Thursday, August 23, 2012

Pamamaalam ng Naghihingalong Pari


Kapag ako
ay nawala na
ito sana ang tandaan mo
aking anak:

hindi man kita kadugo
nagpapasalamat ako
at itinuring mo pa rin ako
at minahal bilang isang ama

wala akong maipamamana sa iyo
kundi ang mga salita ng buhay
na ibinahagi lamang din sa akin
ng ating Dakilang Lumikha

hindi ako
ang
pinakamahalagang tao
sa mundong ating ginagalawan

dahil bahagi lamang ako
ng isang misyon ng Diyos
kung saan sa pagbibigay ko ng aking sarili
tayo ay parehong nagkatagpo

nakita ko kung paano ka lumaki
at ako naman
ay nasaksihan mo
kung paano tumanda

noong nagkrus
ang ating landas
tinawag ko itong
lubos na biyaya

marami tayong
pinagsamahan sa buhay
nakinig tayo
sa mga kwento ng bawat isa

at ngayon
maaaring ito na aking pinaka-huling sermon
at sa lahat ng aking mga naging misa
maaring ito na rin ang pinakahuli

bilang na aking aking sandali
nararamdaman ko na ang takot
na may pinaghalong kagalakan
at kalungkutan na ikaw ay aking iiwan

ngunit mamamatay akong
lubos na maligaya
sa kabila ng aking pag-iisa
ikaw ang tinawag kong kapamilya

sasabihin ko ng paulit-ulit
ang iyong pangalan habang ako'y naghihingalo
sa aking mga panalangin
ala-ala mo'y aking babaunin

ang mga sakripisyo mo
sa gaya kong may sakit at mahina
ay aking isasaysay
pag dating ko sa D'yos Ama




Dennis DC. Marquez