na kumakatok sa ating mga saradong pintuan
Mga naglalahad ng kamay ng may pagpapakumbaba at buong pag-asa
Mga kapos palad na nagsasabing tayo ay mapalad
Sa mga biyaya buhat sa Dyos Ama

Kung kaya...
Tayo ay tinatawag na magbigay
Magbahagi ng ating buhay sa ating kapwa
Upang maging Kristo tayo ng ating kapwa
Isang Kristong nagbibigay
Sa isang Kristong tumatanggap (imitation of Christ)

Kagaya ni Kristo
Mahalin natin ang ating kapwa
Wala tayong dapat itangi sa isang hapag ng Panginoon
Maglaan tayo ng oras at lakas
Hindi lamang sa mga aba at inaapi
Kundi maging sa mga kabataang kanyang minahal at itinangi

Alalahanin natin na ang lahat ng ating mga biyaya
Ang talino, lakas at kakayahan
Ay mga tanging handog mula sa Dyos na ating tinanggap
Nilinang ng buong kakayahan
Upang ating ibalik din sa nagbigay
Kung saan mula sa ating mga kamay
Dumadaan ang grasya at pagpapala
Nang nag-uumapaw na biyaya mula sa Manlilikha
Upang ibahagi sa ating kapwa ang ating hiram na mga biyaya

Habang tayo ay malakas
Ang tangi lamang nating magagawa
Ay ang magmahal sa bawat saglit
Dahil anu't-ano man ang mangyari sa ating buhay
Nagawa natin ang dapat nating gawin
Kaylan man ay hindi mapaghihiwalay
Nang agwat ng oras at distansya ng lugar
Ang dalawang pusong nagmamahal
Sapagkat laging mananariwa
Ang pag-ibig at pagkakaibigan

Hindi lumulubog ang pagsikat ng araw
Sa mga puso ng bawat nagmamahal
Sapagkat kaligayahan nila ang bawat ala-ala
Nang mga taong humipo sa kanilang buhay

At sa bawat hakbang mong tinatahak
Lilisan kang hindi nag-iisa
Sapagkat sa anino mo mababanaag
Ang puso ng isang mapagmamahal
Isang magandang ala-ala ang iyong mga bakas
Na isinatitik sa pisara ng kanilang buhay
Kung saan maraming buhay kang nasaling
Sapagkata ikaw ay may pusong mapagbigay...




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: