Monday, February 27, 2012

Inibig


Ngayong wala na akong maibigay...
Walang lakas
Walang kapangyarihan
Walang pangarap
Walang patutunguhan
Walang inaasahan
Halos wala nang kalayaan
Ay saka ko naunawaan
Ang kahiwagaan ng pagmamahal

Sa mga sanlibong mga araw at gabi
Na lumipas
Hindi kaylan man nabihag
Nang aking panulaan
Nang aking makating pag-iisip
At mapaglarong imahinasyon
Ang lalim
At kadalisayan
Nang totoong pag-ibig

Hindi pala ito mga kataga at salita lamang
Na nakakapagpataba ng puso at kaluluwa
Higit pa pala ito
Sa aking nasilayang kagandahan
Na bumubukal
Sa isang nagmamahal
At sa kapwa niya minamahal

Sapagkat ang pag-ibig na sa akin ay bumihag
Ay ang pag-ibig na yumakap din sa akin
Kung kailan hindi na ako maaaring ibigin
Sapagkat wala na akong maibabahagi
Dahil ako ay paso (expired) na at wala nang halaga
Laos na at wala nang kinang
Wala nang maaaring gawin
Wala nang maaaaring ibahagi

Kung kailan naghihintay na lang ako
Nang mga huling sandali ng aking buhay
Saka nanasok sa akin ang pag-ibig
Na nagbigay sa akin ng bagong pag-asa
Sa mga huling sandali ng aking hininga
Sa aking madilim na kinasasadlakan
Kung saan tinalikuran na ako ng lahat ng aking minahal
Saka ko naramdaman ang pag-ibig
Na matagal ko nang hindi inaalintana

Wala akong maisusukli
Sa pag-ibig na nananatiling tapat
Manhid na ang tigalgal kong katawan
Upos na ang aking tanging lakas
Unti-unti na akong nabubulok
Nababaon sa hukay ng malalim na siphayo
Subalit ang pag-ibig na ito
Pilit akong inaahon
Mula sa lambak ng pangungulila
Patungo sa bisig na mapagkalinga

Masakit pala
Nang mabatid ko
Ang Panginoon pala
Ang aking Dakilang Mangingibig
Na hindi ko sinusuklian ng pagtingin
Na hindi ko nagawa ring ibigin
Kung kailan wala na akong kakayahang magmahal
Kung kailan wala na akong lakas upang yakapin Siya
Kung kailan wala na akong yaman upang ibigin Siya
Kung kailan wala na akong maibabalik kundi ang aba kong pagkatao
Na iginupo na nang sakit at karamdaman
Saka ko lamang Siya naunawaan
Saka ko lamang Siya minahal

Sa kabila ng aking pag-iisa
Ramdam kong kasama ko ang Panginoon
Papanaw man ako
At lilisang limot ng mundo
Iiwan ko na ang lahat
At ibabalik sa Panginoon...
Ang aking buhay
Ang aking natitirang lakas
Ang aking natitirang pag-asa
Ang basag kong puso at kaluluwa
Mga tanging bagay na mayroon ako
Mga bagay na inibig sa akin ng Diyos...





===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: