Tuesday, August 21, 2012

Pagka-matapat



May dalawang bagay akong naiisip
Upang manatili akong nagmamahal sa iyo
Una ay ang pag-ibig
Pangalawa ay ang kalayaang magawa ko ang nais kong gawin

Pag-ibig...

Ang ibigin kita ay isang magandang dahilan
Upang ako ay magtiis ng mga pasakit
Ang ibigin mo ako ay ang mapasaakin
Ang langit na aking pinapangarap at nilulunggati

Kung walang pag-ibig
Walang pagtitiis na mangyayari
Walang pangarap na mabubuo
Walang pangakong tutuparin

Kung hindi ko man magawa ang nais ko
Magiging maligaya ako sa bisig mo
Isuko ko man ang mga pangarap ko
Magiging maligaya pa rin ako sa piling mo

Kalayaan...

Pinapangarap kong mula sa mga kaya kong gawin
Ay matutunan mo rin akong mahalin
Kahit na mangahulugan pa ito
Ng aking buong buhay na pagtitiis

Ang kalayaan para sa akin
Ay yung makakahinga ako
Kung sakaling mapagod ako
Sa pag-unawa sa iyo

Kalayaan para sa akin
Ang magawa ko ang isang bagay
Na pinili ko
Sa oras na ito

Dahil ngayon pa lang
Inaamin ko na sa iyo
Na nabihag mong ganap
Ang puso kong tapat

Dahil sa pag-ibig
Na aking iaalay sa iyo
Nakahanda akong magtiis
Iyon ay kung pahihintulutan mo

Subalit kung igagapos mo lang ako
Sa kabiguan ng kawalang pag-asa
Hayaan mo na lamang akong
Masaktan pansamantala

Dahil hindi rin naman magbubunga
Ang alin mang pag-ibig
Kung hindi ito makalalago
Mula sa ating saradong mga puso

Kung hindi mo ako iibigin
O kung hindi ko magagawa ang nais kong gawin
Pipigilin ko lamang ang oras
At mabubuhay lamang sa panaginip

Mabuti pang ngayon pa lang
Ako ay masaktan mong ganap
Upang maibaling ko na lamang
Ang pag-ibig ko sa kapwa nagmamahal

Ito ang kalayaan kong nais
Ang kalayaan kong piliin
Kung kanino ko maiaalay
Ang aking wagas na pag-ibig

Oo...walang pag-ibig
Kung walang pagtitiis
Subalit wala ring kalayaan
Kung walang pusong pag-aalayan...





Dennis DC. Marquez