Thursday, June 21, 2012
Paglilingkod
Matapos akong umasa
Nang mahabang panahon
Ngayon ay aking napagtanto
Na para makatulong sa iba
Kinakailangan ko muna
Na tulungan ang aking sarili
Wala akong maibibigay
Kung hindi ko matutugunan
Ang mga bagay
Na aking kinauuhawan
Mga bagay
Na nais ko ring makamit
Mga bagay
Na nais kong ibahagi
Dahil
Hindi ko pala pwedeng asahan ang iba
Dahil malimit
Iba ang nais nila
Hindi pala kami magkatulad
Sa aming mga hangarin
Para sa aming kapwa
Iba ang laman ng aming mga puso
Iba ang hinahanap ng aming kaluluwa
Maaaring
Hindi kami magkakasinglalim ng pagtingin
Nang pagpapakahulugan ng kahulugan ng buhay
Kung ano ang pagtulong sa kapwa
Kung ano ang pag-aalay ng buhay
Maaaring nababaliw lamang ako
Sa sinasabi kong pagbibigay ng sarili
Dahil ang sinasabi ko
Ay hindi lamang tungkol sa pag-usal ng dasal
Kundi ang pakikipamuhay
Sa kapwa hininga ng buhay
Sa pamamagitan
Nang pagbusog ng sikmura
Nang lahat ng nangangailangan
Hindi ko sinasabing mas mapagbigay ako
Naglalarawan lamang ako
Kung saan sa aking pagtingin
Ito ang mas kailangan
Nang lansangang aking narating
Kung saan maraming nagugutom
Maraming naghihirap
Kung saan maraming namamatay
At lumilisan ng walang kabuluhan
Kailangan ng mundo ngayon
Ay ang aangkin sa kanya bilang kapatid
Na yayakap sa kanya ng buong-buo
Na walang halong pandidiri at pangungutya
Kapatid na sasabay sa kanyang paglakad
Kahit mabagal dahil sa kanyang na kaluluwa
At hihilom
Sa kanyang sugatang puso
Hindi ko mababago ang puso ng iba
Ang tangi ko lamang magagawa
Ay ang magdasal at umasa
Upang matuto ang aking kapwa
Na magmahal din sa iba
Nang walang inaasahang
Na anomang kapalit o paghahangad
Hindi ko maaaring diktahan ang aking kapwa
Kung kailan at paano magmahal
Dahil hindi ko maaaring saklawin ang kanilang puso
Sapagkat ang maselang bagay na ito
Ay nakalaan lamang
Upang hipuin ng Dakilang Lumikha
Dahil ang makapagtuturo lamang sa aming magmahal
Ay Ikaw Panginoon
Na pinagbubukalan
Nang dalisay na pag-ibig
Gamitin mo ako bilang iyong lingkod
Upang hipuin ang aking kapwa
Patungo sa pagbabago
Nang aming mga manhid na mga puso
Hayaan Mo
Na sa katahimikan at kababawan ng aking paglilingkod
Ay magkaroon ito ng mas malalim na kabuluhan
Kung saan ang aking mga bakas na iiwan
Ay ang mga bakas ng Iyong kadakilaan
Br. Dennis DC. Marquez, sSSS
Labels:
servanthood
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment