Friday, June 22, 2012

Pagkiling



Huwag mo akong hanapan ng pagmamahal
Dahil hindi mo naman ako minahal
Ramdam ko na kaylan man ay hindi mo ako itinatangi (favored)
Dahil lagi ka sa aking nanlalamig

Nagsisimula pa lang akong magsalita
Isinasarado mo na agad ang iyong pandinig
Itinataas mo na agad ang tono ng iyong boses
At laging hinahanapan ng pagkakamali

Mas marami kang nakikitang dahilan upang ipagtabuyan akong palayo
Kahit ilang ulit kong piliting lumapit sa iyo
Umiiwas ka sa pamamagitan ng mga pa-angil mong pananalita
At binibigyang malisya ang aking mga pananaw

Habang kayo ay masaya ng mga mapalad mong itinatangi
Sa isang sulok ako ay naghihintay na iyong mapansin
Idinadaan ang pag-aasam sa paghinga ng malalim
Na sana ako rin ay iyong tapunan ng tingin

Kahit na ganito ang aking kinalalagyan
Hindi kaylan man ako sa iyo ay magtatampo
Hindi ako naiinggit sa mabuting kapalaran ng iba
Sapagkat alam kong marami sa akin ang hindi kaibig-ibig

Kung hindi mo man ako maituring katulad ng iba
Sana naman ay huwag mo na akong pagmalabisan
Dahil hindi ko kayang pasinungalingan sa iba
Ang hindi makatarungang pagtrato mo sa akin

Sana dumating ang panahong matutunan mo akong mahalin
Dahil wala akong paghuhugutan ng anumang pag-ibig
Kung hindi ko naramdaman ito mula sa aking sarili
Na kailanman ay hindi minahal o kailanman ay hindi inibig...





Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: