Saturday, February 25, 2012

Kenosis



Ang isa palang mahirap na danasin ng isang tao
Ang makita nya ang kanyang sarili
Na kahabag-habag
Sapagkat siya
Ay
Walang-wala...

Ang kahabagan ang sarili
Ang isa sa pinakamapait na bahagi ng buhay
Kung saan
Sa mapait na yugto ng buhay
Na kumakahon sa ating kinalalagyan
Kung saan
Nais nating sumuko
Dahil wala tayong madamang kahulugan
Sa disyertong ating kinasasadlakan

Walang kaligayahan mula sa mga pagdurusa
Puro hinanakit ang idinudulot ng bawat araw
Maraming hinahanap na inaakalang darating
Subalit sa bandang huli
Makikita natin ang ating sarili
Na nag-iisa sa katahimikan
Habang ang mundong kinasanayan natin
Ay hindi mapigil sa pag-galaw

Nais man nating abutin ang ating mga naisin
Walang lakas ang ating bisig
Nais man nating balikan
Upang sariwain ang lahat ng ating napuntahan
Upang subukin muling buuin
Ang mga nabasag na relasyon
Hindi na maaari
Sapagkat
Hindi na nating kayang igalaw
Ang bawat himaymay ng kalamnan
Ng ating dating malakas
Na katawan at naglahong kabataan...

Isa-isang lumilisan
Sa ating paningin
Ang lahat ng ating mga inaasahan
Habang unti-unting nalilimas
Ang lahat ng ating kayamanan
Na buong buhay nating tinimpok
At ipinagdamot maging sa ating mga sarili
Mga panumbas sa bawat gamot at karayom
Na pandugtong sa ating naghihingalong buhay
Na ayaw nating bitiwan
Sapagkat ayaw nating sukuan
Ang ating mga kahinaan
Ang ating mga kawalan

O patuloy tayong umiiwas
Na harapin ang katotohanan
Na ang kamatayan ang hangganan ng buhay
Na nasa kabila ng kamatayang ito
Ay may Diyos pala talaga
Na ating hindi kinikilala
Na ating ipinagpapalagay
Na wala sa ating kasaysayan

Mula sa kawalan
Mula sa pag-iisa
Mula sa pagkaawa sa ating sarili
Tinatawag tayo na sumuko
Upang umasa
At tumawag lamang
Sa Dakilang Lumikha
Sa ating mga kasalatan
Pumapasok ang mga biyaya
Na nanahan sa ating mga puso
Na napupuspos ng pagpapala

Ito ay ang tinatatawag na kasiyahan
Kasiyahan ng pinakalalim-laliman ng ating kaibuturan
Sa kabila ng pagkasugat natin
Sa bawat ating pagdurusa
Sa ating kawalan sa buhay
Ay masusumpungan natin ang pag-asa
Na nag-uumapaw
At nagpapangiti sa atin
Kahit na tayo
Ay binabalot ng siphayo
At dinadaluyong
Nang sunud-sunod na dilubyo at pagsubok
Sa ating may hangganang pagkatao
Na wala nang matakbuhan
Na wala nang makilingan
Na wala nang masumbungan
Na wala nang masumpungan...
... kundi ang Dakilang Lumikha
Na tanging ating inaasahan...

Sa kabila ng ating sakit sa buhay
Kahit tinalikuran na tayo nang ating kapwa
Habang mag-isa tayo sa banig nang ating tinitiis na karamdaman
Kahit walang nagmamalasakit sa ating pagkakasakit
O walang nakikidalamhati sa sakit na ating dinaramdam
Mauunawaan natin na sa ating pag-iisa
Sa kawalang katiyakang kagalingang ating ninanasa
Ang kahulugan ng paggising sa bawat araw
Upang muling tiisin ang panibagong sakit
Kung saan hindi pala tayo iniiwan
Kahit isang saglit
Nang ating Panginoon Hesukristo
Na dinig pala niya
Ang bawat hinagpis ng ating puso
Ang bawat hikbi ng ating kaluluwa
Ang lahat ng mga bagay na kinikimkim ng ating pagkatao
Hinahawakan nya ang ating mga kamay
Niyayakap ang ating buong pagkatao
Pinapatahan ang ating mga pagluha
Binabantayan tayo sa ating paghimbing
At lagi Niyang ibinubulong sa ating pandinig
Na "Huwag kang sumuko aking Kapatid
Sapagkat kasama mo akong nagdurusa
Sa krus na iyong binabalikat..."

Kung saan mababalikan natin
Matapos ang mahabang mga taon ng ating pagpapala
Sa ilang saglit ng ating pagtitiis dahil sa pagdurusa
Nakalimutan agad pala natin
Ang lahat ng pagmamahal
Ang lahat ng pagmamalasakit
Sa atin ng Dakilang Lumikha...

OO...ang kamatayan ay darating din sa bawat isa
Hindi bilang katapusan
Kundi bilang bagong simula
Nang isang sisibol na pag-asa
Mula sa kamatayan at bagong buhay
Matapos ang masalimuot
At puspos ng pagpapalang paglalakbay natin
Patungo sa kabilang buhay
Matapos nating maluwalhating landasin
Ang tinatawag nating kasaysayan
Kung saan tayo ay nasaktan... subalit nagmahal
Kung saan tayo ay tinalikuran... subalit natagpuan
Kung saan tayo ay nag-isa... subalit kinalinga...
Ng nag-uumapaw na pag-ibig ng Dakilang Ama
Sa kabila ng ating kakulangan at pag-aagam-agam
Sa kabila ng ating kapagalan at pangungulila
Naroon ang kapahingahan
Naroon ang pagtahan ng ating mga pagluha
Sa bisig ng Diyos Ama
Sa kanlungan Nyang mapagmahal...




===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS