Friday, February 10, 2012

Ebolusyon



i--tawid dagat

Mga kaluluwang pinagtagpo
Tinawag mula sa kanya-kanyang pinagmulan
Pinag-isa ng isang paniniwala
Ng isang tawag na tinugunan

Nagkasama sa isang bubong
Kung saan naroon ang talaban
Ang pagsang-ayon at pagtanggi
Ang pakikibahagi o paglayo

Mga damdaming nais makipag-isa
Ngunit sinusubok ang pananampalataya
Hanggang masaksihan
Ang pait...
Nang bawat paglisan...
Ang paglayo...
Nang bawat isa...

Unang nabasag ang puso
Nangilid ang mga luhang dumaloy mula sa mga mata
Bumulwak ng pagtangis ng pangungulila
Sa bawat pamamaalam
Na nasaksihan
Sa bawat paglaho ng mga aninong lumisan
At bawat pagguho
Nang mga pangarap ng puso na hindi natupad
Sa mga kaligayahang inangkin ng iba...

Hindi naman lahat ay nangarap
Mayron din namang nabiyayaan
Gumagaod sa paglalakbay
Gaya ng tuyong dahon
Sumasabay sa ihip ng hangin
Kung saan mapadpad
At dalhin ng paglalayag

Sila ay may mga pusong malaya
May bukas na kalooban
Malikhain ang bawat diwa
Napupuspos ng mga biyaya
Napupuspos din ng panlilibak
Mula sa inibig na kapatid
Mula sa mga minahal
Mula sa mga pinagkatiwalaan

At nagsimula ang digmaan...







ii--kabundukan

Mga basag na pagkatao na pinagtapo
Mga kaluluwa'y pinagpira-piraso
Sa pamantayang walang kinalaman
Sa pagpapalalim ng puso

Kung saan ang naghahari ay ang kawalang katarungan
Walang awa kundi tagisan
Hindi lamang nang sarili
Kundi maging ng kapwa
Kung saan ang bawat isa
Ay naging laban sa bawat isa

At pinag-iisa ang digmaang ito
Ng panananalangin na walang pinatutunguhan
Kundi ang pag-angkin ng pinapangarap na biyaya
Kahit maging kapahamakan ito
At alinlangan
Nang kanilang nilibak na kapwa

Maraming damdamin
Ang pinaglayo ng pamantayan
Na naging batayan
Nang pagpapatali
Sa isang bigkis ng pagkapalalo

At inaring kaligayahan
Ang makatugon lamang
Sa inaasahan ng daigdig sa kanila
Kahit sa kaibuturan ng bawat puso
Naroon ang panaghoy
Dahil sa higit na pagkabasag
Nang pusong hindi minamahal
Sapagkat ang natagpuan
Sa lugar na inaakalang kanlungan ng Dyos
Ay ang pugad
Ng galit at panghihinayang
Mula sa bawat nakaraan
Na hindi magawang takasan

At ang mga may pusong malaya
Ay nagsimulang maging biktima
Nang isang mapanghusgang
Pamantayang umaalipin
Sa mga bunga ng panalangin
Na nais kumawala sa bawat puso
Nang mga nakasumpong sa biyaya ng Dyos...
Mga sining na hindi maipinta
Mga sayaw na hindi maigalaw
Mga awit na hindi maiusal
Mga pangarap na hindi maisaysay
Sapagkat naroon
Ipinunla sa bawat puso
Ang pagkasiphayo at pagkainggit

Mga puso'y tumigas
Natutong sumunod sa agos
Isinantabi muna ang pagtugon
At hinarap ang mga hamon
Bilang bahagi na lamang ng pagnanasa
Na mapatunayan
Ang kakayanang hindi magpatalo
Sa pamantayang naghahari
At lumamon sa bawat puso

Hanggang nasulyapan
Ang bunga nang pagpapanggap
Sa isang pagbibigkis
Nang pagkapalalo at pagpapakatuso
Ang mga sugatang puso
Kaylan man hindi naghilom
Lumisan sa kabundukan
Pikit matang namaalam
Nagpumilit na buuin ang mga pagkatao
Baon ang pagiging palalo
At inangkin
Ang pamantayan
Na nakagawian
Na walang pag-ibig
Nang walang katarungan...

Nagpatuloy ang digmaan...







iii-- kapatagan

Sa mahabang proseso ng buhay
Kung saan natambad
Sa tagisan ng kasamaan at kabutihan
At nababad mula sa dilim ng nakaraan
Nangingibabaw pa rin
Ang sarili
Kung saan walang pagpapatawad
Kundi paghusga sa kapwa
Ang umaalingawngaw
Sa bawat natutong
Maghangad at mangarap

Umaandap na ang liwanag
Sa mga pusong malaya
Na bihag na ngayon
Nang lisya ng mga sugatan

Sabay-sabay na nananalangin
At umuusal ng dasal
Subalit ang laman ng puso
Ay pawang panlilibak
Ang hangad ng damdamin
Ay paghiwalay at paglayo
Mga matang nakapikit
Subalit nakikiramdam
Sa bawat pagkakamali
Nang kanilang kapatid
Na hindi minahal
Na hindi inibig
Subalit hinusgahan
Ipinagtabuyang palayo...

At ngayon...
Matapos ang mahabang panahon ng pakikipagtagisan
Isa-isang namamaalam ang mga may pusong malaya
Matapos mabiktima ng pagkapoot na nagmula sa nakaraan
Mula pa sa kabundukan na tahanan ng karahasan

Ang bawat isa ay naging naghaharing pamantayan
Kung saan ang hangad ay ang pansariling kabutihan
Sinayang ang panahong makinig sa katwiran
Nang mga kaluluwang totoong nagmahal
Na ngayon ay lilisan
Baon ang kanilang ala-ala
Baon ang kanilang mga dasal...




Dennis DC. Marquez

No comments: