Thursday, February 9, 2012
Tamang Hinala
Sa buhay na ito
sa lugar na kinasasadalakan natin
Kanya-kanyang pagdurusa
Ang ating kinakaya
Upang mapasan natin
Ang bawat bigat
Nang ating mga dinadala
Na bumabagabag
Sa ating mga puso
At kaluluwa
Na nagpapaluha sa atin
At patuloy na sumusugat
Sa lupaypay nating
Paa at kamay
Na nakagapos
Sa pamantayang
Sila ang gumagawa
Malimit nahuhusgahan
Ang ating mga pusong malaya
Napupuna sa anggulo
Na hindi natin inaasahan
Sapagkat nais nila tayong ikahon
Sa pamantayang makapangyarihan at naghahari
Na sumusukat upang maglimita
Na humuhusga upang pumaslang
Sa atin na walang kamalay-malay
Sa lisya ng kanilang mga paratang
Na lumalamon
Sa ating mga umaandap na pag-asa
Na ating pinanghahawakan
Mga tangi nating kayamanan
Mga tila tupa sa harapan ng Panginoon
Na umuusal ng mga salmo't panalangin
Habang ang mga mata ay nagbabagang nagmamasid
Nakikiramdam sa bawat inaasahang pagkakamali
Matalas ang pandinig
Kung saan ang mga maling kutob
At nakalalasong hinuha
Ang ginagawang pamamaraan
Upang mabuhay sa paninila (to devour)
Upang pagtakpan
Ang bawat kahinaang
Tila anay na lumalamon
Sa nagdidiliryong isipan
Bunga ng inggit
At kawalang katarungan...
At ang pinakamatamis na ngiti
Nang pagpapanggap at paghuhugas kamay
Ang bating isasalubong
Sa ating mga nasaling na damdamin
Dahil nasaktan ng nakalalasong balita
Na sila mismo
Ang lihim na naghasik
Sa bawat puso ng gutom na kaluluwa
Na ang tanging hangad rin
Ay ang pagdurusa
Na kanilang kapwa
Na pareho nilang
Nilibak at hinuhusgahan
Sa pagkakataong ito
Kung saan may naninira sa bawat isa
Masusubok ang bawat pinagsamahan
Nang mga tunay na kaibigan at nagmamahal
Sapagkat hahangarin ng dakilang kaluluwa
Ang umibig sa katotohanan
At hahandaing magbuwis
Alang-alang sa katarungan
Sino nga ba ang makikinig sa kanila...
Sila na ang tanging kaligayahan
Ay kanilang natagpuan sa pagdurusa ng iba
Sa paghihikahos na sila ang lumikha
Na inukit mula sa bahid ng dugo
At pawis ng bawat biktima
...Kundi ang kanilang kapwa
Na naghahangad ng kalungkutan ng iba
Na sumasang-ayon sa nakapangyayaring kasamaan
Sa tanikala na bumibihag
Sa bawat katotohanan at katarungan
Magtatagumpay kayo sa ngayon
Pansamantalang magkakaroon ng kaligayahan
Subalit gaya ng ibang nilalang ng dilim
Mananatili pa rin kayong uhaw at sabik
At mananatiling naglalaway na ganid
Sa paghahasik ng lagim at dilim
Sa bawat puso ng bawat walang malay
Sa bawat kaluluwa na inyong nagambala
Sa bawat buhay na inyong pinaslang
At sa bawat paglubog ng araw
Makukuha pa rin ninyong humarap sa Dakilang Lumikha
Bilang mga walang bahid dungis at kasalanan
Sapagkat binulag na ang inyong pananampalataya
Nang kasakiman sa tinatawag ninyong kapayapaan
Kung saan
Upang ipagsanggalang ang inyong mga pagnanasa
Ay kumikitil kayo ng mga mulat na nilalang
Upang patahimikin sa kanilang libingan
Kagaya ng mga nauna
Na biktima ng inyong kasakiman...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Abandonment,
Destructiveness,
Pains,
Victims
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment