Saturday, February 25, 2012

Sulyap



Hindi ko pala maaaring maipinta
Ang kabuuan ng Panginoon
Sa pamamagitan ng aking panulat
Sapagkat lagi itong mananatiling kulang
Para sa nag-uumapaw Nyang kadakilaan
Sapagkat ang kanyang kaningningan ay walang katapusan
Kung saan
Ang kaligayahang inari kong kayamanan buhat sa kanya
Ay sulyap pa lamang pala
Nang higit pa at mas dakilang pag-ibig
Na hindi kayang bigkasin
Nang alinmang kataga at salita
Sapagkat mananatiling hindi sapat ang mga ito
Upang ipaliwanag ang Diyos

Kahit pigain ko na ang lahat ng tinta
Sa walang kapagurang pagtatalik ng aking panulat at papel
Kahit pala ubusin ko ang lahat ng bawat umaga at magdamag
Upang manatiling nagninilay sa Kanyang kadakilaan
Mananatili pa rin itong kulang
Mananatili pa rin Siyang nag-uumapaw
Mananatili pa rin Siyang mahiwaga...

Sa panahong hinahanap ko Siya
Naunawaan kong ako pala ang nahanap Niya
Wala akong ginawa kundi ang magpaka-'ako'
Upang tumugon sa kanyang pagtawag
Sapagkat wala Siyang hiningi o hinangad mula sa akin
Kundi ang aking paglingon at pagtugon
Sa isang tao na inibig ng Dyos
Nadama ko ang kanyang pagyakap
Ang kanyang pag-ibig
Kahit nang walang salitaan
Sapagkat upang maunawaan pala ang Diyos
Kailangan palang buksan ang puso
Dahil ang malalim palang pag-ibig
Ay hindi na naghahangad ng mga paliwanag
Sapat na pala ang pagmamahal
Sapat na pala ang pagtitiwala...



===
go to a recollection:
http://denmar1978.blogspot.com/2013/04/one-week-on-line-recollection.html


Br. Dennis DC. Marquez, sSSS





Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: