Saturday, June 23, 2012

Kalayaang Umibig



Sana isang yugto lang nang aking buhay
Ang pagdadalawang isip na ito
Kung saan pati ang aking pag-ibig
Ay kinakailangang subukin
At mamili
Sa dalawang bagay
Na parehong nais ko
Ito ang bumibiyak sa aking puso
Dahil kinakailangan kong magpasya
Upang mamimili na sa huling pagkakataon
At iwanan ng tuluyan
Ang isa sa kanila
Na hindi ko mabitiw-bitiwan

Mahirap ang kumawala sa kanyang pagkakahawak
Dahil nakagapos ito sa magagandang pag-asa
Ang mga ala-ala ng pagmamahalan
Ang mga pangarap na nasambit
Mga bagay na hindi madaling kalimutan
At tuluyang ibaon
Sa paglipas ng panahon

May mga matatamis na nakaraan
Ang sadya marahil na hindi makakalimutan
Subalit kinakailangan
Bigyan ng tuldok
Dahil
Hindi na ito ang aking ngayon
Magiging sakim ako
Kung hindi ko mapapalaya ang aking sarili
Sapagkat
Sa ating lubos na kalayaan
Higit tayong nagiging mapagmahal.




Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: