Monday, August 20, 2012

Makabagong Diyos


Naalala ko pa
Ninanis lang natin noon na maging malaya
Kung kaya tinanggal natin ang imahe ng Panginoon
Dahil akala natin
Kalayaan ang pagiging walang Diyos

Sa una...
Masaya
Malaya nating nagagawa ang nais natin
Pakiramdam ko
Pagmamay-ari ko ang aking sarili
Walang bawal-bawal
Lahat ay pwede nating gawin

Ito pala ang pakiramdam
Nang pagkakaroon ng kapangyarihan
Nakakalasing
Kung maaari lang
Ayaw ko nang magising

Matapos nating pagharian ang ating mga sarili
Namilosopiya (philosophized) tayo
Nangarap ng higit pa
Ngayon naman
Ang nais natin
Ay hikayatin ang ating kapwa
Sa kalasingang tinawag nating tagumpay

Sabi mo: Patay na ang Dyos
Kung kaya maaari na nating gawin ang nais natin
Hindi na ito uso
Sapagkat tayo na ngayon ang maghahari
Ito na ang bagong kalayaan
Na ating yayakapin
Na ating tatahakin

Subalit
Paglaon ng mga panahon
Nakulangan ka pa rin
Hinikayat mo kaming sakupin ang buong mundo
Wala tayong patumanggang pumatay
Dahil wala tayong kinakatakutan
Sa ating mga kamay
Inilagay natin ang katarungan
Tayo ang humusga ng buhay at kamatayan
Mga anghel tayo ng kamatayan
Na hindi mapigilan ang kapangyarihan

Hinubad natin sa ating mga sarili
Ang bawat bakas ng pagiging anak ng Dyos
Nagawa nating patayin siya
Sa ating puso at isipan
Nilasog-lasog natin ang ating kaluluwa
Upang ipakita sa kanya
Na nais natin ng kalayaan
Na na nais nating ng walang limitasyong kaligayahan

Subalit sa paglaon ng panahon
Tayo-tayo na ang nagtatagisan
Ang bawat isa sa atin
Ay nagpapatayan para sa kapangyarihan
Marami sa ating nahikayat
Ang nagumon sa tawag ng laman
Dahil sa pagiging malaya
Maraming nasira ang buhay

Pinatay natin ang Diyos
Sa sinapupunan ng ating puso
Upang sa bandang huli
Ating itambad ang ating mga sarili
Bilang mga makabagong diyos
Na malakas at makapangyarihan
Mga diyos-diyosan na sumasamba
At nahuhumaling
Sa kanyang sariling imahe (self-love)

Naging diyos-diyosan natin
Ang ating makitid na pag-iisip
Lumikha tayo ng mga doktrina
Na may pusong mapanggapi ng isang halimaw
Sinamba natin ang ating mga sarili
Sa mga bagay na lilipas nahumaling
At ang yaman at kariktang paimbabaw
Walang kabusugan nating hinangad

Tinatawag nating kapayapaan
Ang tikom na bibig ng mga biktima ng ating kasalanan
Kung saan ang bawat kamatayan
Ay inari nating tagumpay
Tinatawag nating kapayapaan
Ang pagkaalipin natin sa laman
Na ating tinatakasan
Subalit sa huli ay pinatunguhan

Ginawa nating diyos ang ating mga sarili
Na may malagim na nakaraan
Na may pusong makasarili
At may prinsipyong walang awa
Ninakawan natin sila
Nang karapatan upang umasa
Upang mabuhay at mamamatay
Na pawang walang kalaban-laban
Tanging galit at walang pagmamahal
Tayong naibahagi sa ating kapwa
Dahil sa inggit at pagkamakasarili
Na sa bawat puso natin umalipin


===
Epilogo:

Ngayon ay nauuso ang pagpatay sa America
May mga estudyante na pumapasok sa paaralan na may dalang baril
Na walang habas na na namamaril ng kapwa niya mag-aaral (trigger happy)
Ngayon ay tinatanong nila kung nasaan ang konsensya ng lipunan (moral conscience)

Sinira na nila ang pamilya at pinalitan ng makabagong pag-unawa
Tinanggalan nila ang bawat eskwelahan ng Krusipiho (Crucifix)
At ng maglaon tinanggal din ang Diyos sa puso ng bawat kabataan
Hindi itinuwid ang mga kabataan sa halip sinupalpalan ng kalayawan

At ngayon hahanapin ang konsensya na matagal nang tinalikdan?
At ngayon hahanapin ang pagmamahal para sa ating kapwa?
Walang pagmamahal kung wala ang Diyos sa puso ng tao
Dahil ang pagmamahal ay ang mismong pakikipagkapwa tao.





Dennis DC. Marquez