Sunday, February 26, 2012

Pagkasilay



Akala ko
Ako ang naghahanap sa Panginoon
Ako pala ang kanyang nahanap
Mula sa aking pusikit na kinalalagyan
Kung saan tila wala nang pagpapakahulugan
Ang mahabang proseso ng kapagalan
Ang nakapanlulumong kalalagayan
Nang aking sumusukong pagkatao
Nang aking sumusukong kaluluwa

Pagbubukas pala ng puso
Ang kinakailangan kong gawin
Upang pumasok ang Diyos
Sa aking tigang na kalooban
Ang pagbubukas ng aking isipan
Ang magbibigay kahulugan
Sa mga bagay-bagay
Na lubos kong hindi ko maunawaan

Bawat pait at kalungkutan
Ay mauunawaan natin
Bilang isang pagkakataon
Upang makilala natin ang ating pagkatao
Sa kabila ng kawalang katarungang ating sinapit
Maaari pa rin pala tayong magpatawad ng ganap
Sa kabila ng paglapastangan ng ating kapwa
Maaari pa rin pala tayong magmahal
Sa kabila ng ating kakulangan
Maaari pa rin pala tayong tawaging mapalad...

Kung ang mata lamang ng Panginoon ang ating gagamitin
Makikita natin ang bawat isa na naghahangad na mahalin
Kung iibig tayo na gamit ang puso ng Diyos
Mababago ang masalimuot na mundong ginagalawan natin...

Ang Diyos ay nananahan sa atin
Mula sa ating kapwa masasalamin natin ang kanyang mukha
Nananahan siya sa lahat ng mahal natin sa buhay
Sapagkat sila ay mga regalong handog sa atin ng Dyos Ama
Sa bawat dukha at aba
Sa mga naaapi at naliligalig
Sa mga maysakit at nababahala
Sa bawat walang malay
Sa bawat walang muwang...

Upang ibigin pala ang Diyos
Kailangan din palang ibigin ang kanyang mga iniibig
Dahil sa pamamagitan nila
Siya ay nagsasalita
Sa ating buhay
Na naghahanap ng kahulugan...




===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: