Thursday, March 1, 2012

Pagmamahal sa Kapwa



Madaling umibig...
Dahil sa kagandahan
Dahil sa katanyagan
Dahil sa kagalingan
Dahil sa paghanga

Mahirap magmahal...
Kapag nakikita natin ang pagkakaiba
Kapag nakikita natin ang kakulangan
Kapag nakikita natin ang limitasyon
Kapag nakikita natin ang pagdurusa
Kapag nakikita natin ang kalungkutan

Paano kung ikaw na ang mahirap mahalin?
Dahil ikaw na ang kakaiba
Ikaw na ang may kakulangan
Ikaw na ang may limitasyon
Ikaw na ang dahilan ng pagdurusa
At ikaw na ang dahilan ng kalungkutan...

Makikita mo pa ba ang kagandahan kung ikaw ay bulag
Mararamdaman mo pa ba ang katanyagan kung ikaw ay imbalido
Hahangarin mo pa ang kagalingan kung ikaw ay buhay na patay (comatose)
Aanuhin mo pa ang lahat kung bukas ay mamamatay ka na?
Ano ang kahulugan ng buhay
Kung ito ay hindi natin mauunawaan?

Lahat ng ating inaayawan ngayon
Bukas ay magiging sa atin
Anuman ang ating iniiwasan ngayon
Bukas ay aariin natin
Hangarin man nating ihiwalay ang ating sarili
Dahil sa ating mataas na pagtingin sa ating sarili
Wala ring halaga
Dahil hindi natin hawak ang buhay
Dahil hindi natin mapipigil ang pagtanda at kamatayan

Ang kahulugan pala ng paggising sa bawat araw
Ay ang magbagong buhay at magbagong simula
Kung may nakalimutan o hindi ka nagawa kahapon
Gamitin natin dapat ang ngayon upang bumawi sa lahat ng pagkukulang
Dahil kapag nilagom natin ang buhay
Dalawa lang ang mauunawaan natin
Na tayo ay isinilang at naging bahagi ng ating kapwa tao
At tayo ay mamamatay balang araw upang iwanan ang mundong ito
Ang nasa gitna ng ating pagkasilang at kamatayan
Ay kung paano natin ginamit ang buhay
Hindi para sa ating ikararangal
Kundi para sa ibang kapwa buhay...

Lahat tayo ay iniimbitahang magmahal
Dahil habang minamahal natin ang ating kapwa
Minamahal din natin ang Diyos na sumasa-kanila
Si Kristo-Hesus ay malapit sa mga dukha
Sa mga naaapi, sa mga nangangailangan ng pagmamahal
Sa mga may karamdaman at nalilihis ng landas
Sila na tinalikdan ng madla
Dahil hindi nakita sa kanila ang kagandahan na ayon sa pamantayan ng tao
Heto sila at nagsusumamo para sa ating pakikipagkaibigan
Nakatanaw sa atin kung kailan tayo hihinto para sa kanila
at magbubukas ng ating mga palad

Ang pagiging Kristiyano ay hindi pala sa salita lamang
Ito pala ay nasa ating pakikibahagi sa ating kapwa
Ang pakikipag-niig sa kapwa sakit ng ating kapwa
At pananatili sa kanilang tabi habang sila ay nangungulila
Ang hilumin ang kanilang mga sugat sa sandali ng kanilang paghihikahos
At ang pagbaahagi ng ating sarili sa mga palad nilang nakalahad at nagsusumamo

Madaling umibig sapagkat
ang kagandahan
ang katanyagan
ang kagalingan
ang paghanga ay ang Kristo-Jesus sa ating kapwa

Tayo ay madaling humahanga sa ating kapwa
Dahil ang nakikita natin sa kanila
Ay ang patikim na kinang (glimpse of splendor) ng ating Dakilang Lumikha
Ang katalinuhan ay ating hinahangaan
Sapagkat ang Diyos ay ang lahat-lahat ng kaalaman (wisdom) dahil Siya ang katotohanan
Nabibighani tayo sa kagandahan
Sapagkat ang Diyos mismo ay kagandahan
Naaakit tayo sa kabutihan
Dahil ang Diyos mismo ay kabutihan...

Subalit ang kagandahan, katalinuhan o pagkakawang-gawa
Ay malimit inaari natin bilang sa atin lamang
Dahil ito ang ikinaliligaya ng ating sarili
Dahil ito ang ipinagmamalaki ng ng ating sarili
Sa halip na maglapit ito sa ating Dakilang Lumikha
Kumapit lamang tayo at nanalig dito
Sa mga pawang mga biyayang ito
Kung saan tinawag natin ang ating mga sarili bilang pinagpala kaysa iba
Ay hinati natin ang mundo sa dalawang pader
Sa mundo ng mga pinagpala, mayayaman at dinadakila
At mundo ng mga may kapansanan, dukha at nililibak

Nalimutan natin ang ating kapwang nangangailangan
Tinawag natin silang isinumpang kapus-palad
Ginagamit lamang natin sila para sa ating makasariling kagustuhan
Sa pamamagitan ng pang-aalipin, ng pagnanakaw at panggagahasa
Tinanggalan natin sila ng dignidad
Hinubaran natin sila ng kanilang pagkatao
Inagawan natin sila ng karapatan
Dahil sila ay walang tinig... dahil sila ay mahina
At tayo... tinawag natin ang ating sarili bilang mga Panginoon

Subalit ang akala nating mahirap mahalin mula sa ating kapwa
Ay ang Kristo-Hesus rin na nanaghoy mula sa kanilang kaibuturan...
Na mula pagkakaiba kumakatok para sa ating pag-unawa
Na mula sa mga kakulangan ay tinatawag tayo upang makibahagi
Na mula sa mga limitasyon inaanyayahan tayo na higit na magtiis
Na mula sa mga pagdurusa hinahamon tayong maging tapat na manatili
Na mula sa mga kalungkutan, si Kristo ang ating pag-asa...

Kung kaya
Mula ngayon
Hindi lamang ang panlabas na kaanyuan
Ang ating dapat na ibigin
Kundi maging
Ang nasa kaibuturan ng bawat puso
Na tahimik na umiibig
At walang pagod na humihiling
Para sa ating pagmamahal
Na matagal na nating ipinagdadamot
Sa ating kapwa na mahirap ibigin
Sa ating kapwa kung saan nananahan din
Ang Kristo-Hesus na atin ay umibig din...




Den Mar

No comments: