Saturday, August 11, 2012

Elias at Salome


Ang hirap palang mangako...

Dati
Sinabi ko sa iyong hindi kita iiwan
Pero sa katotohanan
Ito na rin pala ang mga kataga
Nang aking pamamaalam

Kapag ikaw ay umiiyak sa pag-aalala
Lagi kitang pinapatahan
At dagli-dagli
Ang mga hikbi mo ay napapawi
Nang mga salita ko
Na itinuturing mong pag-asa

Kapag dumarating
Ang paglubog ng araw
Lagi kang nanabik
Sa aking pagdating
Mula sa kadiliman
Maririnig ko
Ang patakbo mong pananabik
Upang ako ay salubungin ng yakap
Upang ako ay pupugin ng halik (to kiss all over)

Andami nating pinag-uusapan
Halos kulang ang buong magdamag
Sa marami kong pagkukulang
Wala akong sumbat na naririnig
Hanggang sa mauwi pareho tayo sa katahimikan
Kung saan hahalikan mo ang aking mga kamay
At yayakapin kita
At sabay nating pagsaluhan
Ang nalalabing sandali ng magdamag

Iiwan kita
Habang ikaw ay natutulog
Bago sumilay ang araw
Magigising ka
Nang wala na ako sa iyong tabi
Mula sa kalayuan
Makikita ko mula sa bintana
Ang iyong pagluha
Habang yakap-yakap mo
Ang kumot
Na pinagsaluhan
Nang nakaw na ligaya

Laging masakit
Laging itong sumusugat sa puso
Dahil laging may hadlang
Sa pag-ibig nating hindi makahinga
Mga nauunsiyaming pagsuyo
Mga umid na ibigan
Na pawang nakabilanggo
At hindi makahinga at makalago

Kung saan
Ang tanging nagbibigkis
Sa atin dalawa
Ay ang mga wagas ng pangako
Nang ating lihim na ibigan
Sa isang suyuang binabalot ng kahiwagaan
Na itinatago lamang
Nang sinapupunan ng kadiliman

Kung maaari lamang sana
Hindi na tayo magkawalay
Hindi na tayo magkalayo
Hindi na kita iiwan
Iyon ay kung malaya na ako
Mula sa pagkakabilanggo
Mula sa aking pagtatago...




Dennis DC. Marquez