Thursday, June 21, 2012

Himutok



Nawala na ang aking dahilan
Upang ako ay ngumiti
Hindi ko na maialis sa aking sarili
Ang lagi kitang isipin
Dahil pakiramdam ko
Laging kulang ang lahat
Kapag wala ka sa aking piling

Hindi ko magawang gawin
Ang mga bagay na aking nakagawian
Kasi...
Nawalan na ako ng dahilan
Upang umaasa
Upang maging maligaya
Sapagkat
Lagi na itong kulang
Mula nang ikaw
Ay kunin mula sa akin ng karamdaman

Ang hirap
Hindi ako makapag-adjust sa sitwasyon
Ang alam mo lang
Na kapag ikaw ay aking dadalawin sa ospital
Kinakailangang magawa ko lahat ang inuutos mo
Alam ko
Sa iyong sitwasyon
Na nakahiga buong maghapon sa banig ng karamdaman
Ako na ang ginawa mong kamay at paa
Kung may hindi ka magawa
Ako ang kinakailangang tumugon
Kung saan may hindi ka marating
Ako ang kinakailangang tumunton

Hindi ako nagrereklamo
Sinasabi ko ang lahat ng ito
Dahil napapagod din ako
Nais kong ipaunawa sa iyo
Na bago kita marating
Dito sa ospital kung saan ka nakalugmok
Ay sanlaksang suliranin din
Ang kinakailangan kong harapin
Dahil ang totoong mundo
Ay nakakapagod din
Kung ikukumpara mo ito
Sa nakakabagot mong daigdig

Lahat tayo ay may kapaguran
Alam kong higit ang sa iyo
Dahil ikaw ay makaramdaman
Kaya lang sa inaasal mong iyan
Itinataboy mo ako upang lumayo sa iyo
Dahil sa bawat paninigaw mo sa akin
Nasasaling ang dumudugo kong puso
Sapat upang makaramdam ako
Nang pagod at kawalang respeto

Oo
Mahal kita
Subalit
Huwag mo namang saiirin (drain) ang aking kabutihan
Dahil napapagod din ako
Nanghihinawa
Nawawalan ng pasensya
Dahil katulad mo
Kailangan ko ring huminga
Magpahinga
At maghanap ng makakaramay
Sa gitna ng aking mga pangamba
Tulungan mo ako
Upang higit kitang mahalin
Dahil
Ayokong dumating ang sandali
Na tuluyan na kitang lisanin

Hayaan mo
Na sa tuwing ikaw ay matapos kong dalawin
Makaramdam sana ako ng pag-asa
Mula sa iyong piling
Na magiging bagay na panghahawakan ko
Mula sa iyo sa bawat pag-alis
Na aking pananabikan
Hanggang sa aking pagbalik...






Br. Dennis DC. Marquez, sSSS

No comments: