Thursday, June 28, 2012

Hangganan



Bawat isa sa atin
Ay iba-iba ang tinatahak na landas
Sa paglalakbay natin
Iba-iba man ang ating hinahanap
May makakasabay at makakasabay din tayo
Na sa kahabaan ng daan
Ay ituturing nating kaibigan

Kapag nagsanga ang ating landasin
Ito ang punto na maaari tayong mamili
O sumama at makibahagi sa iba
Ang makilakbay sa ruta ng ating inibig
Sa isang daan na tinatawag nating pagniniig

Hanggang sa magsanga muli ang ating binabagtas
Kung kailan kailangan nating tanggapin ang ating paghihiwalay
Doon natin maiisip na ang lahat ng bagay
Ay may katapusan at laging may hangganan

Sa paglalakbay na ito
Maaari tayong magmahal
Upang makibahagi sa ating kapwa buhay
Kahit may hangganan man ito
Dahil tayo ay pawang mortal
Ang pag-ibig ang magpapanatili sa ating buhay (keep us alive in memory)

Subalit mayroon ding pag-ibig
Na nanghihina at umaandap
Sapagkat pag-ibig ito na hindi tinumbasan ng pagmamahal
Kagaya ng isang ibon na naghahanap ng masisilungan
Maghahanap ito ng lilim sa piling ng iba

Kung kaya kapag tayo ay iniibig
Pahalagahan natin ang ating mangingibig
Sapagkat may hangganan ang bawat pagtitimpi
Dahil matampuhin ang pusong hindi nadidilig





Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: