Tuesday, March 20, 2012
Kapangyarihan
Maraming mga bagay ang mahirap unawain
Lalo pa... kung hindi natin ginamit ang mga mata at puso ng Diyos
Mahirap maunawaan ang pagdurusa ng ating kapwa
Kung ang pamantayang ginagamit natin
Ay ang pamantayang tayo lamang ang lumikha
Kung kaya maraming sugat ang lalong nasasaling at sumasakit
Sapagkat lalong lumalalim ang iniindang tinitiis
Nang mga kapatid nating ating nahuhusgahan
Sa bawat salita at galaw nila na ating binibilang...
Hindi natin mararamdaman ang pagdurusa ng ating kapwa
Kung hindi tayo magiging saksi sa kanilang mga iniinda
Kung patuloy tayong umiiwas sa katotohanang pilit nating tinatakasan
Na tayo ay bahagi ng ating kapwa buhay
Ang pamantayang nilikha natin
Ay ang pamantayang nagtataboy sa iba
Bilang malakas at puma-pader sa atin
Upang gahamang (selfishly) angkinin ang bawat karapatan
Na ibinigay lamang ng Diyos sa bawat isa...
Ang bawat talino, lakas at kakayanan
Ang pawang regalong handog lamang mula sa Dakilang Lumikha
Dumaraan lamang ito sa ating mga palad
Upang ibahagi sana rin natin sa iba...
Subalit... mas marami ang nasisilaw
Sa kaunting kinang ng mga bagay-bagay
Maraming kumakapit sa katanyagan at kapangyarihan
Upang libakin at apihin ang kapwa nating nilikha...
Kailan pa ba tayo matututo?
Na maging bukas-palad (giving) sa ating kapwa
Kung ang lahat ng ating hinahangad ay ating iiwan
Sa sandaling tayo ay igugupo ng sakit at karamdaman...
Habang tayo ay naghihingalo
Doon natin maiisip na tayo'y katulad ng ibang kahabag-habag din
Sapagkat ang ating kasalatan sa pagmamahal
Ay tinapalan lang pala natin ng ating pagiging ganid at lapastangan...
Kung kailan hindi na natin kayang sapuhin sa ating mga palad
Doon natin mauunawaan ang kahulugan ng pagmamahal
Pagmamahal na nag-uugat sa pag-unawa
Nang ating kapwa na nais ding huminga sa ilalim ng sandaidigan
Masasabinating tayo ay mas kahabag-habag (pitiful)
Dahil tayo ang naturingang mas makapangyarihan (powerful)
Subalit tayo rin ang tila ganid na nang-aagaw
Nang buhay at dangal ng mas mahina nating kapwa
Katotohanan mang isipin na lahat naman tayo ay kailangang magbata at magtiis
Na ang mundo ay isang tagisan nang malakas laban sa mahihina
Subalit sa kalagayan ng bawat aba at api
Ang Diyos ang nasa kanilang piling na nakikidalamhati
Sa kanilang pasakit at nilulunggati
Sa huling sandali ng ating buhay
Sa paghihingalo natin at pag-aagaw buhay
Mararamdaman nating tayo ay nag-iisa
Sapagkat hindi natin tinanggap si Kristo sa ating kapwa
Saan patutungo ang ating kaluluwa?
Gayong wala tayong inibig kundi ang ating sarili
Habang nakikita natin ang langit ng bawat aba at api
Tayo naman ay nagdurusa sa impiyernong hinangad natin...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Life,
Old Age,
Reflection
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment