Tuesday, March 20, 2012
Martir
Ang mga dukha
Ang mga inaapi at aba
Ang mga biktima ng kawalang katarungan
Ang mga ulilang lubos
Ang mga walang masilungan
Ang mga walang pag-asa
Ang mga iginugupo ng sakit at karamdaman
Subalit patuloy pa ring umaasa
Sa habag at kalinga ng Dyos Ama
Sila ang maituturing na makabagong martir ng ating panahon
Sa gitna ng kanilang mga pagdurusa
Pawang dinadalisay tayo ng Panginoon
Mula sa ating kawalang pakialam
Tinatawag ang ating mga puso upang umunawa
At makibahagi
Sa dinaramdam nilang pasakit
At kawalang pag-asa
Ano nga ba ang kahulugan ng ating mga biyaya...
Kung saan tayo ay may mga kamay
Maabot nawa natin ang mga nangangailangan
Gamit ang ating mga paa
Marating nawa natin ang mga nais makibahagi sa ating buhay
Gamit ang ating mga mata
Maging gabay nawa tayo ng mga nadidiliman
Gamit ang ating mga talino at lakas
Maging ilaw nawa tayo at pag-asa ng mga naguguluminahan
Bahagi natin ang mga taong tulad nila
May mga nanlilimahid na kamay na nanlilimos ng ating awa
Maging tayo nawa ang kanilang kanlungan sa gitna ng kanilang pag-iisa
Maging tayo sana ang matatawag nilang nagmamalasakit na pamilya
Sa gitna ng kanilang pangungulila
At masidhi nilang mga pagdurusa
Sila ang mga banal na naglipana sa ating buhay
Nakatawa habang umiiyak ang kalooban
May mga balat na sinunog nang araw subalit hindi maririnigan ng mga daing
Na hapong-hapo sa maghapong pangongolekta mula sa mabahong basurahan
Na itinuring nilang mga mumunting pag-asa
Na ang nakakasikdong amoy ng kabulukan
Ang sumasalamin sa kapabayaan ng lipunan
Na binubuo ko at nating lahat
Na naging manhid sa kanilang pangangailangan
Na naging bingi at bulag sa kanilang nga pagtawag...
Sila na nangungunyapit sa dilim ng gabi
Habang pinapapak ng lamok ang galis-galisang katauhan
Na may mga sugat na hindi na gumagaling
Sapagkat walang tahanan o kahit bubungang silungan
Kagaya ng mga tambak na basura
Inihihimlay niya ang kanyang sarili
At pagal na kaluluwa
Kung saan maaari kahit sandali
Subalit ang hindi natin nakikita
Habang sila ay humihimlay
Duon inilalahad ng Diyos ang kanyang mga kamay
Upang maging higaan niya sa buong magdamag
Hanggang magising muli sa isang bagong umaga
Sa isang bagong maghapon na kanilang susuungin
Nang may pag-asa at buong pusong pananalig...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
God,
Life,
Poverty,
Pulubi,
Reflection
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment