Saturday, June 23, 2012
Pang-gabing Ibon
Akala mo lang
Masama akong babae
Dahil kapag nasa entablado ako
Larawan ako para sa iyo
Nang isang kabalahuraan
Na iyong pinandidirihan
At ayaw matingnan
Subalit sa likod ng hubad kong katawan
Na iginigiling ko sa entablado ng tanghalan
Ay ang panginginig ng aking kaluluwa
Habang pinagpipiyestahan ng mga gahaman
At naglalaway na mga mata
Kung saan
Kahit na maharot at mapanghalina ang musika
Hindi ko na makuhang lagyan pa ng emosyon ang aking pagsasayaw
Dahil pikit matang itinatakas ko na lamang aking diwa
Habang iniisip ko ang kalayaan
Kung saan maraming sariwang damo
Kung saan naroon ang ang aking mga anak
Tumatakbo ng may pananabik
Patungo sa kanilang nag-iisang nanay
Mamamalayan ko na lamang
Na mabilis lumipas ang gabi
Kasabay ng pagkaubos ng bawat bote ng alak
O pagkasunog ng mga hinithit na sigarilyo
Isa-isang tatahan ang mga halakhak at hiyawan
Kasabay nito ang pag-akbay sa aking balikat
Patungo sa madilim na silid
Kung saan kagaya ng mga nakagawian ko sa bawat gabi
Ibibigay ko ng paulit-ulit
Ang aking sarili at manhid ko nang pagkababae
Sa kung sinu-sinong lalaki
Na hindi ko na nagawang alamin pa
Na tanungin ang mga kanya-kanyang pangalan
Kung lulugar ka sa akin
Alam kong papagurin ka ng masalimuot na panlulumo
Kailangang tiim-bagang ko itong tiisin
Upang matumbasan ng nakaw na sandali
Ang pag-asa na natitira sa aking sarili
Pangarap ko ring magbago
Subalit...
Malimit... madamot ang pagkakataon
Nais ko ring umahon mula sa putikang kainasasadlakan ko
Subalit ako ay patuloy na nilulunod
Nang agos ng aking buhay
Na tila wala nang patutunguhan
At tila wala nang kapahingahan
Ganun pa man..
Kinakailangan kong panindigan ang pagbabago
Hindi na lang para sa akin
Kundi para na lang sa mga mga anak ko
Tulungan mo ako sa pagkakataong ito
Ituro mo sa akin
Ipakita mo sa akin kung paano...
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
Life,
Prostitution