Sunday, September 11, 2011

Alay sa Pambansang Puno ng Kamangmangan



Sa isang bahagi ng tulirong kaisipan
Kung ka’ylan naghari ang kawalang katarungan
Dalisay na puso’y nilatayan ng kabulaanan
Ng munting tinig na pinanday ng abang kamangmangan.

Dinakila ang aral na salat sa katotohanan
Paninindiga’y nilimot, kamalia’y tinahak
Ipinitak sa kalatas sanga-sangang dahilan
Binulag ang sarili’t itinuon sa kadiliman.

Walang nanindigan sa sandali ng paglilitis
Hinayaang makitil isang diwang malinis
Kaimbiha’y namayani at s’yang naglihis
Mga munting mga mata’y saksing mapang-tikis.

Mapanglaw na liwanag sa aki’y bigong nanahan
Luhaan kong kaluluwa’y naninibugho sa kaibuturan
Pakikibaka ko’y pinagod ng inagnas na kabataan
Kung saan humihimlay ang kawalang katarungan.

Sino pa ang tatawaging anak ng inang bayan
Kung walang aako’t mag-aalay ng dangal
Mamatamisin pa ba ang malugmok sa kapahamakan
Sa ulupong na ganid, hanggang kay’lan palilinlang.

Kamataya’y yayakapin ko’t tatawagin akong bigo
Sa sandaling magsitayog ang mga batang ito
Kinunsinti sa kamalia’t hindi itinuwid
Sumisigaw ng karapatan subalit hindi ng tungkulin.

Kasalanan bang magalit sa maling inaasal
Maling gawain ba’y dapat ipagsanggalang
Pagpapahalaga’y itatakwil kapalit ng katamaran?
Pupurihin lamang ba ang mga bagay na paimbabaw?

Ano pang aawitin maliban sa pagluluksa
Wala ring iluluha maliban sa kabiguan
Ano pang hahangarin maliban sa kamatayan
Kung ang pag-amin ay hindi kayang mabigkas.

Anong aral ang magiging ilaw mula sa kabuktutan
Anong binhi ang ibubunga ng lahat ng kamalian
Panlilibak lamang ba ang inyong kapangyarihan?
Upang lupigin ang hinasang pag-iisip laban sa katiwalian?

Kaylan ba nakapag-akay ang isang kapwa bulag?
Saan patutungo ang paglalayag na hindi nasimulan
Hindi ko wawakasan ang niyayakap kong paglaban
Kahit lahat ng dahilan nito ay nilamon na ng kabulukan.

Pinuhin man ang himaymay ng aking laman
Sisigaw pa rin ako ng ayon sa tama
Pasakitan man ako’t ilibing ng hubad
Nakangiti akong hihimlay para sa paninindigan.

Dumilim man ang langit sa aking abang buhay
Poot ay hihilumin ng isang pag-ibig na dalisay
Doon mananahan lahat ng alaala
Nang isang kabayanihang nilapastangan ng kabataan.

No comments: